t w o: C13H16N2O2

316 29 0
                                        

Nagising akong nakahiga sa sahig, bahagyang masakit ang ulo at katawan. Napatingin ako sa suot na relos. Kinse minuto para alas tres ng madaling araw.

Kahit mabigat ang pakiramdam ay pinilit kong bumangon para tumayo. Naistatwa ako nang biglang may mapagtanto.

Paano ako nakarating dito?

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa sahig at sa pintuan.

Totoo ba talaga 'yong kanina o panaginip lang? Nakapagtatakang nandito ako sa walk-in closet at nagising sa sahig samantalang sa couch ako natulog.

Dumungaw ako sa unang bintanang nakita rito. Madaling araw na pero parang hindi rin dahil sa city lights at dami ng sasakyan at taong makikita sa labas.

Ibinalik ko ang atensyon dito sa loob, sinuyod ko ang bawat parte ng silid pati sa banyo pero wala talagang ibang tao maliban sa'kin. Panaginip lang siguro 'yong kanina at nag-sleep walk ako kaya nakarating sa ibang parte ng silid.

Saglit akong lumabas para bumili ng maiinom sa isang 24-hour convenient store na malapit sa building at saka rin bumalik agad ng apartment.

Napahigpit ang hawak kong bottled water dahil sa nakitang nakatayong babae sa tapat ng couch.

"N-nandito ka na naman."

Siya 'yong babae kanina sa panaginip ko...kung panaginip nga 'yon.

"K-kanina wala ka ah." Sinampal ko ang sarili at muling tumingin sa kinaroroonan niya pero hindi siya nawala sa paningin ko.

"Are you a lost spirit? Di mo alam kung sa'n pupunta?" Tanong niya sa'kin. "Or you're an incubus. Hinihintay mo lang na makatulog ako, and then you'll do the thing."

Parang umatras ang dila ko dahil di ko magawang magsalita. Hindi ako natatakot pero hindi rin ako makapaniwala at di ko alam ang gagawin.

Isang ingay ang parehong nagpatigil sa'min at napatingin sa nabitawan kong bottled water na gumulong pa papunta sa tapat ng paanan niya. Yumukod ang babae para kunin ito pero gaya ng sa panaginip ay tumagos ang kamay niya rito.

"I-ikaw 'yong m-multo." Para akong nakalunok ng polvoron dahil halos di ako makapagsalita.

Napatingin siya sa'kin at otomatikong napaatras naman ako.

"Kitam?" Itinuro ko 'yong bottled water na nahulog ko. "N-nakabili ako ng item sa 7-Eleven. Ibig sabihin di pa 'ko p-patay. Hindi ako espiritu, hindi ako multo."

Sinubukan niyang kunin ulit 'yong mineral water pero bigo siya. Tumayo siya at ibinalik ang atensyon sa'kin. "Hindi pa 'ko patay. Ikaw 'yong multo."

"Eh b-bakit ka ganyan?" Sa bawat paglapit niya sa'kin ay siya ring pag-atras ko. Nadampot ko ang unang bagay na nahawakan at ibinato sa kanya pero parang hangin lang siya dahil tumagos din ito sa katawan niya. "Kitam?" Impit na ang boses na lumabas sa bibig ko, hindi ko alam kung dahil sa takot o ano. "Tumatagos sa'yo l-lahat. W-wala kang mahawakan. Bigla-bigla kang sumusulpot."

Nanindig na ang balahibo ko nang maramdaman ang pader sa likod ko. Wala na 'ko maatrasan!

Akala ko may gagawin siyang masama sa'kin o biglang mag-aanyong nakakatakot gaya ng napapanood sa mga horror movie pero huminto lang din siya sa paghakbang at napatingin sa mga kamay.

Yung console table sa gilid ang nilapitan niya at tinangkang hawakan ang mga librong nakapatong roon pero hindi niya nagawa dahil tumatagos lang ang kamay niya.

"No." Mahinang sambit niya na parang nag-aalala. "No. This can't be." May bahid na ng takot ang kanyang salita dahil impit na rin ang boses na naririnig ko mula sa kanya. Ilang ulit niyang sinubukang humawak o dumampot ng mga gamit dito pero walang nangyayari.

"Imposible talaga." Napahawak na rin ako sa ulo. "Hindi ka totoo. Hindi 'to totoo." Pareho na kaming mababakasan ng pagpa-panic. "Pa'no nangyaring nakakakita at nakakausap ako ng kaluluwa?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa naisip. "Nababaliw na 'ko." Napasabunot ako sa sariling buhok.

Kailangan ko na ba ulit kumonsulta sa psychiatrist? 'Yong mental illness ko nag-upgrade!

"Hindi pa 'ko patay."

"Hindi pa 'ko baliw."

Natigilan kaming pareho at nagkatinginan.

"Sino ka ba?" At talagang kinakausap ko pa siya.

Kumunot ang noo niya at napatingin sa mga librong nasa lamesita. "Mikaela."

"Hindi." Napatingin din ako sa mga libro. "Binasa mo lang 'yong pangalang nakasulat." Ibinalik ko ang tingin sa kanya at biglang may naalala na mas lalong ikinagulat ko.

"Mikaela?"

Divine DramedyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon