Chapter 8

328 6 0
                                    

AWKWARD. Iyon ang suma-total ng unang gabi namin sa bagong bahay. Nagluto si Aling Yolly ng tanghalian at hapunan. Halos hindi kami nakakain ni Danica at hindi nag-usap. Maghapon na nasa loob lang din siya ng nursery room kasama ang baby at ang may-edad na babae.

Kaya ako, mukhang tanga lang maghapon. Bored. Hindi alam kung ano ang gagawin at hindi rin makaalis dahil baka magsumbong si Aling Yolly kay lolo. Bukas pa ako may pasok sa school. At kapag naiisip ko na isang linggo na lang akong maaaring magpunta sa Richdale University na mag-isa at walang alalahanin ay lalo lang ako nabubugnot.

Pagsapit ng gabi, nang wala na talagang choice kung hindi ang matulog ay nauna na akong umakyat sa second floor. Bahala na si Danica kung anong oras siya aakyat.

Nagdesisyon akong maligo muna. Ang banyo dito ay hindi katulad sa bahay ng pamilya namin na mayroon kada silid. Dito isa lang ang banyo sa itaas at isa sa baba. Ang banyo sa taas ay nasa labas ng nag-iisang kuwarto. Well, at least may shower. Wala nga lang bathtub na katulad ng nakasanayan ko. Hindi siguro kasya dahil maliit lang ang banyo.

Tinagalan ko ang paliligo habang pilit iniisip kung paano ko matatagalan ang buhay na mayroon na ako ngayon. At kung ano ang mangyayari kapag sumabog ang balita sa buong campus at malaman ng lahat ng nakakakilala sa akin na nagpakasal ako at may anak na. Sira ang magandang reputasyong inalagaan ko ng ilang taon. Hindi ko maatim isipin ang kahihiyan kapag kahit saan ako magpunta ay mapupukol ako ng dismayado at mapanghusgang tingin. Sakal na nga ang pakiramdam ko sa bahay, ganoon din ba ang mararamdaman ko kapag nasa university campus ako?

Nang sandaling matapos akong maligo ay nakapagdesisyon ako. Ang campus na lang ang santuwaryo ko. Hindi ako papayag na maging ang college life ko ay magulo.

Pinatay ko ang shower at humablot ng tuwalya. Pagkatapos kong punasan ang katawan ko ay ipinulupot ko iyon sa baywang ko. Saka ako lumabas ng banyo at inilang hakbang naman ang pinto ng kuwarto. Binuksan ko iyon. At nasalubong ng gulat na tili ni Danica na hinablot ang kumot sa kama at itinakip sa kanyang harapan. Dahil nagulat din akong makita siya roon ay ilang segundo bago rumehistro sa isip ko na... nakahubad siya.

"Labas! Lumabas ka!" tili ni Danica na nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa akin. Nahuli ko nang bumaba ang tingin niya sa katawan ko bago muling ibinalik sa mukha ko ang tingin. Noon ko naalala na nakatapis nga lang pala ako ng tuwalya. Pero hindi katulad niya ay wala akong nararamdamang hiya sa katawan ko. Why? Because I have nothing to be ashamed of. Alaga ko yata sa regular na swimming ang katawan ko.

Nahamig ko ang sarili ko at namaywang. "Bakit ako lalabas, kuwarto ko rin ito?"

Umawang ang mga labi ni Danica at humigpit ang pagkakakipkip sa kumot. "Don't be a jerk. Magbibihis ako, lumabas ka!" Pulang pula na ang mukha niya.

Kung alam lang ni Danica na lalo lang akong nate-tempt inisin siya kapag namumula ng ganoon ang mukha niya.

Kaya himbis na lumabas ay kaswal akong naglakad papasok ng tuluyan. Lumapit ako sa kinatatayuan niya dahil nasa tabi niya ang cabinet. Hilakbot na umatras siya hanggang sa mapasandal na siya sa pader na kadikit ng kama. Tinaasan ko lang siya ng mga kilay kahit sa totoo lang ay gusto ko na mapahalakhak sa reaksiyon niya. "Relax. Wala akong gagawin sa iyo. You don't arouse me." Pagkatapos ay pinasadahan ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa upang ipakita sa kaniya na talagang hindi ako apektado.

Pero naumid ang dila ko nang mapagmasdan siya ng tuluyan. Mula sa mga balikat niyang hindi natatakpan ng kumot, sa malulusog niyang dibdib, pababa sa makurba niyang katawan na kahit mas malaman na kaysa noon ay hindi ko alam kung bakit sa tingin ko ay mas bagay sa kaniya. Napalunok ako. Lalo at bigla kong naalala ang nag-iisang gabing may nangyari sa amin. Sure it had a disastrous ending. But the start of that night was the hottest memory of my college life.

"Stop staring!" singhal ni Danica.

Napakurap ako at marahas na nag-angat ng tingin. Umismid ako at bumaling na lang sa cabinet. "There's nothing worthy to stare at anyway."

Suminghap si Danica na parang nainsulto pero hindi na ako bumaling sa kaniya. Naiinis ako sa sarili ko na napatitig ako sa kaniya ng matagal.

Hindi ako apektado. Hindi ako apektado. Iyon ang naglalaro sa isip ko habang humuhugot ng maisusuot para sa pagtulog. Sinuot ko ang puting t-shirt. Isusunod ko na sana ang boxer shorts ko nang mapansin kong sobrang tahimik na ni Danica. Nang tingnan ko siya ay nahuli kong nakatitig siya sa katawan ko, nanlalaki pa rin ang mga mata at nakaawang pa ang mga labi. Napangisi ako. "Stop staring," gaya ko sa sinabi niya kanina.

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon