Simula

16.4K 365 220
                                        

Lagi kong iniisip na tama lang na parusahan ng magulang ang anak kapag ito'y nagkakamali. Ito ang paraan nila para hindi na ulitin ng anak ang pagkakamali na nagawa nila. Para na rin matuto sila.

Napatalon ako sa gulat noong biglang tumilapon ang plato na kinakainan ko. Nanlalaki ang mga matang tumingala ako at nakita ang lasing na si nanay.

"Sino nagsabi sa iyong kumain ka na?!" bulyaw nito sabay sipa sa akin kaya nahulog ako sa inuupuan ko.

Hinarangan ko agad ang mukha ko ng aking palad noong makita kong dinampot niya ang kanyang pamalo. Naramdaman ko agad itong tumama sa hita at braso ko.

"Sorry po. G-gutom na gutom na po kasi ako," nangatog ang boses ko.

"Wala akong pakialam! Sinabi ko sa iyo na kami muna ang kakain bago ikaw, hindi ba? Malinaw kong sinabi sa iyo iyon, hindi ba?" sigaw nito sa akin.

"Opo. Pasensya na po!"

"Perwisyo ka talagang hayop ka! Sana hindi ka na nabuhay eh! Wala ka naman kwenta!"

Hindi ko na nabilang kung ilang palo na ang natamo ko. Noong narinig ko ang malakas na pagsarado ni nanay sa pinto ng kanyang kwarto, doon lang ako napadilat.

Umayos ako ng pagkakaupo. Kinagat ko ang labi noong maramdaman ang sakit ng buong katawan. Pero hindi ko na muna ito ininda at nagmamadali ko na lang pinulot ang mga pagkain na natapon. Pinunasan ko ang mga luha sa mata at kinain ang pagkain.

Inaamin ko naman na may mali ako. Binilin nga ni nanay iyon pero sinuway ko. Pero gutom na gutom na kasi ako. Minsan kasi isang beses lang ako kumain sa isang araw. Kapag may natitira sa pagkain. Pero kung wala, wala akong pagkain.

At dalawang araw na simula noong makakain ako. Nagtutubig naman ako pero hindi sapat iyon.

Nakita ko ang mga pasa at latay sa aking braso. Bukas din naman o kaya mamayang gabi mawawala na rin ito. Magsusuot na lang siguro ako ng mahabang manggas para hindi ito makita ni Lolo mamaya.

Kahit pa sabihin kong mali ako, alam ko susugod pa rin iyon dito para pagsabihan si nanay. Ayoko na mangyari iyon. Matanda na si Lolo. Ayoko ng makipagtalo pa siya kay Nanay.

Mali ako. Kumuha ako ng pagkain na hindi naman sa akin. Kaya dapat lang na disiplinahin ako ni nanay. Kaya hindi ko na ito uulitin. Magtitiis na lang ako ng gutom. Sana natuto ka na nga ngayon, Daphne!

Pagtapos maglinis ng bahay, sumilip ako sa kwarto ni nanay. Nakita ko siyang tulog na tulog. Dahan-dahan akong pumasok sa kanyang kwarto. Kinuha ko iyong kumot sa tabi niya at kinumot ito sa kanya.

Dinisiplina lang ako ni nanay. Iyon naman ang ginagawa ng mga magulang sa kanilang anak kapag ito'y nagkakamali.

Tama lang iyon dahil alam ko na ngayon na hindi ko na ito dapat ulitin.

Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa likod ng aming bahay. Napangiti ako noong makita ang mga bunga ng ibang tanim ko.

Nilapitan ko ang mga ito at sinilip. Bukas siguro ay pwede ko na anihin ang mga kamatis, sili, at kalamansi. Gusto ko sila ibenta para makabili ako ng pagkain ko.

Kinuha ko ang tinabi kong buto sa gilid ng puno ng alatiris. Nagtungo ako sa may gilid ng bakuran. Kung saan wala pang mga tanim. Naghalukay ako ng lupa.

"What are you doing?"

Napaangat ako ng tingin para tignan kung sino iyon. Nakita ko ang isang batang lalaki na matanda siguro sa akin ng ilang taon. Dinudungaw niya mula sa bakod ang ginagawa ko.

Una kong napansin sa kanya ang mahaba niyang pilik-mata at mapulang labi. Mukhang hindi siya taga rito. Taga Maynila siguro at nagbabakasyon dito.

"Ano ba nakikita mo?" sabi ko habang nagpatuloy sa paghuhukay at paglalagay ng mga buto sa lupa.

Beyond The Darkness (Levrés Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon