Kleptokrasya sa Anyo ng Demokrasya

2 0 0
                                    

Sagisag panulat: Katha-maran

"Hindi naman ito ang ipinangako sa amin eh."

Linyang pangkaraniwang maririnig mula sa dumadaing at naghihikahos na mamamayan sa lipunang kung saan, sila ang may hawak ng pulitikal na aspeto. Bakit nga ba ganito ang madalas kahinatnan sa mga opisyal na ngayo'y nasa pedestal? Ang pulitika sa Pilipinas noon pa ma'y madalas nang ihambing sa isang malaking sirko. Samu't-saring bersyon ng katiwalian, pagsasamantala, at pansariling interes ang matutunghayan at kung minsan pa'y pinamumugaran ng mga wala naman talagang tunay na kaalaman sa larangan ng pulitika. Sa bawat halalan, ang mga mamamayan ay inaasahang mamimili ng mga pinunong maglilingkod sa kanila at magdadala ng pagbabago sa lipunan ngunit sa halip na maging daan tungo sa kaunlaran, ang pulitika ay tila naging sentro ng mga oportunista at mapang-abuso.

Ang katiwalian sa gobyerno ay isa sa pinakamatindi at nangungunang suliranin na nagiging sanhi ng kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa kanilang pinuno. Mula sa mga opisyal sa lokal na antas hanggang sa mga nasa mataas na posisyon sa pamamahala, ang katiwalian ay tila naging isang pangkaraniwang praktika't norm na lamang sa pulitika. Maraming mga kaso ng pandarambong, kickbacks, at ghost projects ang lumalabas sa balita, na nagpapakita ng kawalang-kakayahan ng gobyerno na pangalagaan ang kaban ng bayan. Masasaksihan din ang walang kabuluhang pagwaldas ng pondo ng mga mamamayan at ang mas masaklap, walang magawang aksyon laban sa mga gawaing ito gayong kontrolado ng mga nakatataas ang sistem. Ito'y direktang pagtapak at pangbabastos sa batas at kawalang respeto sa mamamayang naglalagay sa kanila sa posisyon, lalong-lalo sa bayan. 

Liban pa riyan, ang pulitika ay tila naging pugad ng mga dinastiyang pamilya sa larangan ng pulitika. Sabihin na ngang magaling ang pamamahala ngunit hindi ito sapat na dahilan upang manatili sa posisyon at ipasa na lamang nang ipasa sa kamag-anak ang upuan gayong marami ring may potensyal na magbigay pa ng mas mayaman na serbisyo't pamamahala. Sa halip na maging patas at bukas ang pagkakataon para sa lahat na sumali sa proseso ng pamamahala, ang mga pamilyang nasa kapangyarihan ay nagpapatuloy sa kanilang paghahari-harian sa pulitika. Ipinamamana nila ang kanilang kapangyarihan at impluwensya mula sa isa pang miyembro ng pamilya papunta sa isa pa, na nagpapalakas ng kultura ng dinastiya at nagdudulot ng kakulangan sa tunay na kompetisyon at pagbabago. Ang ganitong uri ng sistema ay kasuka-suka at labag sa primaryang katayuang pampolitikal ng bansang ating kinalalagakan - ang demokratikong pamamaraan ng pamamahala.

Ang pulitika rin ay nagiging instrumento ng personal na interes at pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa halip na magsilbi para sa kapakanan ng mga mamamayan, ang mga opisyal ng gobyerno ay madalas na gumagamit ng kanilang posisyon upang mapagsilbihan ang kanilang sariling interes at ng kanilang mga kaalyado. Kaliwa't kanang panloloko na ang ating nasasaksihan hindi lamang sa balita, kun'di pati sa midya patungkol sa mga opisyal na walang ginawa kun'di mangyurak sa kapwa Pilipino at gamitin ang posisyon sa ikabubuti ng sarili't mga kaanib na siyang taliwas sa kanilang sinumpaang tungkulin. Ang paggamit ng kapangyarihan upang pigilan ang mga kritiko, ang pagsasawalang bahala sa batas, at ang pagpapalakas ng kanilang personal na yaman at impluwensya ay ilan lamang sa mga pang-aabuso sa kapangyarihan. 

Sa kabuuan, ang pulitika sa Pilipinas ay nagmistulang isang malaking sirko ng katiwalian, dinastiya, at pang-aabuso sa kapangyarihan. Ngunit gayunpaman, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa. Ang sulo ng pag-asa'y hindi dapat kailanman maapula ng mga makapangyarihang nagkukubli sa dilim sapagkat tayo ay nasa demokratikong sistema. Tayo ang may hawak ng pulitika't kinabukasan. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagtindig laban sa mga mapang-abuso at katiwalian, maaari nitong baguhin ang larawan ng pulitika sa ating bansa. Mahalaga na maging mapanuri, mapanagot, at aktibo ang bawat isa sa pagpili ng pinuno at pagtaguyod ng tunay nga demokrasya at pagbabago sa Pilipinas. Nagawa na natin noon, kayang-kaya muli nating  lumaban ngayon. 'Wag magkibit-balikat. Makialam, magsiyasat, kumilatis. Hindi sila ang magdidikta sa agos ng pulitika. Ikaw, Tayo ang pag-asa ng Pilipinas kaya't gising!

SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon