Para! Para Saan?

2 0 0
                                    

Sagisag panulat: Yugen

Modernisasyon ng pampublikong sasakyan, hindi para sa masa at lalong hindi para sa bayan. Makaraang ihain sa kongreso ang jeepney phaseout ay samut saring hinaing ang naglabasan mula sa iba't ibang dako ng Pilipinas. "Hindi ito makatarungan", ika nga ng ating mga tsuper na araw-araw nating nakakasama sa pasada. Ang mga tsuper na naging saksi sa ating mga pumupungay na mata habang binabagtas ang kilo-kilometrong kalsada. Hindi ba sumagi sa ating isipan na sa oras na sila'y mawalan ng hanapbuhay, ay tuluyan na silang mawawalan ng pagkakakitaan. Maaaring maganda nga ang hangarin ng gobyerno para sa modernisasyon, nais nilang isulong ang malinis na kapaligiran at isaalang-alang ang ating kaligtasan. Ngunit, magiging epektibo nga ba ito? Marahil ang kanilang sagot ay "hindi kami sigurado".

Hindi lahat ay kayang sumabay sa pagbabago at hindi lahat ay may naka impok na daang libo upang makapundar ng bago. Ang kinikita ng mga tsuper ay hindi sapat upang hulugan ang ganitong uri ng modernong sasakyan. Ano pa at maghapong nangunguba ang ating mga tsuper sa maghapong pamamasada, tinitiis ang nakapapasong init kung mayroon naman pala silang pera. Hindi natin minamaliit ang ating mga masisigasig na tsuper, ngunit alam natin ang hirap ng kita sa pasada. Ito ang masakit na katotohanan sa Pilipinas, padalos dalos magdesisyon ang mga nasa posisyon. Hindi nila alintana ang mga apektado dahil sila ay nasa sasakyang magara at presko.

Bukod sa mga tsuper ay labis ring maaapektuhan ang mga katulad nating komyuter. Sa oras na mawala ng tuluyan ang mga dyip ay paniguradong magiging pahirapan ang ating biyahe. Hindi man ganoon kaalwan sa pampublikong sasakyan ay makararating pa rin naman tayo sa paroroonan. Maituturing ko rin na magandang karanasan ang makita ang kapwa komputer na nagsisiksikan sa kakarampot na espasyo. May bahid ng matinding pagod at pilit nilalabanan ang antok.


Ang jeepney phaseout ay hindi solusyon sa kasalukuyan. Marami pang dapat na isaalang alang at kinakailangan pa ito ng matagal at mabusising pagpaplano. Huwag nating ipilit ang modernisasyon para lamang masabing tayo ay nakasasabay sa pagbabago. Mahalaga ang pagbabago ngunit kinakailangan nating timbangin ang mga dapat isakripisyo.

SanaysayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon