Chapter 4 Part 2

362 7 0
                                    

MABILIS na kumalat ang balitang may babaeng tumanggi sa akin. Ngayon sa tuwing naglalakad ako sa campus ay hindi na lamang paghanga ang nakukuha kong tingin ng mga estudyante. May iba na pinagtatawanan ako, may iba na hayagang sinasabi na mabuti nga sa akin. Ang mga ex ko at mga kaibigang babae ay nagagalit. Gusto malaman kung sino ang babaeng tinutukoy ng tsismis.

Umakto ako na parang hindi apektado sa mga reaksiyon nila. Hindi ko rin sinabi ang pangalan ni Danica sa kabila ng pangungulit nila. Masisira lang lalo ang diskarte ko kapag nangielam ang mga kaibigan ko. Narealize ko rin na hindi komportable si Danica na sa harap ng maraming tao ko siya nilalapitan. Kaya nagdesisyon ako na sa susunod na lalapitan ko siya ay iyong magkakaroon kami ng privacy.

Kaya nagpunta ako sa library. Ayon sa impormasyon ni William ay doon madalas makita si Danica kapag naghihintay ng susunod niyang klase.

Malaki ang main library ng Richdale University. Dalawang palapag. Matataas at mahahaba ang mga shelf na puno ng mga libro na donasyon ng mga alumni at pamilya ng mga estudyante. Hiwa-hiwalay ang mga lamesa para hindi maistorbo ng iba ang mga nagbabasa o gumagawa ng kung anong related sa pag-aaral.

Nahirapan akong hanapin si Danica. Kung hindi ko nga lang nabola ang student librarian na nagbabantay para makita ko ang log book ay baka nagduda na akong naroon pa nga siya. Malapit na akong ma-frustrate sa paghahanap nang sa wakas ay nakita ko rin siya. Nakapuwesto si Danica sa lamesa na nakadikit sa bahagi ng library na puro naglalakihang glass windows. Tahimik na nakaupo siya at mukhang seryoso sa binabasa. Ang liwanag na mula sa labas ay mabining humahaplos sa kaniya. Sa mga sandaling iyon ay hindi siya mukhang aloof at suplada. Naging maamo ang mukha niya habang nakatutok sa binabasa. May nahuli pa akong munting pagsilay ng ngiti sa mga labi niya na para bang may ikinatuwa siya sa binabasa niya.

Napahinto ako sa paglalakad at napatitig lamang sa kaniya. Biglang nawala ang plano kong paglapit at pagkausap sa kaniya. Sigurado kasi ako na kapag ginawa ko iyon ay magsusungit na naman siya. At parang ayoko pang mawala ang ekspresyong nakikita ko ngayon sa mukha niya. Kaya himbis na lumapit sa lamesa niya ay pumuwesto ako sa lamesa kung saan makikita ko siya pero hindi niya ako makikita. Pinagmasdan ko lang siya. Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin sa mga sandaling iyon. Basta naaliw lang akong tingnan na magpalit-palit sa ngiti, kunot-noo, simangot at muling ngiti ang ekspresyon ni Danica. Mukhang engaging ang librong binabasa niya.

Napaigtad ako sa biglang pag-vibrate ng cellphone ko na nasa bulsa ko. Noon ko lang naalis ang tingin kay Danica. May text message mula kay Armi.

Class starts in ten minutes.

Gulat na napatingin ako sa oras. Shit. Hindi ko namalayan na halos isang oras na akong nakamasid kay Danica. Iyon ang unang beses na nawala ako sa sarili dahil lang sa pagtitig sa isang babae. It caught me off guard. Bigla ring may kumabog na takot sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit. Nakaramdam tuloy ako ng inis dahil doon.

Marahas akong napatayo. Umingit ang silya ko dahil doon. At dahil masyadong tahimik sa paligid ay malakas ang naging dating ng tunog niyon. Nang mapatingin ako sa direksyon ni Danica ay gulat din siyang napalingon sa akin. Nagtama ang aming mga paningin. Halatang nagulat siya at akala ko ang pagkagulat na iyon ay magiging iritasyon na naman na katulad sa nakaraang mga pagkakataong sinubukan kong mapalapit sa kaniya. Kaya nang bawiin niya ang tingin, isara ang librong binabasa at tumayo rin sa pagkakaupo ay hinanda ko ang sarili ko sa pwedeng sabihin para hindi niya ako sungitan.

Pero nang bigla na naman siyang lumingon sa akin at magsimulang maglakad palapit ay nablangko ang isip ko. Ako na palaging may nakahandang sabihin basta babae ang kaharap ay walang maisip sa mga sandaling iyon. Hindi ako makapaniwala.

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon