ALAS SINGKO pa lang ng hapon at balak kong gumimik kasama ang barkada nang tumawag sa akin si lolo. Nagulat ako dahil bihirang tumawag sa akin ang lolo ko. Isa o dalawang beses lang sa isang taon. At palagi ay tumatawag lang siya kapag may nagawa akong hindi niya nagustuhan at gusto akong sermunan at takutin na ifi-freeze ang credit cards ko. Ngayon ay wala naman akong natatandaang ginawa na pwedeng maging dahilan para tawagan ako ni lolo. Kaya nakakunot ang noo ko nang sagutin ko ang tawag niya.
"Where are you?" Lalo akong nagtaka dahil seryoso at walang pasakalye si lolo. Shit, ano ba talaga ang nagawa ko?
"Katatapos lang po ng klase ko, lolo. May lakad kami nila Armi."
"Cancel that. Gusto kong umuwi ka ngayon mismo. May kailangan tayong pag-usapan."
"Ano pong pag-uusapa—Lolo? Hello?" Manghang napatitig na lang ako sa cellphone ko dahil pinutol na ni lolo ang tawag. Hindi na ako binigyan ng pagkakataong makatanggi sa gusto niyang mangyari. Masamang pangitain.
"Ano, Thorne? Aalis na ba tayo?" tanong ni Jasper.
Napangiwi ako at marahas na napabuga ng hangin. "Hindi ako makakasama. Pinapauwi ako ni lolo. May pag-uusapan daw kami."
"May ginawa ka na naman bang ikagagalit niya?" takang tanong naman ni Armi.
"Hindi ko alam. Pero kailangan kong umuwi. Mahirap nang magalit siya sa akin. Sa susunod na lang ako sasama sa gimik natin. Mauna na ako sa inyo."
Hanggang sa nagmamaneho na ako pabalik sa bahay ay iniisip ko pa rin ang dahilan ng seryosong tono ni lolo noong tumawag siya sa akin. Pagpasok ng kotse ko sa loob ng gate ng bahay namin ay napansin ko ang hindi pamilyar na sasakyang nakaparada. Patunay na mayroong bisita sa bahay. May kinalaman ba ang kung sino mang dumating kaya ako pinauwi ni lolo?
"Lolo? I'm home!"
Walang sumagot. Umakyat ako sa ikalawang palapag ng bahay at lumiko sa right wing kung nasaan ang library at opisina ni lolo kapag nag-uuwi siya ng trabaho. Nakabukas ang pinto ng opisina niya at may naririnig akong mga boses mula roon pero hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila. Naglakad ako palapit sa pinto.
"Hindi kami papayag na maagrabyado. Aba, sampung buwan kaming nagdusa sa kahihiyan dahil sa anak ninyo!" sigaw ng kung sino sa loob.
"Hindi lang anak namin ang may kasalanan kaya huwag kayong magsalita ng ganyan. Isa pa ay hindi pa rin ako kumbinsido sa mga sinasabi ninyo," galit namang sabi ni mama.
Parang may sumipa sa sikmura ko dahil hindi maganda sa pandinig ko ang takbo ng usapan sa loob. Lalo at pati si mama ay naroon. Hindi ko na tuloy inabalang kumatok pa para ipaalam ang presensiya ko. Mabilis ko nang binuksan ang pinto. At isang mukha ang una kong nakita.
Nagitla ako at napako sa kinatatayuan nang masalubong ko ng tingin ang mga mata ng huling babaeng gusto kong makita. Si Danica Solomon. Nasa loob ng bahay namin! Hanggang balikat na ang dati ay mahaba niyang buhok. Tanned ang kulay ng balat na dati ay maputi. Na para bang kung nasaan man siya sa nakaraang mga buwan ay mainit doon. O siguro malapit sa dagat.
Anong ginagawa niya roon? At bakit siya pa ang may ganang tingnan ako ng matalim? Sa sarili kong pamamahay? Ha!
Kung hindi lang siguro matalim palagi tumingin ang mga mata niyang pinaresan ng makakapal at mahabang pilik-mata at kung hindi lang palaging nakatiim ang hugis puso at mapula niyang mga labi ay masasabi kong maganda siya.
"Mabuti naman at nandito ka na, Thorne. Sit down and let's talk."
Napalingon ako kay lolo nang marinig ang boses niya. Pagkakita ko pa lang sa seryoso at halos galit niyang mukha ay nasiguro ko na hindi maganda ang dahilan kung bakit naroon si Danica. Lalo na nang masiguro kong naroon ang mama at papa ko. Si mama ay namumutla. Si papa ay bakas ang disgusto at pagkadismaya sa mukha.
Paglingon ko sa katapat na mahabang couch ay may nakaupo roong matandang lalaki at babaeng mukhang nasa late thirties pa lang ang edad. Maganda ang postura ng dalawa pero may kung ano sa ekspresyon nila na hindi kaaya-aya. At kung pagbabasehan ko ang pagkakakapit ng babae sa braso ng matandang lalaki ay mukhang may relasyon ang dalawa.
"Ikaw na lalaki ka!" galit na sigaw ng matandang lalaki na napatayo pa at dinuro ako. Napaatras ako sa pagkabigla. Dahil bakit siya nagagalit sa akin ng ganoon? Magtatanong pa lang ako pero nagpatuloy na siya sa pagsasalita. "Akala mo makakatakas ka sa responsibilidad mo sa anak ko? Na hindi namin siya mapipilit na sabihin sa amin kung sino ang nakadisgrasya sa kaniya? Puwes nagkakamali ka! Papanindigan mo ang anak ko kahit na anong mangyari. Hindi ka puwedeng mambuntis ng babae at iiwan pagkatapos."
Nanlaki ang mga mata ko at sandaling hindi nakahuma. Para akong nabingi na hindi ko mawari habang pinoproseso ko sa isip ang mga sinabi niya. Pagkatapos ay marahas akong napalingon uli kay Danica. Huminto yata sa pagtibok ang puso ko dahil noon ko lang napansin na may kipkip siya sa mga braso niya.
Isang maliit na sanggol. Tulog at nakasiksik sa dibdib ni Danica. Pakiramdam ko binuhusan ako ng nagyeyelong tubig habang nakatingin sa kanila.
"Thorne," untag ng lolo ko sa tono na ginagamit lang niya kapag nag-uutos sa mga tauhan niya. "They are claiming that she was your girlfriend. At na anak mo ang batang karga niya. Gusto nilang panindigan mo ang mag-ina mo. Ako man ay hindi papayag na makatakas ka sa responsibilidad kapag napatunayan kong anak mo talaga ang bata. Hindi ako papayag na masira ang magandang reputasyon ng pamilya Alonso dahil may bastarda ka."
"Dad! Paano ka naniniwala sa mga sinasabi nila na hindi man lang hinihingi ang panig ni Thorne? They might be lying for all you know!" reklamo ng mama ko.
"Handa akong ipa-DNA test ang anak ko," matatag na sabad ni Danica. Sinalubong pa niya ng tingin ang mga mata ko. Naroon ang kislap ng paghamon sa mga mata niya na sa lahat ng naging babae na nakarelasyon ko ay sa kaniya ko lang nakita. Bukod doon ay mayroon pang ekspresyon sa mga mata niya na noon ko pa napansin. Iyong ekspresyon na hindi dapat mayroon ang isang babaeng kaedad ni Danica. Mukhang pagkatapang-tapang, parating galit tingnan pero may kaunting lumbay sa mga mata na hindi ko alam ang dahilan. Dati ay challenge siya para sa akin dahil doon.
"Alam mo na hindi ako sinungaling. At kung ako lang ang masusunod ay ayoko nang magkaroon ng koneksiyon sa iyo, Thorne Alonso. Pero anak mo ang batang ito."
"Very well. Magpapa-DNA test si Thorne at ang bata," pinal na sabi ni lolo.
Kahit na nagprotesta ang mama at papa ko ay hindi nabago ang desisyon ni lolo. Ang mga magulang ni Danica ay napansin kong nagpalitan ng tingin. Halatang natuwa sa kinahantungan ng usapan. Si Danica ay yumuko pero nakita kong mariing nakatiim ang mga labi niya. At para bang sinasadya ay umingit ang bata, hanggang magising at tuluyang umiyak.
Nakaramdam ako ng panghihina. Marahas akong napailing dahil ayokong maniwala sa mga sinasabi ni Danica. Imposibleng nabuntis ko siya. Isang beses lang may nangyari sa amin na disaster pa nga. Hindi pwedeng ang perpekto kong buhay ay bigla na lang magulo ng isang babae at isang sanggol.
This can't be happening.
~ Please vote, comment and share! Thank you. :)
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Novela JuvenilTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...