Chapter 6

354 7 0
                                    

HINDI ko nalasahan ang mga pagkaing nakahain. Tahimik lang ako. Sa tabi ko nakaupo si Danica na kanina ay sandaling nawala. Siguro ay pinuntahan ang anak. Ang mga magulang lang niya at si lolo ang nagsasalita sa hapagkainan. Tungkol sa negosyo yata ng ama niya. Ewan. Hindi ko masyadong pinakinggan. Wala kasi akong ibang gusto kung hindi ang matapos na ang araw na iyon.

Kaya bago pa matapos kumain ang iba ay nauna na akong tumayo. "Magbibihis na ako." Napatingala sa akin si Danica at mukhang may sasabihin pero hindi ko na hinintay pa kung ano iyon. Mabilis na akong naglakad palayo. Habang umaakyat ako pa-ikalawang palapag ay tinatanggal ko na ang black suit na suot ko at kinalas ang butones ng puting polo sa bandang leeg ko.

Pagpasok ko sa kuwarto ko ay saka lang ako nakahinga ng maayos. Nakakasakal kasi sa ibaba. Nagpalit ako ng damit, planong pasimpleng umalis ng bahay nang hindi napapansin para makipagkita sa mga kaibigan ko. Dahil sa totoo lang ay kailangan ko talaga ng kausap. Kailangan ko ng mapaglalabasan ng frustration. Tapos na akong magpalit ng damit nang mapatingin ako sa kaliwa kong kamay. Partikular sa singsing na ang katumbas sa akin ay kolyar sa leeg ko. I gritted my teeth. Akmang huhubarin ko na rin iyon nang biglang may iyak ng sanggol akong narinig.

Napatingin ako sa nakabukas na banyo. Nasa kabila ang sanggol. At lalong lumalakas ang iyak niyon. Hindi ko sana papansinin kung hindi ko lang naalala na lahat ng tao maliban sa akin ay nasa dining area sa ibaba. Mukhang walang balak tumigil sa pag-iyak ang sanggol.

Marahas kong nagulo ng mga kamay ang buhok ko at pabalag na naglakad patungo sa guest room. "Ugh! Nakakainis." Binuksan ko ang pinto ng banyo sa guest room kaya lalong lumakas sa pandinig ko ang iyak. Nasa gitna ng kama ang sanggol, pumapasag-pasag ang mga kamay at mga paa, namumula ang mukha at hilam sa luha ang mga mata. Para ring halos hindi na makahinga sa pag-iyak.

"Shh!" Hindi huminto. Humakbang ako palapit hanggang sa nakaharap na ako sa kaniya. "Shh. Stop crying!" Huminto sa pag-iyak ang bata at luminga-linga na parang hinahanap kung nasaan ang nagsalita. Nakahinga ako ng maluwag at aalis na sana dahil tumahimik na iyon pero nakaisang hakbang paatras pa lang ako ay umiyak na naman ang sanggol. "God, why don't you stop?" Frustrated na ako at taranta dahil namumula na naman ang mukha niyon at parang kinakapos sa paghinga dahil sa kakaiyak.

"Anong gagawin ko? Damn." Bigla kong inalala ang mga nakita kong ginagawa ni Danica kapag umiiyak ang sanggol. Binubuhat, inaalo, tinatapik sa likod? Paano ko iyon gagawin kung hindi ko pa nararanasan kumarga ng ganoon kaliit na baby buong buhay ko?

Kung hayaan ko na lang umiyak hanggang sa may makarinig?

Parang nabasa yata ng sanggol ang nasa isip ko dahil lalo pang lumakas ang iyak niyon.

Frustrated na ginulo ko ng mga kamay ang buhok ko bago lumapit sa baby. Kahit na hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko ay binuhat ko iyon. Magaan lang. Pero mas ikinagulat ko na malambot ang sanggol. Fragile. Na parang kapag nagkamali ako ay madudurog ko iyon. Kumakabog ang dibdib ko habang hawak ko ang sanggol na nakatingala sa akin at unti-unting humina ang pag-iyak. Hanggang sa tuluyan nang tumigil at tumunghay lang sa akin. Napatitig na lang din tuloy ako sa mukha niyon.

Suddenly, the baby smiled at me.

Nahigit ko ang hininga ko dahil parang may sumuntok sa dibdib ko nang makita ang ngiti niya. Niya. Hindi na Iyon. Dahil paano ko pa ididistansya ang sarili ko sa sanggol kung karga ko na siya ngayon at nginingitian pa ako? Kung parang nilalamutak ang sikmura ko habang tinitingnan ang mukha niya?

Narealize ko na kahit magalit o mafrustrate o mag-deny pa ako ay wala nang mababago. At kahit na hindi pa kami magkasundo ni Danica ay may anak talaga kami at ngayon nga ay legal na kasal.

Sabi nga ni lolo, iyon ang kinalabasan ng sarili ko ring pagkakamali. Alam ko na isang parte ng pamimilit niya sa aking magpakasal ay bilang parusa sa akin. Masyado akong nagpadalos-dalos. I involved myself with sexual relationships even though I might be too young for it. Naging mapusok ako. Naging masyadong bilib sa sarili na hindi ako madidisgrasya o makakadisgrasya. Heto ngayon sa mga kamay ko ang ebidensya na hindi lahat ay aayon sa gusto ko.

Napalunok ako habang nakatitig pa rin sa sanggol na ngumingiti-ngiti pa rin habang nakatunghay sa akin. Sa tuwing umaangat ang mga labi niya ay parang may lumalamutak sa sikmura ko. Sumisikdo ang dibdib ko kahit pa pilit kong nilalabanan na maapektuhan ng ngiti niya.

Noonbiglang bumukas ang pinto ng guest room. Gulat na napalingon ako. 

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon