Pagtapos ng pasko ay nagtungo ako mag-isa sa batis. Gusto ko sana sa Ente kaso tinatamad akong maglakad sa malayo. Kaya roon na lang. Gusto ko rin naman maligo.
Tahimik akong naglakad patungo roon bitbit ang tote bag. Nakatali ang buhok ko ngayon dahil malakas ang hangin. Hindi pa ulit ako nakakapagpagupit ng buhok. Lagpas balikat ko na ito. Pagtapos na lang siguro ng graduation next year.
Hindi ko alam kung nasaan si Dylan ngayon kaya sinamantala ko ang oras na iyon para umalis. Para hindi niya alam kung nasaan ako.
Mas lumalala siya kada araw. Isang beses, pumunta siya sa bahay na sobrang pula ng mga mata. Hindi ganoon ang mata ng isang kapag lasing. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa nila ng mga bagong kaibigan niya kapag nag-iinuman. Pero may ideya na ako kung ano.
At lagi na siya namimilit sa akin. Unti-unti na rin namumuo ang takot sa akin. Parang konting pitik na lang, masasapak na niya ako.
Kaya hangga't maaari, iniiwasan ko na siya makasama. Pinagtataguan ko na siya.
Nakarating ako sa batis. Tanging ingay ng mga dahon dahil sa malakas na hangin lang ang maririnig.
Huminga ako ng malalim. Para akong nalunod at ngayon lang nakaahon. Sobrang bigat ng pakiramdam ko nitong mga nakaraan na buwan. Hindi ako nakalubog sa tubig pero hirap na hirap ako sa paghinga.
Nilapag ko ang bag ko at dumiretso na agad sa tubig. Lumangoy ako at sumisid patungo ulit doon sa batuhan. Gusto ko sana gumawa ng balsa kaso hindi naman ako marunong.
Kumapit ako sa bato noong makarating. Hinabol ko muna ang paghinga at umupo na muna roon. Hanggang baywang ko ang tubig pag-upo ko.
Tumingin ako sa mapayapang tubig. Halos mapatalon ako sa gulat noong may biglang lumitaw na ulo. Nasa gitna siya ngayon nakapwesto. Mas lalo akong nagulat noong makitang si Corvan iyon!
Hindi ko alam na nandito siya! Christmas break ngayon! Hindi naman siya nagbabakasyon kapag Christmas break. At paano niya kaya nagagawang hindi huminga ng matagal sa ilalim ng tubig?
Napatingin siya sa akin. Mukhang nagulat din noong makita ako. Pero naging blanko rin ang mukha niya.
Hindi ko naman alam kung aahon na ako. Pero pinili ko na lang manatili muna. Iniwas ko na lang ang tingin sa kanya.
Inabala ko ang sarili sa pagtampisaw sa tubig. Naaaninag ko naman ang paglangoy-langoy niya. Ano kaya ang ginagawa niya rito? Hindi niya kasama ang pamilya magpasko? O nandito rin ang pamilya niya?
Lumubog ako sa tubig at kumapit sa mga bato. Tinalikuran ko siya. Tiningala ko ang kalangitan. Napansin ko ang unti-unting pagdilim ng kalangitan. Uulan pa ata.
Nagpasya akong umuwi na. Lumangoy na ulit ako para umahon. Nakita ko naman si Corvan na nakatayo sa mababaw na parte. Seryoso ang mukha habang nakatingin sa akin.
Noong maapakan ko na ang lupa, naglakad na lang ako. Lalagpasan ko na sana si Corvan noong hawakan ni Corvan ang braso ko at isandal ako sa batong inaakyatan namin.
"Ano ba, Corvan?!" asik ko.
Hinarang niya ang dalawang kamay sa magkabilang gilid ko. Kinukulong ako. Halos ibaon ko naman ang sarili sa bato para lang hindi ako madikit sa katawan niya.
Tiningala ko siya. Namumungay ang mga mata niya habang dinudungaw ako. Pulang-pula ang labi. May tubig pang pumapatak mula sa buhok niya. Kumunot ang noo ko.
"Anong ginagawa mo?"
Tinulak ko ang dibdib niya. Napatingin siya sa kamay kong nasa dibdib niya.
"Pakawalan mo ako!"
Tinulak ko ulit siya. Tinulak ko rin iyong isang kamay niya para mapaalis pero parang semento ito sa tigas.
BINABASA MO ANG
Beyond The Darkness (Levrés Series #5)
Ficção GeralBata pa lang si Claudia Daphne Alejo ay marami na siyang hirap na naranasan. Paghihirap sa magulang, paghihirap sa ibang tao, at paghihirap para sa sarili. Daig pa niya ang bulag dahil puro kadiliman na lang ang nakikita niya. Pero lahat ng paghihir...