MABILIS na lumipas ang mga linggo. Mas marami na rin ang nakakaalam ngayon na 'nagkabalikan' kami ni Danica kahit pa kung tutuusin ay hindi naman kami pornal na naging mag-on. Last year, pareho kaming may hidden motive. Ngayon naman ay ikinasal kami bago pa namin maranasan ang boyfriend-girlfriend relationship. Pero ayos lang, dahil parang ganoon din naman kami sa nakaraang mga linggo.
At hindi na ako natatakot aminin sa sarili ko na nahuhulog na talaga ang loob ko kay Danica. Mahal ko na nga yata siya. Pero hindi ibig sabihin ay magkasundong magkasundo kami. May mga araw pa rin na hindi kami nagkakasundo at nagkakasagutan pa nga. May mga pagkakataon na nag-ka-clash ang mga opinyon at gusto namin. Pero sa tingin ko ay habambuhay na iyong magiging bahagi ng araw-araw naming buhay. Strong-willed kasi si Danica lalo na kapag sa tingin niya siya ang tama. E ganoon din ako. May mga pagkakataon na sa tingin ko rin ako ang tama. Kapag ganoon ay isang gabi kaming hindi nag-uusap. Mahilig kasi siya huwag mamansin kapag nag-aaway kami. Silent treatment ang panlaban niya. Siyempre nagmamatigas din ako. Hanggang si Aling Yolly na ang mamamagitan sa amin.
"Kayong dalawa, hindi puwedeng palaging ganiyan. Mag-asawa na kayo. Pamilyado na. Dapat ninyong matutunan ang mag-compromise. Alam ko pareho pa kayong mga bata pero may anak na kayo. Dapat bilisan ninyo mag-mature. Ginusto niyo iyan eh."
Akalain mo iyon? Si Aling Yolly, alam ang salitang 'compromise'. Napapanood daw niya sa teleserye na libangan niya kapag naiiwan sa bahay. Sa huli ako rin ang talo palagi kapag may ayaw kami. Ako rin ang hindi nakakatiis at unang kakausap sa kaniya. Sa tuwing mangyayari iyon, mapapabuntong hininga si Danica, lalambot ang ekspresyon sa mukha at sasabihin sa akin na, "Ngayon alam na natin ang opinyon natin tungkol sa bagay na (kung ano man ang pinagtalunan namin). Huwag na tayong mag-away tungkol dito sa susunod, okay? Bati na tayo."
Okay na kami pagkatapos 'non.
At si Louise, mahal na mahal ko na siya. She's getting more and more adorable everyday. Kahit na gabi-gabi pa rin siyang namumuyat at ilang beses na ako ang pinagpalit ni Danica ng diaper, solved naman kapag ngumingiti at dumadaldal siya kapag nakikita ako. Nakakaalis ng pagod lalo at hectic sa school sa nakaraang mga linggo. Kasabay kasi ng preparasyon ng Foundation Week ang midterms. E ano kung kulang sa tulog? Saka na lang ako magpapahinga pagkatapos ng Dance Party. May dalawang araw kasing pahinga pagkatapos.
Hanggang sa dumating ang araw ng Dance Party. Dahil siyempre ay alam ni lolo ang tungkol doon ay may dumating na package sa bahay namin kahapon. Dalawang kahon ng mga pormal na kasuotan. Dress para kay Danica at suit naman para sa akin. Ang kulay ng tie ko ay kakulay ng dress niya. Halatang binili iyon para maging pareha.
Sa kuwarto namin nagbihis si Danica, kasama niya si Aling Yolly at Louise. Ako ay tinaboy niya at sa baba na lang daw magbihis. Mabilis akong nakapagbihis at hinintay na lang siyang bumaba.
Maya-maya ay may narinig na akong yabag na pababa ng hagdan. Si Aling Yolly na karga si Louise ang unang bumaba. Ngiting ngiti siya. Pagkababa niya ay itinuro niya ang hagdan kaya napatingala na naman ako. Siya namang pagbaba ni Danica.
Nahigit ko ang hininga at napatitig na lang sa kaniya. Simple pero maganda ang dress na suot niya pero bagay na bagay sa kaniya. Ang buhok niya ay nakapusod at may make-up siya. Sa normal na araw ay alam kong polbo at lipgloss lang ang gamit niya sa mukha niya. Pangatlong beses ko pa lang siya nakitang naka-make-up. Dance Party last year, noong ikinasal kami at ngayon. At katulad sa nakaraang dalawang beses ay hindi ko maalis ang pagkakatitig sa kaniya. Alam ko naman na maganda talaga siya kahit hindi siya nakaayos. But today she's exceptionally pretty.
Huminto siya sa harap ko at ngumiti. "Mukhang gusto mo ang hitsura ko ngayon. Hindi ka kumukurap," biro niya.
Tumikhim ako, kumurap. Saka ngumiti. "Well..." Tumikhim ulit ako dahil hindi ko alam kung paano isasatinig ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Ayokong sabihin sa kaniya na maganda siya. Dahil hindi lang pisikal na anyo niya ang dahilan kung bakit may init na humahaplos sa dibdib ko habang nakatingin ako sa kaniya. Hindi ganoon kababaw ang nararamdaman ko para kay Danica. Kung ganoon ano ang dapat kong sabihin? What words to express how overwhelmed I am this past months since I've been with her?
"Hindi pa ba kayo lalakad? Baka ma-late kayo," basag ni Aling Yolly sa katahimikan.
Tumikhim ako at si Danica ay nagbaba ng tingin na parang nahiya. "Sige po, aalis na kami."
Inilahad ko ang kamay sa harap ni Danica. Nang mag-angat siya ng mukha ay ngumiti ako at inabot ang kamay niya. "Let's go and make this night a college moment we will never forget."
Matamis na ngumiti siya at tumango. Pagkatapos ay pinisil niya ang kamay ko at hinatak palapit kay Aling Yolly. Hinalikan niya si Louise. Iyon din ang ginawa ko. Saka kami umalis papunta sa venue ng Dance Party.
ALAM ko na sa gabing iyon opisyal na kaming 'nagkabalikan' sa mata ng lahat ng estudyanteng nakakita sa amin. Hindi kasi kami naghihiwalay ni Danica. Wala akong balak humiwalay. Palagi kong sinisiguro na hawak ko ang kamay niya. Mahirap na, baka sumulpot na naman si Eugine katulad noong nakaraang taon at magkaloko-loko na naman ang gabing iyon. Kaya lang dahil Student Government official ako ay may lumapit sa aking committee member. May maliit na problema na kailangan ko ayusin. Kaya kahit ayoko ay napilitan akong bitawan ang kamay.
Nangako ako sa kaniya na sandali lang ako mawawala at aayusin ng mabilis ang kung ano mang gusot na kailangan kong ayusin. Pero ang gagawin pala naming mga opisyales ay makikipagkilala sa ilang alumnus na sponsor ng event na special guest din sa gabing iyon. Pasimple ko na lang tinext si Armi para masamahan si Danica habang wala ako.
Pagkalipas ng isang oras, saka lang ako nakatakas sa pakikipag-socialize sa alumnus ng Richdale University. Nagmamadali akong bumalik sa dance floor para hanapin si Danica. At katulad ng dati, na para bang may GPS akong ikinabit sa kaniya, nakita ko agad siya kahit na maraming tao sa paligid. Napangiti ako nang makitang nakikipag-usap siya kila Armi at napapangiti pa sa kung anong sinasabi ng mga kaibigan ko. At least, mukhang kasundo naman niya ang barkada ko na hindi niya personal na nakilala dati.
Nakangiti na akong naglalakad nang biglang may kumapit sa braso ko. Gulat na napalingon ako at napahinto sa paglalakad. Si Sabrina.
"Thorne, hindi mo pa ako naisasayaw," malambing na sabi niya sa akin na lalo pang idinikit ang katawan sa tagiliran ko.
"Sorry. May date ako."
Nakita kong bumalasik ang ekspresyon niya pero agad din iyong napalit nang lumabi siya. Sa sobrang bilis ng pagpapalit ng ekspresyon niya ay duda ako kung tama ba ako ng nakita o hindi. "Porke't may date ka hindi ka na puwedeng makipagsayaw sa iba? Hindi mo na nga ako naisayaw last year dahil bigla kang umalis eh. Dance with me. For old time's sake?"
Tumaas ang mga kilay ko. Ah. Si Sabrina talaga. Hindi pa rin nagbabago. Matagal na kaming hiwalay pero kahit na alam niyang may bago akong dine-date, ginagamit niya ang 'old time's sake' bilang code para sa ibang bagay. It means she wanted to 'play'.
Ngayong naiisip ko na maraming beses akong pumayag sa 'old time's sake' ni Sabrina kahit na may dinedate akong iba, parang babaligtad ang sikmura ko. Paano ko nagawa iyon? Hindi ko maatim na ulitin ang dati kong ginagawa. Lalo na ngayon na mayroon na akong Danica at Louise sa buhay ko. I smiled politely. Marahan kong kinalas ang mga kamay niya mula sa pagkakakapit sa braso ko at humakbang ako palayo kay Sabrina.
"I don't play around anymore."
Lumaki ang mga mata niya. "What? Ang bata pa natin pero masyado ka ng seryoso sa isang babae? Oh, come on, Thorne, I don't believe you! Hindi ba pareho tayo ng motto sa buhay? We are young, we should explore and have fun! Simula nang makilala mo ang babaeng iyon naging seryoso ka na. Naging corny!"
Himbis na ma-offend ako ay natawa pa ako. Lalo tuloy bumakas ang pagkayamot sa mukha niya. Nakangiti akong umiling. "Sabrina, I know we're young. Pero iyon mismo ang dahilan kaya hindi natin dapat ginagawa ang palagi nating ginagawa dati. Alam ko na ngayon na may oras para sa lahat ng bagay. Even our kind of 'fun'."
I learned that the hard way. Pero siyempre ay hindi ko sasabihin sa kaniya iyon. Kaya magaan ko na lang tinapik ang braso niya at tumango. "Sige, mauna na ako. Enjoy the night." Saka ako naglakad papunta kay Danica. Na nakatingin pala sa amin. Pero hindi naman siya galit. Nakakunot noo lang. Malapit na ako sa kaniya nang marealize ko na hindi siya sa akin nakatingin. Lampas sa balikat ko. Kaya takang lumingon din ako. Nakita ko si Sabrina na hindi pa rin umaalis sa kung saan ko siya iniwan. Mukhang galit at may bayolenteng kislap sa mga mata habang nakatingin... kay Danica.
Kumabog ang kaba sa dibdib ko. Nang mapunta sa akin ang tingin ni Sabrina ay bigla siyang tumalikod at naglakad palayo. Pero ang ekspresyong iyon sa mukha niya, ang kislap sa mga mata niyang noon ko lang nakita, hindi ko yata makakalimutan. She looks like she was about to do something horrible.
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...