Lisa's POVHanggang ngayon kinakain pa rin ako ng konsensiya ko. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung paano pakikisamahan si Tom. Halos isang buwan na simula nang putulin ko ang relasyon namin at nagpasiyang hanggang kaibigan lang talaga. Ang hirap dahil nasanay ako na laging nandiyan siya, laging nangungulit at laging nakangiti.
Ramdam ko na marami nang nagbago, sinabi niya sa'kin na ngayon lang daw siya ganito, na kakaiba raw ang pakikitungo niya dahil fresh pa ang mga nangyari. Naiintindihan ko siya, mahirap nga naman ang sitwasyon niya. Ako rin naman, hirap na hirap na. Parang may kulang, parang may mali. Pero anong magagawa ko? Pinili ko ito.
Sa tuwing nakikita ko siya, pilit kong itinatago ang lungkot ko. Kahit gusto ko siyang kausapin at sabihin sa kanyang "sorry", hindi ko magawa. Gustong-gusto ko humingi ng paulit-ulit sakaniya ng tawad.
Natatakot akong baka masaktan ulit siya, o baka masaktan kami parehas. Ang hirap mag-adjust, lalo na't halos araw-araw kaming magkasama dati.
Ngayon, parang magkaklase nalang kami. Minsan, nag-uusap pa rin kami, pero hindi na katulad ng dati. Wala na 'yung mga tawanan, 'yung mga kwentuhan nang walang katapusan, at 'yung pakiramdam na espesyal ako sa buhay niya.
Alam kong masakit para kay Tom, at aaminin ko, masakit din para sa'kin. Minsan, naiisip ko, "Paano kaya kung hindi ko siya hiniwalayan? Paano kaya kung hindi ko siya nasaktan?" Pero wala na akong magagawa ngayon. Nangyari na ang lahat.
Ang tanging pwede ko na lang gawin ay tanggapin ang sitwasyon namin ngayon. Pero bakit ganun? Kahit anong pilit kong tanggapin, parang hindi ko pa rin kaya. Para akong naglalakad sa dilim, hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam kung kailan matatapos ang lahat ng ito.
Gusto ko maging okay kami, gusto ko makita ulit 'yung mga ngiti niyang totoo. Pero habang tumatagal, parang lalo lang nagiging malabo ang lahat.
Kahit ang barkada, nagtataka na sila sa amin ni Tom. Tahimik lang sila, hindi nanghihimasok pero ramdam ko na gusto rin nilang itanong kung ano na talaga ang nangyari. Alam na nila na wala na kami, kaya wala na rin akong kailangang ipaliwanag pa.
Pero minsan, sa mga tinginan at tanong nila, parang sinasabi ng mga mata nila na nag-aalala sila. Bihira na rin kasing sumama sa amin si Tom. Kung dati, halos lagi siyang nariyan, ngayon halos hindi na siya makita sa mga lakad namin.
Naiintindihan ko naman kung bakit siya umiiwas. Siguro, hindi pa niya kaya na makasama ako ng madalas tulad ng dati. Mahirap nga naman, lalo na kung sariwa pa ang lahat. Kaya napapadalas na ang kasama ko ngayon, maliban kina Missy at Angelica, ay si Basty.
Noong una, hindi ko rin inakala na magiging close kami ni Basty. Pero sa paglipas ng mga araw, para na siyang naging comfort zone ko. May mga bagay kasi na mas madaling sabihin sa kanya. Hindi ko alam kung bakit, pero parang mas comfortable akong mag-open ng nararamdaman ko sa kanya kaysa sa mga sissy ko.
Si Basty kasi, iba siya makinig. Hindi siya judgmental at hindi rin siya nanghihimasok. Kumbaga pag lalaki kasi, iba ang takbo ng utak. Hinahayaan lang niya akong maglabas ng sama ng loob, ng alinlangan, at ng mga iniisip ko.
May mga oras na hindi siya nagsasalita, pero 'yung mga simpleng tingin at pag-iling niya, parang sapat na para maramdaman ko na naiintindihan niya ako. Wala namang malisya, at wala rin akong napapansin na kakaiba sa kanya.
Kampante ako na hindi niya iniisip ng mali ang pagiging malapit namin. Alam kong kaibigan lang din ang turing niya sa akin, kaya sigurado ako na okay lang ang lahat.
Minsan nga, napapaisip ako kung bakit ganoon si Basty - napaka-simpleng tao pero may paraan siya para mapagaan ang loob ko. Hindi ko ini-expect na magiging ganito kalapit kami. Pero siguro, isa na rin itong paraan para hindi ako masyadong magmukmok sa sitwasyon namin ni Tom.
BINABASA MO ANG
My Min, My Man
RomanceMatagal na ang lumipas at maraming lalaki na ang dumaan sa buhay ni Ronalisa. Ngunit sa kabila nito, hindi niya maiwasang mapansin ang isang lalaki-madalas niyang makita, ngunit bihira niyang makausap. Darating ang araw na mapapalapit sila sa isa't...