Chapter 1 Part 1

2.1K 30 4
                                    

THORNE ALONSO

SABI nila wala daw perpekto sa mundo. Well, hindi pa siguro nila ako nakikilala kaya ganoon sila mag-isip. Walang halong kayabangan. Nagsasabi lang ng totoo. Kahit ako, minsan hindi makapaniwala kung gaano umaayon lahat sa akin ang takbo ng buhay ko.

Bukod sa walang maipipintas sa pisikal kong anyo ay mayaman ang pamilya namin. Mula ng ipanganak ako hanggang ngayon ay nakukuha ko ang lahat ng gusto ko. Shipping at Airline ang negosyo ng mga Alonso sa pamumuno ng lolo ko na si Arnold Alonso. Dalawa lang ang anak niya, ang tiyuhin ko at ang daddy ko na sa kasalukuyan ay nagpapaligsahan para maging susunod na CEO ng mga kompanya ni lolo.

Pero wala akong pakielam sa conflict ng kompanya sa ngayon dahil eighteen years old pa lang naman ako. Ilang buwan pa bago ang birthday ko at may isang taon pang bubunuin sa kolehiyo. Basta nabibili ko ang lahat ng gusto ko dahil sa credit cards na si lolo ang nagbabayad para sa akin at nag-e-enjoy ako sa college life ko, ayos na. Saka ko na iisipin ang mga seryosong bagay. Masyado pa akong bata para mamroblema. I prefer to have fun with my friends, flirt around with girls and enjoy my youth.

"Sir Thorne, handa na ho ang kotse niyo," tawag ng isa sa mga kasambahay mula sa labas ng kuwarto ko.

"Good. Bababa na ako," sagot ko na hindi inaalis ang tingin sa harap ng full length mirror. Pasipol-sipol kong sinipat sa huling pagkakataon ang suot ko bago nag-spray ng pabango at inayos ang pagkaka-style ng buhok ko. Napangiti ako nang makuntento sa ayos ko saka lumabas ng silid.

Naabutan ko sa ground floor ng bahay si mama na akmang paakyat sa ikalawang palapag. Siguro ay balak akong sunduin dahil ngumiti nang makita ako. "Hello, honey. Breakfast na tayo."

Mahal na mahal ako ng nanay ko. Noon pa mang bata ako ay spoiled talaga ako sa kaniya. Kilalang masungit at mapagmataas si mama sa social circle namin pero pagdating sa akin ay maamo at mapagmahal siya. Palibhasa nag-iisa akong anak. Not that I mind. Ibinibigay din sa akin ni mama ang lahat ng gusto ko. Cash, baby. Cash.

"Hindi na, 'Ma. Sa school na lang ako kakain. May restaurant doon na tambayan namin ng mga barkada ko. Bye." Mabilis ko siyang hinalikan sa pisngi bago nagmamadaling lumabas ng bahay. Nakahanda na nga ang BMW sports car ko na regalo ni lolo noong eighteenth birthday ko. Makintab na. Halatang bagong linis. Good. Sinisiguro ko na palaging malinis ang kotse ko. Lahat yata ng mga estudyante sa campus alam na akin ang kotse na iyon. Kadikit na iyon ng imahe ko kaya sinisiguro kong palagi iyong malinis.

Halos tatlumpung minuto ang biyahe mula sa exclusive subdivision namin papunta sa Richdale University kung saan ako nag-aaral. Isa iyong pribado at mamahaling unibersidad na halos pitong taon pa lamang mula nang maitayo. Ilang minuto lamang ang layo niyon sa Richdale Private High School kung saan naman ako nag-aral ng sekondarya. Iyong high school namin, iyon ang matagal na talaga. Paaralan ng mga anak mayaman. Dating boy's school na kailan lang naging coed. Leadership and Excellence ang motto dahil training ground ng mga tagapagmana ng mga negosyo ng pamilya. Halos lahat ng estudyante sa Richdale University ay galing din sa iisang high school kaya marami ang magkakakilala na. O mas tamang sabihin na halos lahat ay kilala ako. Kaya mahalaga ang imahe ko para sa akin.

Pagpasok ko pa lang sa higanteng gate ng Richdale University ay napansin ko nang nakatingin ang mga nagkalat na estudyante sa akin. Pagkahimpil ko sa parking lot at pagkabukas ng pinto ay nilapitan na agad ako ng mga barkada ko.

"You're late!" buska ni Jasper, tagapagmana ng isang electronic company. Barkada ko mula high school.

"Ilang minuto lang naman."

"Still, gutom na kami sa paghihintay sa iyo. Tara na sa resto bago ang first class natin." Si Armi iyon. Kababata ko. Kompadre ni papa ang tatay niyang may chain ng supermarket.

CHICKBOY [His Sweetest Mistake] By: Maricar Dizon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon