KAHIT sa huling sandali, habang papasok ang kotse ko sa gate ng Richdale University ay may bahagi ng utak ko ang umaasa na walang makakapansin sa amin. Pero wala pa kami sa parking lot ay nakatingin na ang mga estudyante sa amin. At paghinto ng kotse ko sa parking lot ay namataan ko na agad si Sabrina at ang dalawa niyang kaibigan na naglalakad palapit sa amin mula sa kanan, nakataas ang mga kilay at maasim ang mga mukha. Habang sila Armi naman ay naglalakad palapit mula sa kaliwa, nakataas din ang mga kilay pero pagkamangha at pagtataka naman ang mga ekspresyon.
"Sinabi ko na sa iyo na hindi ito magandang ideya," ungol ni Danica.
Itiniim ko na lang ang bibig ko at pinatay ang makita ng kotse. "Too late. Ako na ang gagawa ng dahilan. Pumasok ka na lang." Nauna na akong bumaba ng kotse. Sumunod si Danica na hindi nililingon ang mga lumapit sa amin na tumalilis na palayo.
"Anong ibig sabihin nito, Thorne? Nagkabalikan ba kayo ng babaeng iyon at nakasakay siya sa kotse mo?!" sabi ni Sabrina nang makalapit sa akin.
"Bakit magkasama kayo ni Danica?" sabi naman ni Armi.
"Nadaanan ko lang siya kanina na naglalakad. Sinakay ko na," sabi ko sa pinakabalewalang tono na kaya ko. Naglakad na rin ako sa pagbabakasakaling hindi na nila ako susundan ng tanong.
"Ganon? Ikaw ba ang tipong nagsasakay ng isang taong nakita mong naglalakad? You never did that before Thorne!" manghang bulalas ni Jasper.
Napabuntong hininga ako. "I'm just returning a favor. Dahil sa kaniya kaya naipasa ko sa oras ang report ko noong biyernes."
"Isa pa iyan. Hindi ako kumbinsido na naiwan mo sa library ang report mo at nagkataong nakuha niya iyon. At hinatid pa sa classroom natin," litanya ni Sabrina. Iyon kasi ang senaryong sinabi ko sa kanila nang bumalik ako sa classroom pagkatapos naming mag-usap ni Danica noong biyernes.
"Umamin ka nga, nakipagbalikan ka ba sa kaniya? Hindi ba sabi mo hindi ka nakikipagbalikan sa ex mo na?" patuloy ni Sabrina.
Nainis na ako sa kakatanong niya. Marahas ko siyang nilingon. "Hindi kami nagkabalikan okay? Stop asking questions about her already. Nakukulili ako."
Mariing tumikom ang mga labi ni Sabrina. Halatang inis pa rin. Hindi ko na lamang iyon pinansin at nagpatuloy sa paglalakad. Mabuti pa ang mga kaibigan ko natunugan na ayokong pag-usapan ang tungkol kay Danica. Hindi sila umiimik kahit na alam kong mas marami silang gustong itanong. Mabuti naman. Dahil sa totoo lang ay nakakapagod magsinungaling. Lalo na sa mga kaibigan. Baka kapag nagtanong sila ay masabi ko ang totoo.
HINDI lang si Sabrina ang nakakita sa amin ni Danica at nagtanong kung nagkabalikan ba kami. Halos lahat ng makasalubong ko na ex-girlfriend ko iyon ang tanong. Lahat din may pahaging na, "Hindi ba may rule ka na hindi ka nakikipagbalikan sa ex mo na?" Ang iba nakataas ang kilay. Ang iba naman ay parang tuwang tuwa pa at hayagan siyang binubuska na kinain ko daw ang mga sinabi ko. Kalahating araw pa lang, pikon na pikon na ako.
Akala ko ay ang makantiyawan ng mga ex ko ang tanging sisira sa mood ko sa araw na iyon. Hanggang sa dumating ang tanghali at nagkaayaan ang barkada na kumain ng lunch. Papasok kami sa Strawberry Kiss nang mahagip kong naglalakad sa di kalayuan si Danica. Napahinto ako sa paglalakad nang makita kong may kaagapay siya at masaya pa silang nag-uusap. Si Eugine.
Magkasama na naman sila? At kung magtawanan ay parang hindi isang taong nawala sa school si Danica. Na parang hindi sila nawalan ng komunikasyon. Teka lang. Paano kung talagang sa loob ng isang taon ay may contact pa rin sila sa isa't isa? Paano kung may alam si Eugine tungkol kay Danica na hindi ko alam? Mapait sa panlasa ko ang isiping iyon. Parang gusto kong lumapit sa kanila at pumagitna para magkaroon naman ng espasyo sa pagitan nila habang naglalakad. Masyado kasing magkadikit.
"Thorne, ano pang ginagawa mo diyan? Tara nang kumain!" biglang tawag ni Jasper sa akin.
Napakurap ako at binaling ang tingin sa mga kaibigan ko na nakataas na naman ang mga kilay habang nakatingin sa akin. Lumapit ako sa kanila. "Ano na naman?"
"Ang sama ng tingin mo sa kanila. Ano ba talagang score sa pagitan ninyo ni Danica at mula nang sumulpot siya ulit ay may naiba na sa iyo?" tanong ni Armi.
"Walang naiba sa akin, okay? At kung mayroon man wala siyang kinalaman doon," sikmat ko at nagpatiuna sa pagpasok sa restaurant.
"Para kasing nauulit iyong nangyari last year, Thorne. Lalo at palapit na naman ang Foundation week natin. Na ibig sabihin ay malapit na naman ang Dance Party. Tapos bigla ulit siya sumulpot kaya siyempre hindi namin maiwasang maalala ang nangyari noon," sabi ni William nang nakapuwesto na kami sa regular naming lamesa na katabi ng glass wall.
Mariin kong itinikom ang bibig dahil pinaalala nila sa akin ang nangyari noong nakaraang taon. I hate last year's Dance Party. Napasulyap ako sa labas ng Strawberry Kiss. Tiyempo namang napadaan sa mismong tapat ng lamesa namin si Danica at Eugine. Natuon ang tingin ko sa mukha ni Danica na maaliwalas at may tunay na ngiti pa sa mga labi. Mula nang magkita kami ulit ay hindi pa niya ako nginitian ng ganoon.
Bigla siyang napasulyap sa loob ng Strawberry Kiss, derekta sa pwesto namin. Nagtama ang mga paningin namin. Napaderetso ako ng upo. Pero siya ay ni hindi nagbago ang ekspresyon. Ni walang rekognisyon ang mga mata at balewalang binawi ang tingin. Hanggang sa tuluyan na silang nakalampas na napasunod na lang ako ng tingin sa papalayong likuran nila.
Lalong nasira ang araw ko.
1+\OgZL
BINABASA MO ANG
CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)
Teen FictionTHORNE ALONSO Sabi nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayo...