Asoka MakeUp Trend: Wag Takpan ng Kagandahan ang Katotohanan

4 0 0
                                    

Sagisag panulat: Imortal ng SM

Ang midya ay isang tsanel kung saan ipinapaksa ang iba't ibang pangyayari sa ating bansa maging personal man o kolektibong karanasan ng mga mamamayan. Sa kasalukuyan, ang Tiktok ay isa sa mga pinaka tanyag na aplikasyon na ginagamit ng parehong mga kilala at mga pangkaraniwang tao upang magpahayag ng kanilang mga nararanasan at nararamdaman. Kabilang na rin dito ang mga napapanahong isyu na ulit ulit na lamang na makikita sa mga "for you page" ng nasabing aplikasyon. Isyu patungkol sa kahirapan, sa pag tanggal ng pinaka kilalang pampublikong transportasiyon, pagkasira ng kalikasan na nauuwi sa polusyon na nagdudulot ng hindi maatim na init. Ngunit tila ba kahit madalas na itong mapadaan sa ating mga mata ay waring nag bubulag-bulagan ang mga nakakakita nito.

Kamakailan ay sumikat ang Asoka makeup trend sa tiktok na nagbigay mitsa sa "Filipino Pride" ng mga Pinoy na gumawa ng sariling trend o pauso na pinamagatang "Piliin mo ang Pilipinas". Ito ay sinumulan ni Angge G. na nakilala sa isang palabas sa YouTube na tinatawag na The House of Collab. Napukaw ang interes ng mga manonood at gayun narin ng mga "content creators" ng pasikatin ni Jomar Lovena ang "Tiktok Challenge" sa pamamagitan ng mahusay na paglikha ng bidyo gamit ang kaniyang pag-arte at kakayahan sa page-edit na tila ba isang likha na nagmula direkta galing sa sinehan. Kasunod na nito ay ang mga kilalang personalidad gaya nina Julie Ann San Jose, Angeline Quinto, Lenie Aycardo, at maraming pang iba na di lamang kilala sa Tiktok media app kundi gayun na rin sa ibat ibang larangan sa telebisyon. Nagpakita sila ng kani-kanilang bersiyon na nagpapakitang gilas ng mga magagandang katingian ng mga Pilipino. Magmula sa pagsisikap, pagtutulungan at pagiging makabayan, lahat ng positibo taas noong ipinagmalaki ng mga ito.

Dalawang araw na ang nakalilipas, Mayo 11, 2024 nuong inilabas ng kilalang komedyante na si Vice Ganda ang kaniyang Piliin mo ang Pilipinas trend na bidyo. Kung saan hindi inaasahan ng lahat ay nagpaksa ng mga napapanahong isyu sa bansang Pilipinas. Ipinakita niya ang isyu patungkol sa trapiko, polusyon, pag tanggal ng mga Jeep bilang pampublikong sasakyan, gitgitan at siksikang pagsakay sa mga pang publikong transportasiyon buhat ng mataas na bilang ng populasyon, maging ang pagtatayo ng kung ano anong istraktura sa mfa makasaysayan at pinangangalagaang lugar sa bansa. At sa dulo nga nito ay binitawan niya ang mga katagang "Kahit mahirap ka ipaglaban, Pinipili parin kita Pilipinas". At ano nga ba ang naging sagot ng madla sa bitbit na pahayag ni Vice?. Ano pa nga ba kundi purong pantutugis at pang kukutsa sa mensaheng hatid ng bidyo nito. Dumagsa ang mga kometong tumataliwas sa ginawa daw na "pamamahiya" ni Vice sa sariling bansa sapagkat isa siyang komedyante at ito na lamang raw ang nakikita niyang kutyain, ang sarili niyang bansa. Kesyo inilabas daw ito ni Vice upang gawing "joke material" ang mga kapwa Pilipino. Na dapat na raw ipatanggal at ipagbawal ang Tiktok dahil ginagamit daw ito ng mga kagaya ni Vice upang "I-shame" ang sariling bansa. Ngunit may mga iilan din namang ipinagtanggol si Vice ngunit kalakip rin dito ay ang

komento ng isang sikat na indibidwal na nagsasabing "laro hahahaha". Na pumukaw sa atensyon ko bilang isang kapwa Pilipino, "LARO"? mas malala ang pahayag na ito para sa akin kaysa sa mga kometong nagsasabing ipinahiya daw ni Vice ang Pilipinas. Baka nga ipinahiya niya ang Pilipinas, aba puruhin ba naman ang mga napapanahong isyu satin ngayon, ngunit kung hihinto tayo para isipin ang nilalaman ng bidyo, hindi ba't pawang puro katotohanan naman?. Kay mas masakit pa na malamang may mga taong magsasabi ng "LARO" tungkol dito. Dahil sumisimbolo ito ng kung gaano na kabulag ang mga mamamayan sa mga isyung tayo mismo ang kumakaharap.

Kabi-kabilaang traffic hindi na lamang sa mga north and southbound lanes, sa mga highway o mga urbanisadong lugar kundi pati na rin sa mga lokal at pamprobinsiyang mga daanan. Sobrang taas na heat index o init na tagos na sa 53° nitong nakaraan bungsod ng pagbabago sa klima na dala ng sang katutak na polusyon buhat sa kawalan ng pagpapahalaga, pangangalaga, at kaalaman ng mga tao sa kalikasan at paligid .Bagsak na nga ang employment rate o porsyento ng mga may trabaho lalo pang binabawasan dahil sa panibagong Jeepney Phase Out na patakaran, paano na ang mga tsuper na dito lang nakaasa ang pamumuhay? paano ang mga pamilyang binubuhay nila. Idagdag mo pa dito ang kawalan ng "cultural appreciation" na kitang kita dahil sa pagtatayo ng mga establisyimentong nakahambalang sa mga makasaysayang lugar gaya ng Luneta park kung saan hindi lamang rebulto ni Rizal ang tanaw na tanaw kundi pati na rin ang may apatnapu't anim na palapag na istraktura. Isa pa itong paglalagay ng resort, na literal na naka-puwesto sa gitna ng mga Chocolate Hills sa Bohol na kinikilala bilang isa sa mga pinaka magandang regalo ng kalikasan sa Pilipinas. Ang dagat na West Philippine Sea ang pangalan ngunit mga Pilipino mismo ang pinalalayas at inaambahan ng kung sino pa ang mga dayuhan, nung nakaraan nga lang isang maliit na bangkang pang mangingisda nanaman ang hinarang ng binomba ng tubig ng mga Tsino.

Diba't pawang katotohanan naman lahat? Bakit ayaw nating tanggapin, baka sakaling masolusyonan natin kung imumulat lamang natin ang mga nag bubulag bulagan nating mga mata. Kasi paano nga natin so-solusyunan ang mga isyung kaharap kung kaharap na nga natin sila ay hindi pa rin natin nakikita? Tunay nga bang bulag na ang mga mamamayang Pilipino?. Hindi ba't panahon na upang simulan na nating baguhin ang ating mga hakbang na tinatahak para sa hinaharap? Nangyari na, malala na, hindi pa ba matututo? Aba! Pinoy ka rin naman diba...baka gusto mo namang kumilos-kilos na.


SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon