Blue Brothers 2: The Lost Prince
(Chapter 13 – The Place Called Home)
Hingal na hingal si Tom sa katatakbo at kahahanap sa kanyang anak na si Bart. Hindi na niya iniinda ang pagod dahil sa mga oras na ito, ang importante sa kanya ay mayakap at makausap ang batang matagal nang nawalay sa kanya. Bukod sa pagod ay may pag-aalala din siyang baka nakalayo na ang binata at hindi na niya muling makita pa.
“Bart! Bart! Anak!” Sumisigaw si Tom habang patuloy na binabaybay ang mga kalye sa labas ng Academic City.
Konting lakad at paghahanap pa ay bigla niyang natanaw ang binatang naglalakad na parang wala sa sarili. Dala ang malaking bag at ang lumang gitara, nanlaki ang mga mata ni Tom dahil sigurado siyang si Bart na nga ang kanyang nakita.
“Bart! Sandali lang! Bart!”, malakas na pagsigaw ni Tom na parang wala nang bukas. Sa sobrang lakas ng timbre ng boses niya ay napalingon si Bart kahit medyo malayo na ang kanyang nilalakad.
“Sir Tom?”, nagtatakang sabi ni Bart pagkalingon na pagkalingon niya. Hindi niya maintindihan kung bakit siya hinahabol ng principal gayung siya na nga itong umaalis. Agad siyang nakaramdam ng takot na baka pagalitan din siya, o mas malala ay baka ipakulong pa siya.
Dumating na sa puntong nahihirapan nang tumakbo si Tom kahit isang kanto na lang ang layo niya sa kanyang anak, kaya dinaan na lang niya sa pagsigaw ang lahat.
“Bart! Huwag kang umalis, Bart! Ikaw ang anak ko!”, malakas na pagsabi ni Tom kahit hingal na hingal na siya. Tagaktak na rin ang kanyang pawis dahil sa tindi ng sikat ng araw.
“P-po?!” Naririnig naman ni Bart ang sinasabi ni Tom pero hindi niya maintindihan kung bakit siya tinatawag na anak ng principal.
“Ikaw ang matagal ko nang hinahanap! Ikaw yung anak kong pinaglaruan at inilagay sa basurahan!”, paputol-putol na sinasabi ni Tom.
Unti-unting tumindig ang mga balahibo ni Bart sa narinig. Alam niyang biglaan ang pagkakasabi pero nung narinig niya ang salitang ‘basurahan’ ay agad siyang tinablan sa sinabi ni Tom.
“Hindi ko po maintindihan!”, nalilitong sabi ni Bart na hindi alam kung lalapit ba kay Tom o tuluyang lalayo.
“Anak!” Nagsisimula nang maluha si Tom dahil sa nararamdamang magkahalong tuwa at pagdaramdam. “Halika na, anak! Umuwi na tayo!”, nakangiting sabi nito sa nalilito pa ring anak.
“Pero pinaalis na po ako ni Sir Carlos! Ayoko na pong mapahamak!”, nag-aalangang sabi ni Bart.
“Huwag mo siyang intindihin! Sumama ka sa ‘kin pabalik at ipapaliwanag ko sa ‘yo lahat lahat. Ikaw… ikaw si Thomas dela Cruz… na balang-araw ay magmamana ng St. Patrick’s Academy. Kung sa tingin mo… nagsisinungaling ako… pwede ka nang umatras at bumalik sa paglalakad mo palayo. Pero kung nararamdaman mo sa puso mo… ang pagiging Dela Cruz… sumama ka sa ‘kin… sumama ka na sa tatay mo!”, nakangiting sabi ni Tom habang naluluha pa rin nang konti.
BINABASA MO ANG
Blue Brothers 2: The Lost Prince
Teen FictionSeventeen years ago, Tom was in deep pain for losing his newborn child. Now a 35 year-old bachelor owning the prestigious St. Patrick’s Academy, he seems to have a so-called contented and happy life. In the slums, a poor teenage boy named Bart hope...