Kabanata XVII
Mahina akong napaungol nang tumama sa katawan ko ang malamig na hangin sa labas. Tumagilid ako at niyakap ang unan na nakapa ko lang sa aking tabi.
"Ley, gising na." Rinig ko ang boses ni Marie.
"Okay." Wala sa sarili kong sagot at nanatiling nakapikit.
Kinusot ko ang aking mata at dahan-dahan itong ibinukas. Agad kong nakita si Cecile na hinahawi ang kurtina ng bintana. Mahimbing pa din ang tulog nina Ate Camille at Ate Lena na parehong sinasaluhan ang isang kumot. Nakatayo naman sa may hamba ng pinto si Marie habang tinitingnan ang kaibigan na inaayos ang bintana.
"Kanina pa kayo gising?" Halata pa din sa boses ko ang antok.
"Medyo. Bangon na at mag-ayos ka na." Sagot ni Marie at naglakad na paalis
Ngumiti lang sa akin si Cecile at sumunod na din sa kanya nang matapos na ang ginagawa. Tumingin ako sa aking wrist watch at nakitang pasado alas singko pa lang ng umaga. Ganito ba talaga sila kung gumising? Napakaaga.
Tumayo na ako at inayos ang aking buhok. Agad na nahagip ng paningin ko ang napakagandang tanawin sa labas. Lumapit ako sa bintana at napangiti sa nakita. Papasikat pa lang ang araw. Kung ganito ang maaabutan mo tuwing umaga ay siguradong gaganahan kang gumising. Dali-dali kong kinuha ang aking cellphone at kinuhanan iyon ng litrato.
"Napakaganda." Namamangha kong komento.
May narinig akong tumikhim sa aking likod dahilan para mapalingon ako.
"Hindi ba't nakakabighani ang tanawin?" Nakangiting tanong ni Nana Trining.
"Sobra po."
"Hindi lahat ay nasasaksihan ang pagsikat ng araw. Mapalad tayo at nakikita natin iyan ngayon."
"Nakakaganda po ng umaga." Ngiti ko.
"Halika na sa labas. Nandoon na ang mga kaibigan mo. Hayaan mo na muna ang dalawang iyan at mukhang mahimbing pa ang tulog." Aniya at tinitigan ang dalawang nakahiga pa.
"Magbibihis lang po ako at susunod din ako agad."
Tumango siya bago tuluyang lumabas. Agad akong nagbihis ng damit at nagsuklay. Dumiretso din ako sa kusina upang maghilamos at magtoothbrush. Saglit akong napatigil nang maalala ang nangyari kagabi. Nakatulog ako at hindi ko na alam ang sunod na nangyari. Tinotoo talaga ni Leo na bubuhatin niya ako pabalik sa aming kwarto. Dapat akong magpasalamat sa kanya.
Lumabas ako at nakita silang nagkekwentuhan. Imbes na lumapit sa kanila ay dumiretso ako kay Kapitan Roy na nagpapakain ng mga alaga nitong manok.
"Magandang umaga, Lacey." Nakangiti niyang bati sa'kin.
"Magandang umaga din po, Kapitan. Si Leo po? Nakita niyo ba siya?"
"Maagang gumising ang batang 'yon. Sumama kina Larry at Mark sa pagbaba ng bayan upang tumulong sa pagdadala dito ng mga ipamimigay na gamit sa pagsasaka."
"Mga anong oras po sila umalis?" Kunot-noo kong tanong.
"Bandang alas tres ng madaling araw. Siguro ay mamayang alas otso pa ang balik nila dito."
"Gano'n po ba... Sige. Salamat po." Sagot ko at umalis na.
Alas tres? Sobrang aga. Bigla ay nakaramdam ako ng guilty. Inabala ko pa siya kagabi sa pagtulog niya gayong maaga pala ang lakad niya ngayon. Kahapon pa hindi maayos ang pahinga niya. Napanguso ako at kinuha ang cellphone mula sa bulsa. Itinaas ko ito upang maghanap ng signal.

BINABASA MO ANG
Never Enough
Romance"I guess sometimes you need a second chance because time wasn't ready for the first time."- Lacey Anne Gonzalo @gorgever ©All Rights Reserved