Kabanata III
"Ate, nasa labas si Ate Cassy." Sabi ng kapatid ko habang nakasilip sa pinto ng kwarto ko. Itinaas ko lang ang kamay ko at nagtalukbong ulit sa kumot. Antok na antok pa ako dahil matagal akong nakatulog dahil sa katangahang ginawa ko kahapon. Pero ngayon okay na ako, natauhan na ako. Wala naman pala akong dapat ikahiya dahil siya naman 'yong unang nagsend ng friend request. Tsaka ayaw niya nun? Madadagdagan pa 'yong mga likes niya. Magpalasamat na lang kamo siya.
Narinig kong bumukas ng malakas ang pinto at lumubog ang kama ko dahil sa paglundag ni Cassy.
"Good morning!" Malakas na sigaw niya at dinaganan ako.
Tinulak ko naman siya at binato ng unan. "Akala mo naman magaan ka! Baboy ka!"
Napahawak naman ito sa dibdib niya at nagkunwaring nasasaktan. Napairap naman ako at hinila siya pahiga sa kama ko at tinandayan siya. "Antok pa ako."
"Sige tulog ulit tayo." Sabi niya habang tumatawa pa ng mahina. Oh diba? Kaming dalawa lang ang nakakaintindi sa mga ugali namin. Ewan ko ba, kahit ako nga naguguluhan na sa sarili ko dahil maya't-maya nagbabago ang mood ko.
"Wala kang dala?" Mahina kong tanong habang nakasiksik sa kanya.
"Pwede bang wala?! Syempre meron! Nasa ref niyo. Donuts."
"Salamat Cas."
She just patted my head.
Pareho naming hindi namalayan na nakatulog na pala talaga kami. Nagising na lang ako na tatlo na kami sa kama. Pinapagitnaan na ako nina Cassy at Leah. Napangiti na lang ako habang tinitingnan silang dalawa. Pangdalawang tao lang ang kama ko kaya grabeng siksikan na ang ginagawa naming tatlo. Nakatagilid na nakayakap sa'kin si Leah.
Malapit din ang loob ni Leah kay Cassy at parang magkapatid na din talaga ang turing nilang dalawa. Napatingin ako sa wall clock at nakitang pasado alas diyes na ng umaga. Tinapik ko na silang dalawa para magising. Unang nagising si Cassy na namumungay pa ang mga mata samantalang si Leah ay nagbukas lang ng mata pero natulog ulit.
"Anong oras na?" Tanong ni Cassy at pumikit ulit.
"10:23 na. Kain na tayo." Niyugyog ko silang dalawa pero hindi nila ako pinansin.
"Una na kayo." Inaantok na sagot ni Leah.
Tumayo na ako at nagsuklay ng buhok. Pagkatapos ay lumabas na ako para magsipilyo. Wala na sila Mama at Papa doon pero nakita kong may nakadikit na note sa ref na may nakasulat na "Kumain na kayong tatlo pagkagising niyo."
Bumalik ulit ako sa kwarto at natutulog pa rin silang dalawa. Hinihila ko na 'yong mga kamay nila pero binabawi lang nila ito. "Bangon na!" Sigaw ko at tinatapik-tapik sila.
Inis na bumangon si Leah at dumiretso sa banyo. Sumunod naman sa kanya si Cassy. "Bilisan niyo diyan! Kakain na tayo."
Hinanda ko na 'yong mesa at nagtimpla ng juice. Umupo naman silang dalawa pagkatapos nilang mag-ayos at nagsandok na ng mga pagkain. "Saan tayo ngayon?" Tanong ni Leah habang kumakain na.
Umupo naman ako sa tabi nila at nagsandok na din. "Bata ka sa'min ng tatlong taon Leah, tigilan mo ko." Sagot ko sa kanya.
Inirapan niya lang ako. "Akala ko ba barkada na tayong tatlo?"
"Bumarkada ka sa mga kaedad mo." Sabi ko habang pinandidilatan siya ng mga mata.
Ewan ko ba sa kapatid kong 'yan at mas gustong sumama sa'min. May mga kaibigan naman siyang mga kaklase niya at kaedad pa niya.

BINABASA MO ANG
Never Enough
Romance"I guess sometimes you need a second chance because time wasn't ready for the first time."- Lacey Anne Gonzalo @gorgever ©All Rights Reserved