HINDI pa yata ako nakakatulog ng matagal ay nagising ako ng biglang iyak ng sanggol. Gulat na napabalikwas ako ng bangon at disoriented na lumingon sa tabi ko. Gising na rin si Danica na bumangon at binuhat si Louise pero umiiyak pa rin ang sanggol.
"Bakit umiiyak?" inaantok kong tanong.
"Nagugutom," inaantok ding sagot niya. Pupungay-pungay pa ang mga mata nang itaas niya ang suot na blouse. Napangiwi ako at agad nag-iwas ng tingin. Tumahimik. Proof that she's already breastfeeding the baby. Hindi ko alam kung makakasanayan kong makita si Danica na nag-be-breastfeed. Humiga na lang ako ulit para matulog.
Pero palalim pa lang ang tulog ko ay umiiyak na naman ang baby. Hindi lang iyon. May naamoy din akong hindi kanais-nais. Amoy...
Napadilat ako at napalingon sa bahagi ng kama kung nasaan si Danica ang ang baby. Napabalikwas ako ng bangon. "Anong ginagawa mo?"
Ni hindi tumingin sa akin si Danica at ipinagpatuloy ang pagtatanggal ng diaper. Umalingasaw ang mabahong amoy at nakita ko na ang mabaho pala ay ang laman ng diaper. Nanlaki ang mga mata ko at napaalis sa kama. "She... she!"
Bumuntong hininga si Danica at tinapunan ako ng naiinis na tingin. "Pumupu siya. Normal sa baby at kahit sa tao ang dumumi, hindi ba? Huwag ka nga mag-react ng ganiyan." Saka niya inabot ang bulak sa bedside table, isinawsaw sa nakabukas ng tupperware ng tubig at sinimulang linisin si Louise na umiiyak pa rin at nagpapasag pa. Iyon pala ang purpose ng tubig. "Wait lang, baby. Lilinisan ka na ni nanay. Huwag ka nang umiyak," alo pa niya sa bata na umiiyak pa rin.
Natigilan ako dahil napansin kong nanginig ang boses ni Danica. Nawala ang antok ko kaya mas naging observant na ako. Napansin ko na kahit ang mga kamay niya habang nililinisan ang baby ay nanginginig din. Mukha siyang kabado.
"Natataranta ka," nasabi ko bago ko pa mapigilan.
Muli ay tinapunan niya ako ng sulyap. "Malamang. Ngayon lang naman ako nagkaanak. Hindi pa ako sanay. Lalo na kapag umiiyak siya ng ganito. Sinong hindi matataranta?"
May point siya. Ako nga ay hindi napigilan kargahin ang baby nang makita kong umiiyak na parang hindi na makahinga. Napalunok ako. "W-what can I do?"
Gulat na napatingin na naman sa akin si Danica. Hindi ba niya inaasahan na handa akong tumulong? Bago nagsalita ay inirolyo muna niya ang gamit na lampin, saka ipinatong sa kama. "Itapon mo na lang iyan sa basurahan sa banyo."
Napaluntok ako pero medyo nakahinga rin ng maluwag dahil humina na ang pag-iyak ng baby nang matanggal ang maruming diaper at ngayon ay nilalagyan na ni Danica ng bago. Humugot ako ng malalim na paghinga at kinuha ang pinapatapon niyang diaper. Dalawang daliri lang ang ginamit ko dahil kinikilabutan pa rin ako kapag naiisip ko kung ano ang laman niyon. Mabilis akong lumabas ng kuwarto at itinapon iyon sa banyo.
Pagbalik ko ay hindi na umiiyak ang baby. Paano ay nakasubsob na naman siya sa dibdib ng nanay niya. Dumedede habang patagilid na nakahiga si Danica. Tahimik na bumalik ako sa puwesto ko sa kama. Pahiga na ako nang mapansing nakapikit na si Danica, halatang inaantok pa talaga. Ni hindi nakapagkumot. Sandaling napatitig ako sa kaniya. Pagkatapos ay napabuntong hininga at hindi rin nakatiis na hindi siya kumutan. Saka ako humiga at bumalik sa pagtulog.
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...