Chapter 9

335 6 0
                                    

NAALIPUNGATAN ako sa tunog ng cellphone. May tumatawag sa akin pero komportable pa ako sa pagkakahiga at pagkakapikit kaya ayoko pa kumilos. Ang sarap pa matulog. Pero hindi tumitigil ang tunog. Napaungol ako at bantulot na niluwagan ang pagkakayakap ko sa unan – na bigla ring gumalaw. Nawala ang agiw sa utak ko at napadilat. Sumikdo ang dibdib ko nang mukha ni Danica ang una kong nakita. Ilang pulgada lang ang layo mula sa mukha ko. Hindi pala unan ang yakap ko kung hindi siya! At kung kagabi ay nasa magkabilang gilid kami ng kama ngayon ay nasa gitna na kami. Magkalingkis pa ang mga binti.

Para akong napaso na mabilis na kumilos palayo kay Danica na mabuti na lang ay natutulog pa. Napabalikwas ako ng bangon saka mangha pa ring napatitig sa mukha niya. Paano kami naging ganoon kalapit sa isa't isa nang hindi ko namamalayan? Kung nauna siyang nagising sa akin baka galit at dakdak niya ang gigising sa akin at hindi tunog ng cellphone ko.

Ah. Oo nga pala. Ang cellphone. Tumigil na sa pagtunog. Hinablot koi yon mula sa bedside table kung saan ko ipinatong kagabi bago ako maligo. Si Armi pala ang tumatawag. At alas sais na ng umaga. Naalala ko na tuwing lunes ay magkakasama kaming nag-aalmusal na barkada ng ganoong oras dahil alas siyete 'y media ang pasok namin kapag ganoong araw. Full units kasi kami sa semester na iyon dahil sa huling semestre namin sa kolehiyo ay dedicated sa internship kaya may mga araw na ganoon kaaga ang una kong klase.

Tiningnan ko ulit si Danica na kumilos patihaya at mukhang malalim pa rin ang tulog. Napahugot ako ng malalim na paghinga. Tingnan mo nga naman, maamo ang mukha niya kapag tulog. Kung bakit ba naman kasi ang talas ng dila at masama makatingin kapag gising. Napailing ako saka inalis ang tingin sa kaniya. Mabilis ko lang pinadalhan ng text si Armi para sabihin male-late ako ng kaunti sa usapan namin ng barkada bago kumuha ng maisusuot at nagpunta sa banyo para maligo at magbihis. Ayoko na sa kuwarto magpalit ng damit at baka maabutan na naman ako ni Danica na nakahubad. Magsisigaw na naman.

Tulog pa rin siya nang bumaba ako sa first floor dala na ang bag ko at susi ng kotse ko. Nagulat ako na gising na si Aling Yolly at nagluluto na. Napalingon siya sa akin. "Gising ka na pala. Gigisingin na sana kita kanina dahil tunog ng tunog ang cellphone mo kahit dito sa baba dinig. Pero nagbago ang isip ko." At sa pagkagulat ko ay ngumisi si Aling Yolly. "Kunwari pa kayong dalawa na hindi magkasundo, magkayakap naman kayo matulog."

Muntik na ako madulas nang magkamali ako ng apak sa hagdan sa sinabi niya. Napakapit ako sa barandilya at pinanlakihan siya ng mga mata. "Wait, nakita mo kami?!"

Natawa siya. "Hindi niyo na-lock ang pinto. Gigisingin nga sana kita."

Napailing ako at nang mahamig ang sarili ay tuluyan nang bumaba ng hagdan. "Anyway, hindi kami magkayakap natulog, okay? Nagising na lang ako ng ganoon na. Hindi iyon sadya."

Nakakaloko lang siyang ngumiti na parang hindi naniniwala sa sinabi ko. Napailing na lang ako. "Aalis na ako."

"Hindi ka muna mag-aalmusal?"

"Sa labas ako kakain."

"Ang anak mo, hindi mo sisilipin?"

Napahinto ako sa akmang pagbubukas ng front door. Huminga ako ng malalim bago pumihit at naglakad pabalik. Nakabukas ang pinto ng silid na gamit ng sanggol at ni Aling Yolly. Sumilip ako. Mahimbing ang tulog niya. Nakanganga pa. Ang plano ko ay saglit lang sisilip at aalis na rin pero napatagal ang pagkakatitig ko sa baby. Ewan ko ba, ang hirap bawiin ng tingin. Para ngang gusto ko pang lapitan, hawakan at halikan. Pahakbang na ako palapit nang may marinig akong yabag mula sa itaas.

"O, Danica, gising ka na rin pala," boses iyon ni Aling Yolly.

Napaigtad ako at mabilis na lumabas ng kuwarto. Bago pa makababa sa hagdan si Danica ay nasa labas na ako ng bahay.

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon