XLIV

45 6 0
                                    

Ilang araw na ang lumipas pero parang hindi nababawasan ang mga kakaibang nilalang na pagala-gala sa labas ng barrier.

Kaliwa't kanang pinag-aaralan narin ng mga eksperto ang mga ito at isa lamang ang napansin nila iyon ay mas dumadami sila tuwing madilim ang paligid kaya mas gising ang buong kaharian tuwing gabi.

Habang patagal ng patagal ang senaryong ito ay palala ng palala ang takot at pangamba na lumulukob sa buong mamamayan ng Avania at malamang ay ganoon din sa iba pang kaharian.

Muling marahas na gumalaw ang lupa senyales na may mga higanteng malapit o nagpupumilit pumasok sa barrier.

"Magpahinga ka muna, Anak." malumanay na saad ni Ina na sinang ayunan naman ni Ama.

Ina? Ama?

Walang duda na anak nila ako dahil nakuha ko mula sa kanilang dalawa kung anong meron ako isama mo na ang hindi maipagkakailang malaking pagkakahawig namin ng Prinsipe Angus.

Ramdam ko din na importante at mahal na mahal nila ako kahit ilang araw ko palang silang nakakasama, napag-alaman ko din ang mga hirap na napagdaanan nila nitong mga nagdaang taon sa pag hahanap sa akin kasabay ng pilit nilang pag-ahon sa buong kaharian.

Ngunit, hindi ko alam kung bakit ako naiiyak at nakakaramdam ng matinding pangungulila sa tuwing nababanggit ko ang mga salitang iyon, naririto na sila sa harapan ko at kasama sila ngunit bakit parang ang layo parin nila sa akin?

Pakiramdam ko may kung anong malaking parte parin sa akin ang kulang at gusto kong punan pero hindi ko alam kung ano.

Ramdam ko ang pagkagulat nila nang sabay ko silang dalawa niyakap ngunit pagkaraan ng ilang segundo ay naramdaman ko rin ang yakap nila pabalik.

"Pangako anak hindi na namin hahayaang mawalay ka pa sa amin. Gagawin namin ang lahat para sa ikakasaya mo at proprotektahan ka namin sa kung ano mang peligrong darating." saad ni Ama na nagbigay sa akin ng hindi pamilyar na pakiramdam.

"Napag-usapan namin ng iyong Ama ang tungkol sa pagbibigay ng gantimpala sa mga nag-alaga sa iyo nitong nakalipas na taon bilang kapalit at pasasalamat sa pag-aaruga at pagpapalaki sa iyo ng maayos." malumanay na saad ni Ina at ramdam ko sinsiridad dito.

"Ina, may kilala kabang Lydia?" tanong kay Ina na ikinakunot naman ng kanyang noo na tila nag-iisip.

"Lydia?"

"Opo. May taga-alaga o kaibigan ka ba noon na nag-ngangalang Lydia?" tanong kong muli.

"Sigurado akong wala akong naging taga-alaga na Lydia ang pangalan dahil sa kaharian ng Floria ay mga maliliit na engkantada ang tagapag-alaga ng mga mahaharlika at ang mga pangalan nila ay ayon sa halaman pinagmulan nila, maliban sa mga kilalang Hari't Reyna na nakaupo ngayon ay wala na akong naging ibang kaibigan, at isa pa, hindi pamilyar sa akin ang pangalan iyan at ngayon ko lamang ito narinig." saad ni Ina.

Pinakatitigan ko si Ina at inaalam kung nagsasabi ba siya ng katotohanan ngunit ramdam kong hindi siya nagsisinungaling.

"Bakit mo naitanong?" tanong ni Ina pagkaraan ng ilang segundong pananahimik ko na inilingan ko lang.

Ngayon ay kompirmado ko na na nag-sinungaling sa akin si Nanay Lydia.

Kahapon ay napadaan ako sa isang silid-aklatan na malapit lamang sa silid tulugang nakatalaga sa akin. Isang libro doon ang naka-agaw ng pansin ko at patungkol ito sa iba't ibang estado ng buhay. At nabasa ko roon na ang pagiging isang taga-alaga ng mga mahaharlika ay katumbas ng titolong Biskonde at ang bawat mandirigmang sumasali sa digmaan ay binibigyan ng lupain.

Sa posisyon nilang dalawang mag-asawa ay masasabing may kaya na dapat sila sa buhay.

Kung totoo mang mga maliliit na engkantado lamang ang tagapag-alaga ng mga mahaharlika sa Floria ay malayong malayo si nanay Lydia doon, dahil ang pagkaka-alam ko ay walang kakayahan ang mga engkantadong lumaki at magka-anak dahil nagmula ang mga ito sa kalikasan.

RETRIBUTION I : LAW OF IMMORTALITY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon