Simula

30 3 0
                                    

Ibinaba ko ang mga dala kong bag sa sahig at ilang segundong tiningnan ang nakasaradong pintuan sa aking harapan. Hindi ko alam kung kakatok ba ako o bubuksan na lang gamit ang susi na binigay sa akin ng landlady noong pinili namin itong kuwarto. Paniguradong may tao sa loob dahil bukas ang bintana sa taas at nasisilip ko ang ilaw roon.

Ilang minuto akong nakatayo sa labas. Ramdam ko na ang panlalagkit dahil sa ilang oras na biyahe. Ang dami ko pang dala dahil halos buong gabi yatang nag-impake si lola para sa akin. Nailipat naman na namin ang mahahalagang gamit ko rito noong nakaraan, kagaya ng mga gamit sa kama, sa kusina, at saka isang maliit na drawer. Bale mga personal na gamit ko na lang ang dala ko ngayon na sobrang dami rin.

Inipon ko ang lahat ng aking lakas ng loob at kinatok ang pintuan. Pagkatapos ay napayuko ako at pinagmasdan ang aking mga daliri. Kumunot ang noo ko nang ilang minuto na ay hindi pa rin bumukas. Kakatakok sana akong muli nang biglang bumungad sa akin ang isang babae dahil sa pagbukas ng pintuan.

Hindi ko naitago ang aking gulat, samantala palakaibigang ngiti naman ang iginawad ng babae sa aking harapan.

"Hi! Pasensiya ka na at natagalan. Nasa taas kasi ako at nanonood ng K-drama." Tinuro niya ang higaan niya na nasa taas ng double-deck. "'Yong ibang kasama naman natin ay mga tulog. Mukhang sinusulit ang walang pasok."

Naiilang na ngumiti lamang ako sa kaniya. Hindi ko alam ang sasabihin. Nagbigay siya ng daan sa akin at maingat akong pumasok. Kuryoso siyang nakasunod sa bawat galaw ko. Gusto ko na lamang lamunin ng kisame ngayon para matakasan siya.

Bago pa kami lumipat dito ay may kanya-kanya na kaming puwesto. Doon din ako sa taas, katapat ng babaeng nagbukas ng pintuan sa akin. Nilagay ko na roon ang mga bag ko. Ayoko munang umakyat.

Nilibot ko ang tingin sa buong kuwarto namin. Plain white ang kulay ng pader at kisame. May dalawang double-deck. Dalawa kami no'ng babaeng nagbukas ng pintuan sa taas at mayroon pang dalawang babae sa ibaba namin. May malapit na lamesa rin doon. Hindi ko alam kung kanino iyon. Sa gilid no'n ay malinis na nakasalansan ang mga gamit sa kusina. Marami iyon, mukhang magkakasama na sila.

Sa muling paglilipat ko ng tingin ay bahagya akong nagulat nang makita ang babaeng nagbukas ng pintuan. Hindi pa rin siya umaalis sa puwesto. Nawe-weirduhan ako sa kaniya. She, again, smiled at me. Tipid kong ginantihan na lamang iyon.

Maayos ang mga gamit. Kahit hindi gaano kalawak ang kuwarto ay may sapat na space pa naman kami kahit na may tatlong maliliit na drawer sa loob, akin ang isa. May susi iyon kaya ayos lang. Though, hindi ko naman hinuhusgahan ang mga kasama ko na mangunguha ng gamit.

"Ako nga pala si Azraela," pakilala ng babaeng nagbukas ng pintuan.

Hinanap ko ang boses ko na tila nawawala kapag mayroon akong kausap.

"Lillianna," mahinang banggit ko sa aking pangalan.

"Ang ganda ng pangalan mo, parang rich haciendera!" Maligaya niyang sinabi.

I chuckled awkwardly.

"Pasensiya ka na mas'yado akong feeling close. Mukha kang mabait at mahiyain. Ayokong ma-awkward ka sa amin. Aakyat na ako sa kama ko. Kung may kailangan ka ay magtanong ka lang sa akin at baka matulungan kita," mahaba niyang litanya.

I appreciate her kindness. Binigyan ko siya ng tipid na ngiti at mahinang nagpasalamat. Umakyat na siya sa kaniyang kama at narinig ko ang korea novela na pinapanood niya. Mahilig ako sa K-pop kaya pamilyar ako sa salita nila.

Umakyat na rin ako sa kama ko. Binuksan ko ang phone ko at nag-update kay mama na nasa boarding na ako. Pagkatapos ay inayos ko ang laman ng mga bag ko. Maraming damit doon dahil halos buhatin ko na ang lagayan ko ng damit sa buong bahay. Inayos ko ang pagkakatiklop ng mga ito at pagkatapos ay nilagay sa drawer ko. Sinunod ko naman ang mga self improvement books ko. Pinatong ko lang ang mga 'yon sa drawer, sa tabi ng salamin.

Whisper Of Promises (Fearless 1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon