Chapter 16

436 7 0
                                    

ANG sama ko nga siguro na nakahinga ako ng maluwag nang biglang nawala si Danica noong nakaraang taon. Kasabay kasi ng pagkawala niya ay nawala rin ang usapan tungkol sa amin. Napalitan na ng bagong isyu at tsismis. Ni hindi ko kinuwestiyon kung bakit bigla siyang nawala. Sarili ko lang ang inisip ko noon. Ngayon ay naisip ko na siguro isang buwan pagkatapos na may nangyari sa amin ay nalaman niyang buntis siya.

Hindi siya nagparamdam sa akin. Pero kay Eugine ay hindi niya pinutol ang komunikasyon? Nakakainis isipin. Mas nakakainis na kahit naiirita ako at ayokong makita si Danica dahil baka mapikon ako at makapagsabi ng hindi maganda ay kailangan ko pa rin siyang hintayin para isabay sa pag-uwi pagsapit ng hapon. At sa iisang bahay kami nakatira at sa iisang kama natutulog. Kahit gusto ko ng space ay wala akong choice kung hindi ang makita at makasama siya. Ganoon ang naging routine namin sa loob ng ilang araw.

Torture.

Katulad ngayon, araw ng biyernes. Hinihintay kong matapos ang huling klase ni Danica, nakatambay ako sa parking lot, sa tabi ng kotse ko, nang tumawag sa akin si lolo.

"Pagkagaling ninyo sa school, mag-dinner tayong pamilya. Natawagan ko na si Yolly para sabihing male-late kayo ng uwi ni Danica." Pagkatapos ay may sinabi siyang pangalan ng restaurant na kalahating oras ang layo mula sa Richdale.

Napabuntong hininga ako at sumangayon. Hindi naman kasi ako pwedeng tumanggi.

Nang oras na ng labasan ni Danica pero hindi pa rin siya dumarating ay inis na tinawagan ko siya. Mabuti na lang pala kinuha ko ang cellphone number niya. Ang tagal bago niya sinagot ang tawag. "Nasaan ka na?"

"Bakit?"

Kumunot ang noo ko. "Anong bakit? Sabay tayong uuwi hindi ba? Hinihintay kita sa parking lot kanina pa. Besides gusto nila lolo na mag-dinner tayo kasama sila."

"Ah."

Nainis na ako. "Nawala sa isip mo na hinihintay kita?"

"Sorry, sige papunta na ako." May narinig akong ibang mga boses sa background bago niya naputol ang tawag. Nanlaki ang mga mata ko. Boses ng lalaki ang isa sa mga narinig kong kasama niya. Si Eugine ba iyon? Tumiim ang bagang ko sa isiping iyon.

Wala pang limang minuto ay humahangos na dumating si Danica. "Bakit ang tagal mo?"

Tumalim ang tingin niya sa akin. "May mga kaibigan din akong gusto akong makasama dahil matagal akong nawala, okay?"

"Si Eugine?" maanghang na tanong ko.

Tumiim ang labi ni Danica at mukhang nainis na rin. "Bestfriend ko si Gin."

Umismid ako. "Bestfriend? Kailan lang ba kayo nagkakilala, bestfriend agad?" Sinong niloko niya.

"Bakit ba ganiyan ka kay Gin? Pinsan mo siya."

Napikon na ako. "Huwag mo siyang kampihan sa harap ko, okay? Tara na nga lang. Hinihintay tayo ni lolo." Saka ko binuksan ang pinto sa driver's seat at pabagsak na pumasok sa loob ng kotse.

"Anong problema mo?" inis na sabi ni Danica pagkasakay din niya sa passenger's seat.

Humigpit lang ang hawak ko sa manibela at pinaharurot ang kotse himbis na sumagot. Dahil paano ko sasabihin sa kaniya na ayokong nakikitang kasama niya si Eugine? Na ni ayokong naririnig na tinatawag niya sa palayaw ang pinsan ko. Na naiinis ako dahil naalala ko ang nakaraan? Kahit sa isip ko ang pathetic ng mga dahilan ko. Kaya nanahimik na lang ako.

KAMI na lang ang hinihintay nang makarating kami sa restaurant. Nandoon na si lolo, ang mga magulang ko at ang mga magulang ni Danica.

Hindi nakaligtas sa akin na natigilan si Danica na makita doon ang mga magulang niya. Nang sulyapan ko ang mukha niya ay nagitla ako ng makitang sandaling naging malamig ang ekspresyon niya. Nagkaroon ako ng kutob na hindi niya kasundo ang mga magulang niya. Hindi rumehistro sa akin ang posibilidad na iyon noong unang beses silang sumulpot sa bahay namin hanggang sa ikasal kami ni Danica. Masyado akong natuon sa sarili ko noon para maisip iyon.

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon