Biyayang Hirap

3 0 0
                                    

Sagisag panulat: Alusema Liwayway

Teenage pregnancy o ang maagang pagbubuntis, isang sakit ng lipunan at tulay sa mas malalim pang pagkakasadlak ng buhay. Ang problema na ito ay tumutukoy sa pagdadalang tao o pagiging isang magulang ng isang menor de edad o wala pa sa wastong gulang. Ang pagdadala ng isang buhay ay isang responsibilidad at sa patuloy na tumataas na mga bilihin ay tiyak na mahirap ng buhayin ang sarili at mas lalo na ang bumuhay pa ng isa pang tao. Tila mahirap hanapan ng lunas ang problemang ito ng lipunan ngunit kung darating ang araw na ang tao ay matatanggap ang kanilang pagkakamali, mananatili itong liwanag at pag-asa sa inaasam na pagbabago.

Ang maagang pagbubuntis ay isang sakit ng lipunan sapagkat mapapansin ang pag usbong ng problemang ito mula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan. Makikita ito sa iba't ibang parte ng lipunan, iba't iba man ang antas sa buhay ay maaaring hindi makaligtas sa problemang ito. Ayon na lamang sa mga balitang napapanood sa telebisyon at social media, patuloy pa na mas tumataas ang bilang ng mga batang nagkaka anak imbis na ito ay unti-unti na lapatan ng lunas ay tila ang sakit na ito ay patuloy pang kumakalat at pinapamana. Ilang henerasyon na ang nagdaan at ang isyu sa maagang pagbubuntis ay nananatiling buhay na buhay at tila ang mga magulang na siya mismong biktima ay hindi natuto na pati ang mga anak o sumunod na henerasyon ay nadala ang sakit na ito. Isa lamang itong malinaw na indikasyon na ang maagang pagbubuntis ay isang malubhang sakit, apektado nito ang buhay ng mga naging batang magulang sa usaping pangkalusugan, emosyonal, at pinansyal.

Ang magaang pagbubuntis ay sinasabing tulay sa mas malalim pang pagkakasadlak ng buhay dahil karaniwan itong bunga ng walang sapat na kahandaan. Ang pagkakaroon ng isang anak ay isang responsibilidad, kinapapalooban dapat ito ng pagiging handa sa aspetong emosyonal, pisikal, at pinansyal. Sa tumataas na mga bilihin sa merkado, kahit ang mga taong may permanenteng trabaho ay nahihirapang punan ang kanilang pangangailangan sa araw-araw kung kaya't mas lalong higit pa ang magiging kalagayan ng mga taong sa maagang edad ay nakabuo na ng anak. Sa pagiging isang menor de edad ay wala pa itong makukuhang trabaho na may sapat na sahod kaya tiyak na magiging mabigat na problema kung paano nito bubuhayin ang sariling anak. Lubhang mahirap na mabigyan ang anak ng isang magandang buhay kung ang mismong magulang ay hindi pa naiaalis ang sarili nito mula sa pagkakasadlak.

Sa problemang kinakaharap, ang pangunahing solusyon na maaaring mailapat ay ang pagpapalawak pa ng sex education sa bansa upang mas maunawaan ng mga kabataan ang epekto nito at maging bukas ang kanilang isipan. Sa panahon na lumilipas ay hindi lingid sa kaalaman na ang mga kabataan ay mas nagiging mapusok maaaring dahil sa kanilang napapanood sa midya, wala naman kakayahan ang mga magulang na bantayan ang kanila mga anak bawat oras kaya ang marapat na gawin ay bumuo ng bukas ng komunikasyon at magbigay pangaral sa paraang lubos na mauunawan ng mga anak. Ang isa pang maaaring solusyon ay ang pagiging madaling ma-access ng mga kontrasepsiyon nang sa gayon ay hindi ito magudyok ng pagbubunga ng hindi sinasadya. Ang pagsasama ng dalawang solusyon na nabanggit ay tiyak na magiging lunas sa sakit na ito ng lipunan, hindi kinakailangang ikulong ang mga bata sa bisig ng kanilang mga magulang dahil sa sapat na pangaral at kaalaman, tiyak na hindi sila magiging biktima. Sa huli, masasabing ang paggamot sa sakit na ito ay malayo pa ngunit malayo na, unti-unti ay mas nagiging bukas ang isipan ng mga mamamayan at nawa ay tuluyang mapababa ang kaso ng maagang pagbubuntis dahil nagdudulot ito ng domino effect, partikular na ng kahirapan sa buhay.

SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon