ISANG taon ang nakararaan nang maging aware ako sa existence ni Danica Solomon. Tandang-tanda ko na unang linggo iyon ng Hulyo. Bago iyon ay masaya ako sa buhay ko bilang isa sa mga elite students ng Richdale University. Kabi-kabila ang mga babaeng dine-date ko. Nang mga panahong iyon ay katatapos lamang ng Miss Richdale pageant at nakuha ng nanalo na si Erich ang atensiyon ko. Tourism student. Kaya pagkatapos ng klase ay tumatambay kami ng mga kaibigan ko malapit sa College of Tourism. May café malapit doon na ayon kay William ay palaging pinupuntahan ni Erich.
Sa araw na iyon ay balak kong kunin ang atensiyon niya. Lalo at malapit na ang formal Dance Party na taunang event ng Richdale at ginaganap sa huling araw ng Foundation Week, sa huling biyernes ng Agosto. Si Erich ang balak kong dalhin sa party. It's not that I'm in love with her or something. Sa tingin ko lang ay magiging perfect partner kami para sa party. At kompiyansa ako na makukuha ko siya.
"Oh my God. Si Thorne!" tili ng isang babae na pumasok sa café at napatingin sa amin. Napatingin na rin ang mga kaibigan ng babae at nagtinginan bago nagsimulang maglakad palapit sa mesa namin.
"Oh man, mukhang mga first year ang mga iyan. Fans mo na naman, Thorne?" bulalas ni Jasper.
"Marami siyang fans na freshmen dahil nag speech siya noong general orientation bilang vice president ng supreme student government ng Richdale University," natatawang sabi ni Armi.
Ilang hakbang na lang ang layo ng mga first year sa mesa namin. Nilingon ko na lamang sila, ngumiti at bahagyang kumaway. Nagtilian ang mga babae at bumilis ang lakad palapit sa amin. Pero nang mapatingin ako sa labas ng café ay nakita ko nang naglalakad si Erich. Napatayo ako agad at tinapik sa balikat ang mga kaibigan ko. "I have to go. Nakita ko na siya." Ngumiti at kumaway ako sa huling pagkakataon sa mga first year na dapat ay lalapit sa akin. Saka ako mabilis na lumabas ng café para habulin si Erich.
Pero bago pa ako makalapit sa kaniya ay parang may nakita si Erich na kung sino at matamis na ngumiti. "Eugine!" malambing na tawag niya at saka mabilis na lumapit sa lalaking nakita niya.
Napahinto ako sa paglalakad. Sumama ang mood ko hindi ko pa man nililingon ang lalaking tinawag ni Erich. Isa lang naman ang kilala kong Eugine. Kaya nang lumingon ako at makita siya ay lalo akong napasimangot dahil tama ako. Ang pinsan ko nga ang lalaking napahinto sa paglalakad at nilingon si Erich na nakalapit na sa kaniya.
Eugine Alonso. Panganay na anak ng tiyuhin ko na kalaban ni papa para maging susunod na CEO ng kompanya ni lolo. Magkaedad kami pero mula noon ay hindi kami naging malapit sa isa't isa. Hindi gusto ng mga magulang ko ang napangasawa ni tito. Gold digger at social climber daw ang nanay ni Eugine at kahit matindi ang pagtanggi ng pamilya namin ay nagpakasal pa rin si tito sa asawa niya. Iyon ang naging mitsa kaya naging pangit ang relasyon ni papa at ng kapatid niya.
Mula rin noong mga bata kami ay naging magkaribal na kami ni Eugine sa maraming bagay. Sa grades sa school, sa atensiyon ng mga tao sa paligid namin, sa pagmamahal ni lolo at marami pang iba. Bukod sa magkaibang-magkaiba kami ng personalidad.
At nang magbinata kami ay hayagan na kaming pinagtatapat ng aming mga magulang. Hayun nga at nasa iisang unibersidad kami at pareho pa ng kurso. Mula noong first year kami ay kalaban ko na siya sa number one spot tuwing exam, naglaban rin kami sa election para sa student government na kahit ako ang nanalo ay dahil lang lamang ako ng dalawang boto. Bukod doon ay hindi lang talaga namin gusto ang isa't isa. Ilang beses na ba kaming nagkaroon ng iringan dahil lang hindi namin gusto ang personalidad ng isa't isa?
Nang makita kong halata sa mukha ni Erich na infatuated siya kay Eugine ay lalong nadagdagan ang disgusto ko para sa pinsan ko. Lalo na nang mukhang wala siyang interes sa babae at parang sinungitan pa nga kung pagbabasehan ang ekspresyon sa mukha niya. Lumampas ang tingin ni Eugine at parang may nakita ay mabilis na nagpaalam at naglakad palayo. Napasunod na lang ng tingin si Erich na laglag ang mga balikat at halatang dismayado.
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...