Natanaw ko na ang gate ng Richdale University nang makapagdesisyon akong harapin na lang ang mga kaibigan ko. Para masabihan na rin sila na huwag ipagkakalat ang tungkol sa amin ni Danica.
Pagkahimpil ko pa lang ng kotse ko sa parking lot ay nakita ko nang palapit sa akin sina Armi. Lumunok ako. Huminga ng malalim. Saka lumabas ng kotse.
"Thorne! Magpaliwanag ka! Ano iyong –"
"Okay. I'll talk. Pero huwag naman dito sa parking lot," putol ko sa sasabihin ni Jasper.
"Sige. Pero Thorne, at least sabihin mo sa amin ang totoo," sabi ni William at saka hininaan ang boses, "Sino ang baby na karga ni Danica nang makita namin kayo sa Tisay's kasama ang lolo at mga magulang mo? Hindi namin nagawang lumapit at magpakita sa iyo dahil sa tingin namin seryosong isyu ang nakita namin."
Lumunok ako. Luminga sa paligid para masiguro na walang ibang nakakarinig sa amin. Saka ako nagsalita, "Anak namin. Danica and I, we have a child. And we're already married."
Halos lumuwa ang mga mata ng mga kaibigan ko. "What?!" sabay-sabay pang bulalas nila na may kasama pang mura sa sobrang pagkabigla.
Marahas ko silang pinatahimik dahil baka may makarinig sa kanila. Marami kaming kakilala sa campus at kapag nakita kami ay siguradong maku-curious kung ano ang pinag-uusapan namin. Tumahimik sila. Pero hindi kami nakapasok sa first class namin. Hinatak nila ako sa Strawberry Kiss para makapagpaliwanag daw ako. Pumuwesto kami sa dulong lamesa malayo sa iba. Saka ako bumuntong hininga at sinabi sa kanila ang mga nangyari sa pagitan namin ni Danica.
Halos malaglag ang mga panga nila at lumuwa ang mga mata habang nagsasalita ako. Nang matapos akong magpaliwanag ay parang naumid ang mga dila nila at hindi makapagsalita.
Si Armi ang unang nakahuma. "Wow. Hindi ko inakala na nangyayari sa tunay na buhay ang ganiyan."
"Right," sangayon nina Jasper at William.
"I know," sabi ko rin. Muli akong napabuga ng hangin at sumandal sa kinauupuan. "Just don't tell anyone. Mas magiging maingat na rin ako para wala nang iba pang makaalam. Gusto naming maka-graduate ng college nang matiwasay."
"Naiintindihan namin, Thorne. Kahit din siguro kami ililihim din ang tungkol diyan. Lalo na ikaw na may reputasyong inaalagaan. Besides, alam mo naman sa Richdale, ang mga running for honors hindi lang grades ang tinitingnan. Pati achievements sa loob at labas ng school at good moral character. Kapag kumalat na nakabuntis ka, hindi palalampasin ng mga professor at iba pang officials ng Richdale ang tungkol doon. Baka alisan ka nila ng eligibility na maging Magna Cum Laude. Sayang ang ilang taong pinaghirapan mo sa kolehiyo," sabi ni Armi.
Hindi ko naisip iyon ah. Napalunok ako at nanlamig. Kinabahan ako at lalong natakot malaman ng iba ang tungkol sa amin ni Danica. Kapag hindi ako naging Magna Cum Laude, madidismaya na naman si lolo sa akin. Pati si papa at mama. Hindi lang sila madidismaya, mapapahiya pa sila sa mga kakilala nila dahil sa akin.
Ayokong mangyari iyon. Hindi na ako magiging disappointment sa pamilya ko.
"Ah! Kaso may problema tayo," biglang sabi ni William.
Napatingin ako sa kaniya. "Anong problema?"
"Kasama namin sila Sabrina na nagpunta sa Tisay's noong nakita ka namin, Thorne. Hindi ba sabi ng marami mas matalas ang pakiramdam ng mga babae kaysa sa mga lalaki? Malamang may hinala na sila Sabrina sa tunay na relasyon ninyo ni Danica."
Napaderetso ako ng tayo. Bigla ko kasing naalala ang ekspresyon sa mukha ni Sabrina noong huli ko siyang makita sa Dance Party. Napatayo ako. "Kailangan ko makausap si Sabrina. I'll be back for our second class." Hinablot ko ang sling bag ko, dinukot ang cellphone para matawagan si Sabrina at saka mabilis na naglakad palabas ng Strawberry Kiss.
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...