Chapter 17

435 5 0
                                    

TAHIMIK na nagtimpla ng kape si Danica para sa aming dalawa. Saka siya umupo sa katapat na silya ng kinauupuan ko. Sandaling tahimik lang kami. Gusto ko na siya ang unang magsalita, kung kailan sa tingin niya ay handa na siya. Pinagmasdan ko lang siya habang hinahalo-halo ang kape niya.

Maya-maya ay hinawi niya ang buhok na tumabing sa mukha niya at inipit sa kanyang tainga. Saka ko nakitang huminga siya ng malalim bago nag-angat ng tingin. "Nang malaman ni daddy na buntis ako nagalit siya sa akin. Gusto niyang..." Tumikhim si Danica at kumislap ang sakit sa mga mata. "Gusto niyang ipalaglag ko ang baby."

"What?!"

Nanlaki ang mga mata niya. "Shh!" Napalakas kasi ang boses ko.

Pero hindi ko mapigilan. Kumulo ang dugo ko sa isiping ginusto ng tatay niyang ipalaglag ang bata. Kinailangan kong itiim ang mga ngipin ko para mapigilan ang sariling magmura. Ikinuyom ko ang mga kamay at pilit kinalma ang sarili. "At bakit gusto niyang ipagawa iyon sa iyo?" gigil na tanong ko.

Mapait na umangat ang gilid ng mga labi ni Danica. "Dahil malaking kahihiyan daw ako. Dahil kahit anong gawin niyang tanong ay hindi ko sinasabi sa kaniya kung sino ang ama ng anak ko. Siyempre hindi ako pumayag na ipalaglag ang bata. Kaya pinatapon niya ako sa probinsiya, sa matandang nagpalaki sa akin na nag-resign ng mamatay si mommy. Kahihiyan daw kasi ako at hindi na niya ako anak. Mabuti na lang mabait at mahal ako ni Nanay Conching. Hindi niya ako pinabayaan hanggang sa makapanganak ako."

"At naging maayos ang buhay mo sa probinsiya?"

Nagkibit balikat siya. "Hindi ko naiwasan ang mga tsismosa't tsismoso. Mayroon naman ng mga ganoon kahit saan. Lalo na doon sa probinsya ni Nanay Conching na konserbatibo ang mga tao. Marami ang nagtataka na ang isang tulad kong teenager ay biglang sumulpot doon. Lalo na nang bawat buwan ay lumalaki ang tiyan ko at wala naman akong kasamang ama ng anak ko."

Napalunok ako nang may bumikig sa lalamunan ko. Nakinita ko ang naging buhay ni Danica sa probinsya, palaging sentro ng atensiyon ng mga tao, palaging laman ng kwentuhan kapag nagkakaumpukan, palihim na kinukutya. It must have been painful for her.

I felt so ashamed that I wasn't with her all those months. Kahit na siguro kung noong nakaraang taon ko nalaman na may nabuo sa isang gabing nangyari sa amin ay baka iba ang opinyon ko. Baka katulad ng tatay ni Danica ay naging makasarili din ako at ginawa ang lahat para takasan ang responsibilidad.

Nakakamangha na sa loob lamang ng halos dalawang linggo ay malaki na ang naiba sa opinyon ko. Dahil ngayon ay hindi ko maatim isipin ang posibilidad na nasunod ang tatay niya at napalaglag ang bata. Na kung nangyari iyon ay baka hindi ko nakita si Louise. Isipin ko pa lang na hindi na ako magigising na mukha ng anak ko ang nakikita ko ay parang may asido nang humahagod sa sikmura ko. Kung noon sinabi sa akin ni Danica ang tungkol sa pagbubuntis niya ay baka nag-away lang kami at wala ngayon doon, nag-uusap ng masinsinan. Baka tumakas ako at ikinatwiran sa sarili ko na masyado pa akong bata para sa magkaroon ng anak.

"Naipanganak ko na si Louise nang biglang sumulpot si daddy sa probinsya. Nagkataon na tinatanong ako ng isang staff ng hospital para sa birth certificate ni Louise. Gusto kong ipangalan lang siya sa akin pero ina-advice ng staff na pag-isipan kong mabuti. Na mas maganda daw kung ilalagay ko kung sino ang ama niya. Kaya hindi ko pa siya napaparegister. Sasabihin ko sa iyo dapat na kailangan natin bumalik ng probinsya para maayos ang birth certificate niya pero nawala sa isip ko dahil biglang sinabi ni lolo na bumalik ako sa school."

"Okay. Pupunta tayo sa lalong madaling panahon," mabilis na sagot ko. "Pero paano nalaman ng daddy mo na ako ang ama ni Louise kung nasa probinsya ka?"

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon