n i n e: C12H16N2O

226 23 10
                                    


"Naligaw ka." Untad agad sa'kin ni Jessy.


Dito sa salas sa ikalawang palapag ng bahay niya ko siya nadatnan. As usual kung hindi sa TV o phone screen ay sa laptop ito nakatutok. Pero may bago ngayon, may kasama siyang ibang tao sa lungga. Mga tres Marias na sa tingin ko ay ka-edad o mas bata lang ng kaunti sa amin.


Sinundan ko ng tingin ang isang babaeng mukhang katatapos lang maligo dahil nakabalumbon ng tuwalya ang buhok at nakasuot ng roba, nakapagtataka kung sa'n galing. Sa pagkakaalam ko kasi may banyo rin dito sa ikalawang palapag maliban pa 'yong banyo sa mismong kwarto ni Jessy pero bakit mukhang sa baba pa ito naligo at kapapanhik lang din nitong gaya ko?


"Nabuburyong ka na?" Tanong sa'kin ni Jes kaya nawala ang tingin ko sa papalayong babae. "Inip ka na ba kasi wala pa rin 'yong sundo mo?"


Kumunot ang noo ko. "Sundo?"


"Yung hinihintay mo." Walang tinging sabi niya, abala sa pagtitipa sa keyboard.


Sa lalong pagtataka ay naituro ko ang sarili. "May hinihintay ba 'ko?"


"Si Kamatayan."


Napangiwi ako at umupo sa pang-isahang sofa, katapat ng kinauupuan ng isa sa mga Tres Marias. Nginitian ako nito na para bang nang-aakit. At dahil may exemption ang pagiging suplado ko, nginitiaan ko rin ito na may kasamang pagtango.


"Dami mong chics yata ngayon ah." Saad ko na kunwaring interesado sa mga Paloma.


"Si Chel," tukoy niya sa katabing babaeng naka-focus sa pag-scroll ng phone, ni hindi man lang magawang lumingon. "si Lesy." turo naman niya sa katapat ko. "At 'yong isa si Marie." yung babaeng naabutan kong mukhang bagong ligo malamang ang tinutukoy niya.


Binanggit lang ni Jes ang mga pangalan nila, hindi ipinakilala. Alam kong alam na niya siguro na alam ko kung ano talaga sila.


Mga high class na puta. Para sa kanila, hindi akmang sabihin na nagbebenta sila ng laman, kaluluwa o ng aliw. Nagpapagamit lang with extra TF. Hindi sila biktima ng human trafficking. Hindi hypersexual. Hindi masasabing kumakapit sa patalim dahil kailangan ng pera— okay, isa na rin marahil ang pera pero hindi naman talaga 'yon ang pinaka-aim daw nila.


Naging kaibigan ko ang isa sa mga babae noon ng erpat ni Jessy kaya alam ko ang tungkol sa ilang mga kalakaran sa mundo ng mga kalapating mataas ang lipad. Ewan ko ba. Minsan gusto kong itanong bakit 'Escort' ang tawag sa kanila at hindi puta, pokpok, pampam o kung ano pang madalas na itawag sa mga Paloma. At least ang mga kauri ng mga narito ay may salutation na para bang kinonsidera ng legal ang propesyon. At bakit ba sila naturingang high-class na puta? May literal bang ginto na mamimina sa kweba nila?


Itong mga kasama ni Jessy ngayon, mukhang hindi pa naman masyadong bigatin. Mga tipong ibinabahay lang ni Governor ang datingan.


Wala namang sariling kita itong kaibigan ko para makakuha ng tatlo, unless may promo o talagang affordable. Malabo ding walang bayad ang mga babaeng 'to. Sino ba namang matinong babae ang payag na maging entertainer ng libre sa mukhang napabayaang lalaki sa arcade? Katulad kong mukhang wala ring pera si Jes dahil kung titingnan at huhusgahan ay parang wala man lang kaming pang-gastos sa barberya; Medyo may kahabaan na ang buhok, may stubbles at hindi talaga mukhang desente kung manamit.

Divine DramedyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon