XVII.
I turned the handle and felt relieved that it wasn't locked.
Nagmadali na ako sa pagpasok at naramdaman kong bumunggo si Harry sa likuran ko kasabay ng biglang pagbagsak ng pinto pasara.
Nagulat man ay nagpasalamat na rin ako dahil hindi ko na naririnig ang mga yabag na kanina lang ay malapit na sa amin.
Sa pagpihit ko paharap para lumakad ay biglang may tunog na tulad sa isang flash ng lumang camera. Kasunod noon ang tuluyang pagdilim ng buong paligid.
"Harry" agad kong tawag.
"Lyn?" naramdaman kong humawak sya sa balikat ko. Kinuha ko ang kamay nya at ikinulong sa mga palad ko. Gusto kong malaman kung ano ang posibleng nakikita nya. Pero hindi nagbago ang paligid.
Nanatili iyong madilim.
"I-ikaw ba talaga yan Harry?" pag atubili ko.
"O-oo. Ako to. Bakit ang dilim?" one moment inakala kong baka hindi kamay ni Harry ang hawak ko dahil sa hindi pagbago ng mga nakita ko, pero purong kadiliman lang din pala ang nakikita nya.
"Sshh. Hindi ko rin alam." Bulong ko. Humakbang kami dahan dahan.
Puno ng kaba ang dibdib ko sa posibleng mabunggo o makapa namin sa dilim.
Hanggang sa biglang may humigop sa amin pababa. Awtomatikong humigpit ang hawak namin ni Harry sa isa't-isa. Naramdaman kong mas una akong nahuhulog kaya mas lalo ko pang hinigpitan ang kapit sa kanya.
"Harry! Wag... kang... bibitaw!" pero sigaw na lang ang narinig kong sagot mula sa kanya. At kasabay non ay naramdaman kong nahihila naman sya sa kabilang direksyon.
Doon na lalong tumindi ang kabang nararamdaman ko. Nahihigop kami sa magkabilang gawi. At hindi ako makapapayag na magkahiwalay pa kami ulit.
Hindi pwede.
Dalawang kamay na ang inihawak ko sa mga kamay ni Harry para lamang masigradong hindi sya matatangay palayo sa akin.
"A-ang...s-sakit...L-Lyn!"
"Siraulo ka talaga! Wag kang bibitaw... Kahit anong mangyari!" Hirap na rin ako sa pagsasalita.
"L-Lyn... gusto ko ng... makaalis... dito." Sagot nya.
Hindi kita papabayaan Harry.
Yan sana ang isasagot ko pero naging mas malakas ang pwersang humihila sa amin palayo sa isa't-isa kaya bigla na lang dumulas ang mga kamay nya sa hawak ko.
At kasabay ng pagtawag ko sa pangalan niya ay narinig ko rin pagtawag nya sa akin.
---
Iminulat ko ang mga mata ko at pinagmasdan ang paligid.
Nakita kong nakaupo ako sa pamilyar na kama. Nakasabit ang isang bell sa tapat ng ulunan na may nakadugtong na pulang tali.
Sa lamesang katapat ko ay may maliit na pot at nakatusok doon ang tatlong incense sticks.
Nandito na ako!
Nandito ako sa kwarto kung saan ako nahiga kanina bago ako patulugin nila Satur para sunduin si Harry.