Na-update namin ang aming Mga Alituntunin sa Nilalaman.
Suriin ang pinakabagong mga alituntunin para patuloy na makapagbahagi ng mga kuwento nang ligtas.

Scene 17 - Lente

8 0 0
                                        

Pagkaalis ng mag-ama ay naupo si Armie sa may hapag-kainan kung saan pinagsilbihan sya ng almusal ni Yaya Pasing.

"Yaya Pasing, kilala mo kami mula pagkabata, I need you to tell me the truth, have I been blind?" Tanung ni Armie.

"Kung sasabihin ko sa yo ang totoo, baka masaktan ka. Handa ka na ba?" Pabalik na tanung ni Yaya Pasing.

Tumango si Armie.

"Anak sa tingin ko alam mo naman ang sagot. Hindi sa bulag ka kaya hindi mo nakita or makita kundi hindi ka lang handang makita kung ano ang nasa harap mo. Naalala mo ba noong nagsisimula pa lang kayo ni Daniel? Malaki ang takot mo noon na kahit matagal ng magkakilala ang inyong mga pamilya na baka hindi pa din nila matanggap ang relasyon nyo dahil magkalaban noon sa negosyo ang mga magulang nyo. Noon pa man masyado ka ng takot sa sasabihin ng ibang tao pero nakita ko din ang tapang mo ng ilaban mo ang relasyon nyo. Sa tingin mo saan nakuha ni Shane ang tapang nya?" Paliwanag ni Yaya Pasing.

"Alam kong hangad mo lang na protektahan ang pamilyang to pero anak sobra-sobra na siguro ang mga ginawa mo para patunayan sa sarili mo at sa ibang tao na karapat-dapat kayo sa pamana ng mga magulang nyo. Siguro panahon na para namnamin mo ang katas ng pinaghirapan nyo ni Daniel at ang mabuting pagpapalaki nyo kay Shane. Manang-mana sa inyo ang batang yun. Naaalala ko minsan ko syang tinanung kung bakit ayaw nyang humihingi ng kahit ano mula sa inyo. Ang sabi nya noon, 'Yaya, gusto ko kasi maging proud sila Mama at Papa. Gusto kong paghirapan at pagtrabahuhan lahat katulad ng ginawa nila. Kung anuman ang meron kami gusto ko makita nila na pinapahalagahan ko yun.'" Dagdag ni Yaya Pasing.

Namuo ang luha sa gilid ng mga mata ni Armie.

"Salamat Yaya Pasing. Salamat na nandito ka pa din. Salamat na hindi mo kami iniwan at pinabayaan." Wika ni Armie.

"Hindi naman ako nawala anak. Hinihintay lang din naman kitang lumapit. Hindi ko lugar na pangaralan ka lagi, may mga bagay na kailangan mong matutunan sa sarili mo. Katulad ng mga magulang nyo, kailangan ko kayong hayaan na piliin at ipaglaban ang landas na pinili nyo pero anuman ang mangyari, sa huli nandito lang ako. Naaalala ko pa noon, sa mga panahong nagsisimula kayo ni Daniel at pinaglalaban nyo pa lang ang isa't isa. May pagpupulong ang mga magulang nyo dito noon. Masungit sila sa harap nyo dahil gusto nilang maramdaman nyo ang bigat ng pangako na gusto ninyong bitawan sa isa't isa. Pero nung sila-sila na lang, sobrang ganda ng mga ngiti at tawanan nila tungkol sa inyo ni Daniel. Proud na proud sila sa paninindigan nyong dalawa at kampante sila na kakayanin nyo anuman ang pagsubok na dumating." Pagpapatuloy ni Yaya Pasing.

"Yaya Pasing, kung nabubuhay pa sila. Matatanggap ba nila si Shane?" Tanung ni Armie.

Napangiti si Yaya Pasing na tila may naalala.

"Mabuting naitanong mo yan anak. Matagal ko ng hinihintay ang pagkakataong ito. Sandali lang." Wika ni Yaya Pasing bago panandaliang pumasok sa kwarto nya.

Pagkabalik ni Yaya Pasing ay may dala-dala itong mga liham na dahan-dahan nyang inabot kay Armie.

"Maliit pa si Shane noon pero bago isa-isang namayapa ang mga magulang nyo. Pero sinugurado nilang nasa kin ang mga liham na yan. Pinagbilin nilang iabot ko yan sa inyo sa tamang panahon. Tingin ko eto na ang pagkakataong yun. O sya iiwan muna kita." Paliwanag at paalam ni Yaya Pasing.

Nakatitig lang si Armie sa mga liham na inabot ng matanda. May dalawang liham. Ang isa ay nakapangalan sa kanya at yung isa ay nakapangalan kay Shane. Magkahalong sabik at takot ang nararamdaman ni Armie habang unti-unti nyang binubuksan ang liham na nakapangalan sa kanya. Kalakip ng liham ay ang litrato nilang tatlo nila Daniel at Shane. Masayang nakaakbay sa kanya si Daniel habang nakapatong ang kanang kamay nito sa kanang balikat ni Shane. Masayang nakayapos naman ang kaliwang braso nya sa may leeg hanggang dibdib ni Shane at ang kanang braso nya sa may bewang ng asawa. Mga sampung taon lang si Shane sa litrato ngunit medyo maikli na ang buhok nito. Sa unang pagkakataon napansin ni Armie na namana ni Shane ang tikas at kagwapuhan ng ama. Hindi nya mapigilang mapangiti at mapabulong sa sarili. "Oh Shane, nakuha mo talaga ang kagwapuhan ng Papa mo, pero tapang ko."

Dahan-dahang binasa ni Armie ang liham ng kanyang mga magulang.

Dear Armie,

Sa panahong mababasa mo ang liham na ito alam namin na madaming tanung sa isip mo ngunit wala na kami para personal na sagutin ang mag katanungan mo. Nawa'y matulungan ka namin sa paraang ito. Napansin mo na siguro na kalakip ng liham na ito ang litrato nyo. Naalala mo pa ba? Isa ito sa pinakamasayang pagkakataon sa pamilya natin. Mama mo ang may hawak ng camera. Naalala mo pa ba kung kailan to? Nangyari to matapos hilingin ni Shane na gupitan ko sya ng buhok na ikinasabik ko naman.

Anak marahil hindi mo na natatandaan pero noon pa man alam na namin ng Mama mo ang tungkol kay Shane. Sadyang mas malambot siguro ang mga abuelo at abuela sa kanilang mga apo dahil ng lapitan ako noon ni Shane para sabihing gusto nyang maging kasing gwapo ni Daniel, imbes na magalit ay ikinatuwa ko ito. Syempre ng unang makita ito ng mama mo ikinagulat nya din pero agad naming napagdesisyunan ng walang pag-aalinlangan na mahalin si Shane ng buong-buo anuman ang landas na pipiliin nya katulad nyo ni Daniel noon. Mabuting bata si Shane at kitang-kita namin ang maayos na pagpapalaki nyo sa kanya.

Anak alam namin that we don't say this often enough. But we are so proud of you. Nakita namin lahat ng pagpapahalaga mo sa amin, sa pamilya niyo ni Daniel at sa mga kapatid at pamangkin mo. Kitang-kita din namin ang dedikasyon mo sa trabaho lalo na habang tumatanda kami. Pero anak wag ka sanang manatiling nakasubsob sa trabaho, sana magkaroon ka ng mas maraming panahon sa mga bagay na nagpapasaya sa yo tulad ng mag-ama mo. Lubos kang hinahangaan ng anak mo Armie. Madalas namin syang mahuli ng Mama mo na sinisilip ka sa opisina at pagkatapos ay magkukulong sa kwarto para mag-aral tulad mo. Namana nya ang dedikasyon mo. Kay Daniel naman ay nakuha nya ang pagiging masayahin at maalaga. Madalas nyang sinusuri kung paano ka araw-araw na sinusuyo at nilalambing ni Daniel. Minsan ay nahuli namin sila ni Daniel na naghahanda ng merienda mo kahit kay Yaya Pasing nila ito pinaabot para hindi ka nila maistorbo.

Mahal na mahal ka ng mag-ama mo anak. Masuwerte kami ng Mama mo dahil alam namin na pag wala na kami ay hinding-hindi ka nila pababayaan.

Armie, anak, it's time to look up. Higit pa sa sapat ang sakripisyo mo para sa pamilya natin. Nagpapasalamat kami ng Mama mo sa lahat-lahat. Mahal na mahal ka namin anak.

Kapag handa ka na, iabot mo kay Shane ang liham namin para sa kanya. Mahalaga na mula sa yo nya matanggap ito anak, dahil mas mahalaga sa kanya ang pagtanggap at pagmamahal mo.

Nagmamahal,

Papa at Mama

Namumugto ang mga mata ni Armie sapagkat walang tigil ang pagluha nya habang binabasa ang liham ng kanyang mga magulang. Ngayon higit kailanman ay sabik syang makasama ulit ang kanyang mag-ama.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling na-update: Jan 16, 2025 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Crazy Rich "Tibo"Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon