MAHIRAP pormahan si Danica. Hindi lang dahil mahirap lapitan kung hindi mahirap matiyempuhan. Talo pa ang multo na biglang nawawala kapag nalingat ka. Kinabukasan pagkatapos kong makuha ang class schedule niya mula kay William, isang taon na ang nakararaan, ay hinanap ko na siya agad.
Pero sa tuwing pupunta ako sa building kung nasaan ang klase niya para abangan siya ay hindi ko naman siya makita. Napapatingin na nga sa akin ang ibang estudyante nang sa ikatlong araw ay umaaligid pa rin ako sa mga classroom ni Danica. Malamang napapansin na ng mga blockmate niya na may inaabangan ako. Ang iba naman ay siguro napapaisip kung ano ang ginagawa ko doon kahit na hindi naman ako Literature major. Sa totoo lang ay medyo naiinis na ako. Bakit ba ang hirap hanapin ng babaeng iyon?
Akmang aalis na ako dahil lunch time at napag-usapan namin ng barkada ko na magkikita sa paborito naming kainan nang matigilan ako. Nahagip ng tingin ko si Danica. Lumabas siya mula sa isang classroom at mabilis ang lakad, deretso ang tingin sa daan. Hindi lumilingon. Nag-iisa. Mukhang tama ang sabi ng mga kakilala ni William na kaunti lang ang kaibigan ni Danica. Well, at least mas madali ko siyang malalapitan at makakausap na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga kaibigan ko para i-entertain ang barkada niya kung mayroon siya 'non.
Ganoon kasi ang ginagawa ko kapag may pinopormahan akong babae. Para hindi naman isipin ng mga kaibigan ng babaeng iyon na binabalewala sila. Na hindi sila kaakit-akit. Para walang inggitan na nangyayari. Minsan na kasi akong napunta sa ganoong sitwasyon. First year college ako noon. Nagkagusto sa akin ang kaibigan ng babaeng dine-date ko. Nag-away silang dalawa at ako pa ang lumabas na may kasalanan kahit hindi naman ako nagpakita ng motibo sa kaibigan niya. Simula noon ay palagi ko nang kasama sila Armi, Jasper at William.
Pero ngayon ay solo flight ako. Nang makita kong palampas na sa kinatatayuan ko si Danica ay mabilis na akong kumilos para lumapit sa kaniya. "Hey," tawag ko sa atensiyon niya. Pero hindi niya binagalan ang paglalakad at parang hindi ako narinig. Nilakihan ko tuloy ang hakbang ko hanggang sa maiharang ko ang katawan ko sa harapan niya. Napahinto si Danica at gulat na napatingala sa akin. At katulad noong unang nagtagpo ang mga mata namin kahapon ay wala akong nakikitang rekognisyon sa mukha niya.
Namangha ako. Hindi talaga niya ako kilala? Kahit na tatlong taon na kaming nag-aaral sa isang University kung saan halos lahat ng estudyante ay kilala ako? Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon sa kaalamang iyon.
"May kailangan ka ba sa akin?" tanong ni Danica na nakakunot pa ang noo.
Hinamig ko ang sarili ko at inilabas ang aking charming smile. "Yes. Danica Solomon, may kailangan ako sa iyo."
Halatang nagulat siya. "Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
Ngumisi ako. "Mas nakakagulat na hindi mo ako kilala."
Napakurap siya at para bang noon lang naging aware sa paligid namin na iginala niya ang tingin sa paligid. Maging ako ay napasulyap din sa mga estudyanteng napahinto sa paglalakad at curious na nakatingin sa amin. Pero hindi katulad ni Danica na nagmukhang naiilang nang bawiin ang tingin ay lalo lang akong napangiti. Good. Magandang maramdaman niya na binibigyan ko siya ng special treatment. Hindi ba secret fantasy iyon ng mga babae? Ang mapunta lang sa kaniya ang atensiyon ng isang lalaki at masaksihan iyon ng marami? Palagi ko iyong ginagamit sa lahat ng mga naging girlfriend ko at palagi iyong umeepekto.
"Sino ka ba talaga at ano ang kailangan mo sa akin?" sikmat ni Danica.
Nabigla ako dahil ang pagkailang sa mukha niya ay napalitan ng inis. Pero binalewala ko ang reaksiyon niya at ngumiti. "Why don't we talk about it over coffee?"
Kumunot ang noo niya. "Busy ako. Humanap ka na lang ng ibang makakausap over coffee." At bago pa ako makapagsalita ay nilampasan na niya ako.
Manghang nanatili lang akong nakatayo roon. Napasunod lang ako ng tingin kay Danica nang marinig ko ang singhap mula sa mga babaeng nasa paligid at pangangantiyaw naman ng mga lalaki. Si Danica ay walang lingon-likod na nagpatuloy sa paglalakad. Masyado nang malayo para habulin na hindi ako magmumukhang tanga.
Nasaling ang ego ko sa hayagang pagtanggi niya sa pakikipaglapit ko. Iyon ang unang beses na may babaeng ganoon ang naging reaksiyon nang bigyan ko ng atensiyon.
May narinig akong malakas na tawanan mula sa di kalayuan. Nang lumingon ako ay nakita ko sina Jasper, William at Armi na naglalakad palapit sa akin. Tumatawa pa rin.
"Hindi tumalab sa kaniya ang karisma mo. Kung nakikita mo lang ang ekspresyon mo ngayon, Thorne. Priceless," natatawa pa ring kantiyaw ni Armi.
"Shit. Nanonood kayo?" gigil na tanong ko.
"Mula pa kaninang inaabangan mo siya," natatawa ring sagot ni Jasper.
Uminit ang mukha ko. At dahil maputi ako ay siguradong nakikita nila ang pamumula ko. Patunay niyon ang lalong paglakas ng tawa ng mga kaibigan ko. Nainis na ako. "Stop laughing! Hindi pa tapos ang lahat. Nagsisimula pa lang ako. Sa simula lang siya ganiyan."
Alam ko na sinasabi ko lang ang mga iyon dahil napahiya ako at nasaling ang pride ko. Hindi ko lang magawang aminin sa kanila na may palagay akong hindi magiging madali ang pagsuyo kay Danica Solomon. Sa ilang beses na nagtama ang mga paningin namin ay nakita ko agad na mataas ang depensa niya laban sa mga taong nagtatangkang lumapit sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit at binubulong ng isang bahagi ng isip ko na mas makabubuting huwag ko na alamin ang dahilan kung ayaw kong maging komplikado ang buhay ko.
Pero hindi rin ako ang tipo ng taong umaatras sa nasabi ko na. I am not the type of person who runs away from a challenge. Kaya hindi ako titigil hangga't hindi napapalapit kay Danica.
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...