Kabanata I
"O heto dalhin mo ito kila Mang Efren para makapagtanghalian na sila." Sabi ni Mama at inabot ang dalawang tupperware na may lamang Pansit at Lumpia.
Agad akong naglakad patungo sa palayan na pinagtatrabahuan ng halos lahat ng mga tao dito sa'min. Nagkataong kaarawan ng namatay kong Lola ngayon kaya namigay si Mama ng kaunting handa.
"Lacey!" Napalingon ako nang narinig ko ang sigaw ng kaibigan kong si Cassy.
"Bakit?" Binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti at hinintay siyang sumabay sa'kin.
"Saan ang punta mo?" Tanong niya habang isa-isang binuksan ang dala ko at inamoy-amoy pa.
Kaibigan ko na si Cassy noong nasa elementarya pa lang kami at halos sabay na kaming lumaki. Nagkataon ding estudyante ng kanyang ina dati si Mama kaya mas naging malapit pa kami sa isa't-isa.
"Sa palayan. Ibibigay ko lang 'to sa mga nagsasaka do'n. Kaarawan kasi ni Lola ngayon kaya naghanda ng kaunti si Mama."
"Sama na ako sayo kasi nababagot na ako sa'min." Sabi niya sabay kapit sa braso ko.
Sabay na kaming naglakad papunta sa palayan nang bigla itong ngumiti ng mag-isa at nangisay. "Anong nangyayari sa'yo?" Taka kong tanong.
"Di mo pa ba alam ang balita?" Sigaw niya habang pinandidilatan pa ako ng mata.
"Hindi. Alam mo namang minsan lang ako lumabas ng bahay." Bagot kong sagot at nagpatuloy na kami sa paglalakad.
"Ano ka ba! Dadating daw ang bunsong anak ni Gov!" Sigaw niya habang hinahampas-hampas pa ako.
"Hindi naman dito titira 'yon. Ang layo kaya ng Panglao dito sa'tin."
Ang tinutukoy niyang bunsong anak ni Gov ay si Leo Bryant Vallezer. Sa Maynila ito nag-aaral kaya minsan lang itong umuwi dito sa Bohol. Narinig ko din no'ng minsang nag-uusap sila mama at papa na papauwiin ito dahil nagiging pasaway na daw ito sa siyudad. Minsan ko lang 'yong nakita noong may event sa school at sinamahan niya si Gov.
"Makichismis ka din naman minsan! Doon muna siya titira kay Lolo Samuel!" Nakaismid niyang sagot.
Napataas naman ang isang kilay ko. "Bakit dito?"
"Bakit hindi dito?" Sarcastic na tanong ni Cassandra.
Apo ni Lolo Samuel si Leo. Nagkataon lang na mas gusto niya ang palayan kaya nagdesisyon siya na manatili na lang dito at siya na ang magpatuloy sa pamamalakad habang lumipat naman ng tirahan ang kanyang anak na si Governor Miguel kasama ang kanyang asawa at dalawang anak para mas mapadali ang kanyang pagtatrabaho. Hindi gaanong malapit ang loob ni Lolo Samuel at Leo dahil hindi na ito lumaki sa kanya kaya nakapagtatakang dito muna siya titira.
"Parusa siguro. Alam mo namang pasaway ang kanyang anak." Tugon nito at hinila na ako.
Tanaw na namin ang isang grupo ng mga magsasaka na nagsisimula ng kumain sa isang kawayang lamesa. Dali-dali kaming naglakad at kumaway sa kanila nang mapansin na nila kami.
"Hep hep hep! May pahabol pa mga tatay!" Tumatawang sigaw ni Cassy na tinutukoy ang mga dala ko.
Agad ko itong nilapag sa mesa pagkarating namin at binuksan. "Pinapabigay po ni Mama."
"Anong okasyon, Anne?" Tanong ni Tatay Jun, ang pinakamatanda sa grupo.
"Kaarawan po ni Lola ngayon." Nakangiti kong sagot.

BINABASA MO ANG
Never Enough
Romance"I guess sometimes you need a second chance because time wasn't ready for the first time."- Lacey Anne Gonzalo @gorgever ©All Rights Reserved