Ang Laban ng Pagtanggap: Isang Pagsilip sa Katotohanan ng Prader Willi Syndrome

2 0 0
                                    

Sagisag panulat: Scratch_Bright

Mga hugis almond na mata at matatabang mga bisig at pisngi. Laki ng katawan na tila hindi angkop sa edad at di mapigilang paghahangad ng pagkain dulot ng walang humpay na kagutuman. Ito ang ilan lamang sa mga katangian ng isang musmos sa Tiktok na nagngangalang Gegail; na lumalaban sa buhay sa kabila ng karamdaman na tinatawag na Prader Willi Syndrome. Ito ay isang namamanang sakit na nagreresulta ng iba't - ibang suliranin sa paraan ng pagkilos, pag-iisip at pisikal na katangian ng isang indibidwal.

Sa aspeto ng pagkilos ito ay karaniwang maoobserbahan sa mga batang nasa dalawang taong gulang na kinakikitaan ng labis na pagkagutom sa kabila ng oras-oras nilang pagkain. Sila rin ay delay pagdating sa pag-abot ng mga development milestones na naaayon sa kanilang edad, tulad na lamang ng kakayahan na maglakad, tumakbo, magsalita at iba pa.

Sa aspeto naman ng pag-iisip, sila'y kakikitaan ng kabagalan sa pagproseso ng impormasyon, paggawa ng desisyon at pagresolba ng mga simpleng gawain. Hirap rin silang matuto at nagkakaroon ng problema sa paraan ng pananalita. Higit pa rito, ang kanilang kilos ay karaniwang hindi angkop dulot ng hindi makontrol na bugso ng damdamin. Kung hindi magagabayan ng maayos ang mga indibidwal na mayroon nitong karamdaman, ito'y maaaring humantong sa mga sakit tulad ng anxiety, skin picking o 'di kaya'y Obsessive Compulsive Disorder. Sa ibang pagkakataon, maaaring sila ay magtaglay ng problema sa pagtulog tulad ng sleep apnea.

Sa aspetong pisikal, habang sanggol pa ang isang batang may ganitong karamdaman, kakikitaan sila ng kahinaan ng mga kalamnan. Minsan ay nagmimistula silnag manika sila kapag binubuhat ng kanilang tagapangalaga. Bukod pa rito, hirap din sila sa pagsuso sa kanilang ina, karaniwang pagod at hindi nakatutugon ng maayos sa kanilang kapaligiran. Mula sa murang edad hanggang sa pagdadalaga, hindi nadedevelop ng maayos ang kanilang mga ari na di kalauna'y nagreresulta sa pagkabaog pagtuntong nila sa tamang edad. Nagdudulot rin ito ng komplikasyon sa paglaki ng bata dahil sa problema sa hormones na pumipigil upang malabanan din nila ang ibat-ibang sakit. Higit pa rito, ang labis na kagutuman ng batang nakakaranas ng sakit na ito ay kadalasang humahantong sa obesity. Sa ibang kaso, ang di mapigilang gutom ay nagbubunsod sa kanila ng pagkain ng iba't- ibang bagay tulad ng basura, buhok o 'di kaya'y mga hilaw na pagkain.

Sa kasalukuyan, nagsisimula ng dumami ng populasyon ng Pilipinong may nasabing karamdaman. Ang nasabing kondisyon ay isang malaking hamon hindi lamang sa indibidwal kundi maging sa kanyang buong pamilya. Sa huli bilang bahagi ng lipunan, kinakailangan na mabigyan natin ng masinop na pangangalaga, suporta, at pag-unawa ang sinumang may nasabing kondisyon upang makamit nila ang pinakamahusay na kalidad ng buhay. Bawat isa ay mahalaga upang matiyak na ang mga indibidwal na may Prader Willi Syndrome ay makakatanggap ng kinakailangang suporta at mapagkalinga na kapaligiran.

SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon