Parang nahuhulog bigla ang ulo ko habang nakasandal sa puno ng papaya. Parang itong ngalay na ngalay at may nakadagan na mabigat. Nasabunutan na naman kasi ako ni Nanay dahil naabutan niya akong nagsasaing pa lang pag-uwi niya ng trabaho.
Nagpalit kasi ako ng sapin ng kama, kurtina sa buong bahay, naglaba, at naglinis ng bahay. Kakatapos ko lang din maghugas ng plato kaya nahuli na ako sa pagsasaing.
At kagaya ng dati, hindi niya na naman pinakinggan ang eksplenasyon ko.
Napabuntong hininga ako at pinunasan ang luhang tumulo sa aking pisngi. Gusto ko sanang pumunta kina Lolo kaso nanlalata ang katawan ko. Sobrang bigat din ng ulo ko.
Natanaw ko sa malayo ang papalapit na si Corvan. Agad kong pinunasan ang mukha ko at umayos ng pagkakaupo.
Humalukipkip ako at pinanood ang pagtalon niya sa bakod. Habang papalapit siya ay nakatitig siya sa akin. Huminto siya sa harapan ko na nakatitig pa rin.
"Ano? Nagagandahan ka na naman sa akin?" sabi ko sa kanya.
Medyo basa pa ang buhok niya at gulo-gulo pa ito. Amoy na amoy ko rin ang pabango niya mula rito sa pwesto ko.
Kumibot ang labi niya. "Gusto mo ba mamasyal ngayon? Nasa bahay na ang kabayo ko."
Hindi niya kasi magamit ang kabayo niya dahil hiniram daw ito ng pinsan niya ng ilang araw. Sinoli na pala ito ngayon.
"Huwag muna ngayon. Pagod ako eh," sabi ko.
Ilang araw na rin ang nakalipas simula noong mamasyal kami. Naipakilala ko na rin siya kay Jill. At iyong bruha ay akala mo mahihimatay dahil sa kilig. Buong araw pa bukambibig si Corvan kaya inis na inis ako kasi naririndi ako.
"Ang gwapo! Grabe ang gwapo!" paulit-ulit niya iyan sinabi.
Hanggang umuuwi na siya sa kanila ay ganoon pa rin ang sinasabi.
"Sa iba ka na lang magpasama mamasyal. Doon sa mga nakilala mo nang nakaraan na araw," suhestiyon ko.
Balak ko kasing tumambay lang dito sa hardin hanggang maggabi. Gusto kong magpahinga at tumulala lang sa kawalan. Isipin ang mga bagay-bagay. Isipin ang mga magagandang pangyayari sa buhay ko para hindi ko na maramdaman ang lungkot. Kaya baka maburyo lang siya rito kasama ko.
"Ayoko. Pagkakaguluhan lang ako ng mga iyon. Kaya nga ako nagbabakasyon dito para makapagpahinga rin sa mga babaeng kagaya nila sa Maynila," sabi niya.
Sinimangutan ko siya dahil sa kayabangan niya. Mahina niya akong tinawanan.
"Kaya pala laging pumupunta sa kabilang bayan para sa magaganda?!" sabi ko sa kanya.
"I was just joking."
Kaya pala rito rin siya lagi tumatambay. Ako lang kasi ang batang babae rito. Mga kapitbahay namin puro matatanda na at lalaki naman ang mga anak. Si Jill ay medyo malayo naman sa amin ang bahay. Minsan lang din lumalabas dahil istrikto ang mga magulang. Pero ang bilis makasagap ng chismis kahit nasa bahay lang.
"Sus. Kunwari ka pa," sinandal ko ang ulo ko sa puno.
Tiningala ko ang kalangitan. Maaliwalas ito ngayon. Kitang-kita ko rin ang asul na asul na kalangitan.
Umalis ulit si Nanay para siguro makipag-inuman ulit. Ganoon naman lagi ang ginagawa niya. Pag-uwi niya galing trabaho ng alas dos, aalis iyon para makipag-inuman sa mga kaibigan. Gabi na uuwi. Minsan inaabot ng madaling araw. Kaya hinahanda ko na agad ang pagkain niya at tutulugan pag-umuuwi siya.
Bumaling ang mga mata ko kay Corvan noong nag-squat siya sa harapan ko. Iyong pilik-mata niya ay parang laging nangmamaliit ng pilik-mata ko.
Inangat niya ang kamay niya patungo sa mukha ko. Agad kong hinarang ang kamay ko sa aking mukha.

BINABASA MO ANG
Beyond The Darkness (Levrés Series #5)
Fiction généraleBata pa lang si Claudia Daphne Alejo ay marami na siyang hirap na naranasan. Paghihirap sa magulang, paghihirap sa ibang tao, at paghihirap para sa sarili. Daig pa niya ang bulag dahil puro kadiliman na lang ang nakikita niya. Pero lahat ng paghihir...