Blue Brothers 2: The Lost Prince
(Chapter 4 – Leaving Home)
Dahil sa tulong ng mga kapitbahay ay napatay na din ang sunog na muntik ding umabot sa kabilang kanto. Ilang bahay din ang nadamay, at halos buong barangay ang nabulabog sa nangyari. Ngunit hindi pa makakatulog ng mahimbing ang ilang tao, at isa na dito si Bart.
“Walang hiya ka!” Galit na galit si Ruben habang kinakaladkad si Bart palabas ng bahay. Hawak ang damit ng binata, madiin niya itong hinihila na parang napapaluhod na ang walang kalaban-labang anak.
“Ruben, gabing-gabi na! Matulog na tayong lahat!”, pagpigil ni Ofelia sa mabigat na kamay ng kanyang asawa.
“Mga kapitbahay!”, sigaw ni Ruben sa lahat ng mga taong nadamay at nakatayo sa kalye, dala-dala ang kanilang mga nailigtas na kagamitan.
“Itong gagong batang ‘to… ang dahilan kung bakit muntik nang matupok ang ating mga kabahayan!”, pahabol ni Ruben habang itinuturo ang kanyang anak-anakang nakaupo na sa lupa.
“Aba, pagsabihan mo yang anak mo!”, sigaw ng isang tambay.
“Tanga! Hindi niya anak yan! Ampon lang yan, napulot sa basurahan! Hahaha!”, sabat naman ng kapwa niya tambay.
“Ang kakapal ng mga mukha niyo!” Agad na sinugod ni Ofelia ang mga tambay ng kanyang kutsilyo. Sa takot ng mga lalake ay agad silang tumakbo palayo.
“Kung hindi ka naman kasi tatanga-tanga, eh di sana hindi mo nabulabog ang mga tao dito!” Patuloy pa rin si Ruben sa pagsigaw kay Bart.
“Aba, delikado pala yang batang yan. Anumang oras eh ikamamatay natin pag nanatili pa dito yan!”, gatong naman ng isang aleng lasengga.
“Oo nga! Kung di dahil dyan eh hindi sana babalik ang hika ng anak ko!”, sabat naman ng isang nanay na buhat-buhat ang kanyang sanggol.
Ngumisi lang si Ruben at ilang saglit lang, pumasok siya ng bahay at agad kinuha ang mga gamit ni Bart – damit, libro, ilang kagamitan at ang pinaka-iingatan nitong gitara.
“Ruben… anong gagawin mo dyan? Gamit yan ni Bart!”, nag-aalalang sabi ni Ofelia na hindi man lang mapigilan ang mga braso ng kanyang asawa.
Walang kaabag-abag na ibinato ni Ruben ang mga gamit ni Bart sa kalsada, kung saan nakaupong luhaan ang binata.
“Tutal hindi naman namin kaano-ano, tapos susunugin mo pa ang bahay namin… eh mabuti pang lumayas ka na dito! Hindi ka namin kailangan!”, sabi ni Ruben sabay duro kay Bart.
Sumang-ayon ang mga tao sa sinabi ni Ruben, na isang siga sa kanilang barangay. Dini-diyos nila ang ama-amahan ng binata kaya napaniwala silang si Bart ang naging at magiging dahilan ng mga sakuna sa lugar nila.
“Tama si Pareng Ruben! Salot yan!”, sigaw ng isang kabarkada ni Ruben na malaki ang utang na loob sa kanya.
“Oo nga! Salot!”, pagsunod ng mga kapitbahay at ilang tambay.
Unti-unting naluluha si Ofelia sa mga nakikita. Ang ilan sa mga inakala niyang kaibigan at mga taong kanyang natulungan ay nakuhang bumaligtad. Karamihan sa kanila ay gusto ring palayasin sa lugar si Bart. Ngunit kailangan niyang tanggapin ang isang katotohanan – asawa lang siya ni Ruben.
“Maawa kayo sa bata. Wala siyang ginagawa sa inyo!”, pagtatanggol ni Ofelia sa kanyang anak.
“Pero mare, hindi niyo naman pala anak, tapos kung didito pa yan eh baka bukas wala na lahat tayong bahay. Malay ba natin kung anong kamalasan ang dala ng batang yan dito!”, sagot ng isa niyang kumare.
BINABASA MO ANG
Blue Brothers 2: The Lost Prince
Teen FictionSeventeen years ago, Tom was in deep pain for losing his newborn child. Now a 35 year-old bachelor owning the prestigious St. Patrick’s Academy, he seems to have a so-called contented and happy life. In the slums, a poor teenage boy named Bart hope...