Kabanata 7

37 1 0
                                    

Kabanata 7. Hasyenda

"Ang ganda naman ng pasok mo, Liam," nakanguso kong sabi sa kanya habang naglalakad kami pabalik sa kotse.

"Master, hindi ba't may mahalaga pa tayong pupuntahan? Kailangan mong pumunta sa hasyenda, nando'n na raw ang lola mo,"

"Muntik nang magdampian ang labi namin ni Keanu, ba't ka naman biglang dumating?" Inis kong sabi pero bahagya s'yang natatawa sa inaasal ko.

"H'wag kang mag-alala, marami pang oras para do'n. At isa pa, maagang natapos ang event kaya kailangan na nating mauna,"

Natigilan ako.

"Nasa'n na pala si papa? Umalis na ba s'ya kanina sa selebrasyon?"

"Oo, master. Kailangan n'ya raw magpahinga nang maaga dahil may pagpupulong sila bukas. At bukas daw ng hapon, inutusan n'ya akong isama ka para kausapin,"

"Biglaan naman yata? Ano naman kaya ang pag-uusapan namin?" Pagtataka ko at nang makarating kami sa kotse ay do'n na ako naupo sa unahan, katabi ni Liam at hinayaan ko s'yang magsalita para 'di n'ya mahalatang dito na ako nakaupo.

"Hindi ko sigurado, pero alam mo? Malakas ang kutob ko na tungkol 'yon sa pagbibigay mo ng maiksing pagbati para sa lahat," at do'n nga ay pumasok na rin s'ya sa kotse at kaagad itong pinaandar.

Sumandal ako sa upuan, "Grabe, nakakapagod ang araw na 'to. Pero masaya! Sayang lang at hindi ako nakapagpaalam kay Keanu nang maayos,"

Natawa lang s'ya dahilan para mangisi ako at mapakagat labi na lang, 'di n'ya kasi alam na katabi ko na s'ya. Ayaw n'ya kasi talagang umuupo ako katabi n'ya.

"Pormal naman s'yang nagpaalam sa'yo kanina, master. Bumawi na lang kayo ng lambingan sa susunod,"

Napabuntong-hininga ako.

"Teka, paano mo naman nalaman na nando'n kami sa gazebo? 'Di naman ako nagpaalam sa inyo, ah?" Tanong ko pa dahilan para ngisian n'ya ako.

"Basta. Matulog ka na nga lang d'yan-- teka nga," natigilan s'ya at pinasadahan ako ng tingin.

"Oh?"

"Do'n ka dapat sa likod! Hindi ka dapat maupo dito--"

"Shh, Liam. Pagod ang buo kong pagkatao, pwede bang manahimik ka muna? Gisingin mo na lang ako 'pag nasa hasyenda na tayo,"

"Pero, master--"

"Goodnight, Liam," sagot ko sabay pikit ng mga mata ko, 'di ko na pinakinggan 'yung mga sunod na sinabi ni Liam at nagpanggap na lang ako tulog.

Katahimikan.

"Mr. Hershey Avaro Gonzales," mariing sabi ni Liam dahilan para mapadilat ako at lumingon sa kanya.

"Ha?"

"Malapit na tayo. Anong goodnight ang pinagsasabi mo? D'yan lang ang hasyenda ninyo, baka nakakalimutan mong nasa Amore tayo?" Bakas ang awtoridad sa tono ni Liam dahilan para mapabangon talaga ako!

Ayoko talaga 'pag nasa ganyan s'yang estado, paniguradong pagagalitan n'ya ako pag nakauwi kami sa bahay o 'pag nando'n na kami sa hasyenda! Ayoko talagang nakikitang paubos ang pasensya n'ya, lalo 'pag ako ang dahilan.

"Nandito na tayo, master. Bumangon ka na d'yan,"

"Parang ang seryoso mo naman ngayon, Liam. H'wag ka na ngang magalit d'yan, minsan mo lang ako pagbigyan,"

Napabuntong-hininga s'ya.

"Hindi ako galit, master. Hangga't maaari nga ay gusto kong palagi kang nasa maayos." At do'n umukit na ang maliit na ngiti sa kanyang labi dahilan para mangiwi ako.

Parang kanina lang ay nagsusungit na s'ya tapos konting suyo lang ay ayos na. Gayon pa man, napailing na lang ako at dito n'ya ako hinayaan na makababa ng kotse. Sa likod kami ng hasyenda dumaan kaya naman no'ng sandaling makapunta ako sa bungad ng mansyon dito sa loob, sinalubong na agad ako ng mga taong nagtatrabaho dito.

"Magandang gabi, ginoong Hershey!" Masayang bati nila sa'kin.

"Whoa! Si kuya Hershey! Kuya! Laro tayo sa plaza dali, sama ka sa'min!"

"Ang pogi ng kuya Hershey natin, grabe! Daig n'ya pa 'yung mga artista sa telebisyon! Mas gwapo pa s'ya kay Koko Martinez!"

Iyan pa ang ilan sa mga narinig ko mula sa mga trabahador ng hasyenda kaya naman wala akong nagawa kundi ang ngitian na lamang sila. Matapos no'n, marami pa silang mga bagay na tinanong sa'kin habang tumutuloy kami sa loob ng mansyon kung saan naghihintay daw sa'kin si lola.

Ang sabi sa'kin ni Liam, isang-daang pamilya ang nagtatrabaho at iba't ibang komunidad na rin ang natulungan nitong hasyenda. Kaya naman karamihan sa mga mamamayan ng Amore ay malaki ang pasasalamat kay papa dahil isa s'ya sa mga dahilan kung ba't nagiging maunlad 'tong bayan.

"Nasa'n na ba si lola? Baka naman mamaya ay nakatulog na 'yon, bukas na lang din kaya natin s'ya kausapin? Inaantok na rin ako, eh," napapakamot sa ulo kong sabi.

Naupo muna kami sa sala, "Pakikuha naman kami ng inumin, salamat," utos ni Liam sa kanila dahilan para kaagad silang sumunod.

"Ako ba ang hanap mo, apo?" Dinig kong boses ni lola dahilan para kaagad akong tumayo at hanapin s'ya, do'n ay nakita ko s'yang marahang bumababa ng hagdan habang inaalalayan s'ya ni Mr. Moran, s'ya 'yung nag-aalaga kay lola.

Lumapit ako sa kanya at nagmano, "Kumusta po? Biglaan naman yatang gusto n'yo raw po akong makausap?"

Napangiti s'ya at do'n ay inalalayan ko rin s'yang makarating sa sala at maupo, "Nasabik lang akong makita ka ulit, hindi ka naman madalas dumalaw dito,"

"Eh, naging abala rin po kasi ako nitong mga nagdaan. Alam n'yo naman si papa, gusto n'yang palaging ang tuon ko ay nasa pag-aaral,"

Naupo si Liam sa'king tabi, "Mano po," magalang na sabi nito.

"Aba, ito na ba si Liam? Lumaki ka ring gwapo, 'no? Ibang klase, hindi nagkakalayo ang itsura ninyo ng apo ko. Gwapo ka rin gaya n'ya,"

Napakamot sa ulo si Liam, "La, no'ng nakaraang linggo lang ay nandito ako. Nakalimutan n'yo na ba?"

Bahagya kaming natawa.

"Aba, oo nga 'no? Naku, sadyang iba lang ang dating ninyong pareho dahil sa kasuotan ninyo. Para kayong mga artista, sinong mag-aakala na lalaki kayo nang ganyan?"

Makakalimutan na kasi si lola. Nakakalimutan n'yang madalas naman kaming dumalaw dito, sa t'wing pupunta kami ay aakalain n'yang ilang taon na kaming hindi nagkikita kaya ayan, parang nagugulat pa rin s'ya sa t'wing pumupunta kami dito ni Liam. Pero kaibahan 'yon 'pag si papa ang pumupunta dito kasama ako, sadyang kabisado lang s'ya ni papa kaya madali s'yang naalala ni lola.

© kopimakiyato

Rose Golden Paradise (Amore Archives #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon