Gintong Hulmahan

2 0 0
                                    

Sagisag panulat: Tsong Lingkod 

Ang gintong pamantayan ng kagandahan ay isang hulmahang ginawa ng lipunan kung saan binabalewala ang angking kagandahan ng bawat isa. Ang makabagong teknolohiya ay siyang nagpakilala sa sosyal medya kung saan makikita ang samut-saring larawan ng mga modelo. Nagkakaroon din ng presyur upang makasabay o makapasok sa isang hulmahang ginawa na hindi makatarungan. Nagbibigay din ito ng mababang kumpiyansa sa sarili na siyang maaaring magdulot ng pagkakaroon ng problema sa mental health. Ang mga problemang ito ay ilan lamang sa mga problemang kinakaharap na nakapaloob sa pamantayan ng kagandahan.

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya na ang sosyal medya ay parte na ng pang araw-araw na gawain ay siya ring nakakaapekto sa isang tao. Ito ay sa kadahilanang ang magagandang aspeto ng sariling buhay ay siya lamang pinapakita. Iba't-ibang larawan na kakikitaan ng kagandahan ang siyang bumubungad sa iyong harapan. Na tila ba ang mga ito ay "filtered" na hindi na makatotohanan at ang mga likes o ang atensyon na binibigay ng karamihan ay siya na ring hinahabol. Dagdag pa rito, ang mga modelo na siyang nakikita sa sosyal medya ay pilit na ginagaya na tipong binabaluktot nito ang katotohanan na ang tao ay may angking kagandahan.

Nagkakaroon din ng presyur sa isang tao upang makasabay at makapasok sa gintong pamantayan. Ang lahat ay labis na naghahangad upang maging isang taong ideyal. Ngunit, ang pamantayang ito ang siyang nagdudulot sa isang tao upang lumapit sa siyensya upang ihulma ang sarili. Hindi naman ito masama ngunit ang presyur ang siyang tumutulak sa tao na baguhin ang kanyang sarili ng sobra-sobra. Na hanggang dumating sa punto na ito ay ginagawa na lamang upang makasabay sa daloy ng progreso at hindi na para sa ikabubuti ng sarili.

Mababang kumpiyansa sa sarili ang isa ring naidudulot nito sa isang tao. Sa kadahilanang ang pagkakaroon ng mababang kumpiyansa ay mag-uugat sa mababang pagtingin sa sarili na mayroong mali sa sariling hitsura. Kapag hindi nila naabot ang minimithing hitsura kagaya ng mga nakikita o uso ay magkakaroon ng mababang pagtingin sa sarili. Tila sila ay nabibigo at hindi na ginugustong lumabas at makihalubilo sa iba. Sila rin ay maaaring magkaroon ng eating disorders o iba pa dahil ang sinasabing maganda rin ay ang mga balingkinitan ang pangangatawan na kanilang labis na inaasam.

Nararapat na kilalanin ng bawat isa na ang pamantayang ito ay hindi kinakailangan na sundin sapagkat ang kinakailangan ay malaman na ang isang tao ay sapat na lalo na sa kanyang sariling paningin. Sa ngayon ay may mga pag-usbong at pagkilala na nagaganap na ang lahat ay may angking kagandahan. Unti-unti nang nakikita ang pagtanggap na ang hulmahang ginto ay hindi nararapat na gamitin upang ipilit na ang isang tao ay dapat na magmukhang kagaya ng iba. Na ang ginagawa nito ay magbigay ng presyur, mababang pagtingin sa sarili, at problema sa mental health sa mga tao upang makasabay lamang sa pamantayang gawa-gawa lamang. At sa huli, kung hindi ito tuluyang malulutas ay patuloy pa rin itong mamamayagpag at makakaapekto sa paglinang ng pagkatao. 

SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon