MAAGANG umalis si Kevin the next day. May meeting daw ito sa Moving Pictures ng alas-nuwebe. Nag-iwan lang ito ng note sa may ref. Na nabasa naman agad ni Maita. Para naman may magawa ay nagpasya si Maila na maglinis sa buong condo unit ng lalake at ipinagluto niya ito ng kaldereta. Nang matapos ang ginagawa ay pumasok na sa guest room si Maita. Nanood muna siya dun ng cable TV hanggang sa tuluyang makatulog. Nagising na lang siya nang makarinig ng katok sa labas ng pinto. Nakita niyang alas-sais na ng gabi sa wall clock. Madilim na sa labas ng bintana.
"Hi!" Nakangiti si Kevin sa labas ng pinto pagbukas ng dalaga. Muntik na niyang yakapin ang lalake- she was so glad to see him. Buong araw kasi siyang walang makausap sa condo.
"Hay salamat at nandito ka na," nakangiti niyang wika.
"For you," ani Kevin sabay abot ng isang maliit na box.
"Ano'to?" Nagulat si Maita, but at the same time ay bahagyang tumalon ang puso niya. May pasalubong siya mula sa lalake? "Teka, kumain ka na ba? May niluto ako diyan."
"Hindi pa kami kumakain. Halika, sabay-sabay na tayong mag-dinner." Tumalikod na si Kevin.
Kami? May kasama si Kevin? Ibinaba muna ng dalaga ang ibinigay sa kanya ng lalake saka mabilis na lumabas. Gusto niyang malaman kung sino ang sinasabi nitong kasama.
Isang babaeng naka-super ikling white shorts ang tumambad kay Maita sa sala ng condo. Nakapulang tube blouse ito, mahaba ang buhok na nakatali,may malaking earrings na puti. Maganda ito in a Mexican-telenobela kind of way- mestiza at sosyal ang dating.
Ano ba to, mukha na naman akong alipin sa gigilid kapag tumabi sa babaeng ito! Agad siyang nakaramdam ng hiya.
"Si Antonina," pakilala ni Kevin sa kasama. Nagse-set ng table ang lalake. "Nina, this is Maita, my childhood friend."
Bahagyang tumaas ang kilay ni Maita sa huling sinabi ni Kevin. Childhood friends ba sila? Pero ngumiti na lang siya saka tinulungan ang lalake sa pag-aayos ng dinner.
"Taga-Venezuela si Nina. May TV commercial siyang ginawa dito last year. Nagustuhan niya dito sa Pilipinas kaya nag-stay na muna dito."
"Ah talaga? So hindi siya Filipino," komento ni Maita. Nakaupo na silang tatlo ngayon sa dining table. Inalok niya ng kaldereta ang bisita.
Kumuha si Antonina ng isang pirasong karne na mas maliit pa sa posporo saka tatlong hiwa ng carrots at isang hiwa ng patatas. Napansin din niyang hindi naglagay ng rice ang babae sa pinggan nito.
Kaya pala ang liit ng beywang, isang dangkal lang yata ang sukat! Naisip tuloy ni Maita na mabuti na lang at hindi siya model tulad ng babae- kundi, baka mahilo siya sa gutom kapag nagkataon!
"Hindi siya Pinay. Maraming models dito sa Pilipinas na taga-Brazil, Venezuela, Argentina... mga taga-Latin America. Ewan ko ba, gusto nila dito," nakangiting pahayag ni Kevin.
"Sila yata kasi ang preferred ng mga kumpanya kasi imported," hindi napigilang wika ni Maita. "Napanood ko dati sa tv ang isang documentary tungkol sa mga foreigners na dito nakatira dahil mas maraming modeling jobs."
"Because we're hardworking. Di ba, Kevin?" sagot ni Antonina, na ikinagulat ni Maita. Natawa naman ang lalake sa reaction niya.
"Marunong na ng basic Tagalog si Nina! She speaks English and a littleTagalog," ani Kevin. "Ballet dancer din siya at swimmer."
"Nice!" Nakangiting pahayag ni Maita, pero sa loob-loob niya ay naiinis siya. Kung maka-build up naman kasi si Kevin sa kasamang babae, para bang si Antonina na ang pinakamagaling sa mundo at kandidata na para maging santo!
Hindi na kumibo pa ang dalaga. Hinayaan na lamang niyang magdaldal si Kevin habang nagpapa-cute si Antonina sa tabi nito. Very sweet pa ang dalawa kaya kinikilabutan tuloy siya. Hindi siya sanay sa mga nagpa-public display of affection- lalo pa at sa harap ng pagkain!
Pagkatapos kumain ay walang anumang pumasok sa kuwarto ni Kevin si Antonina. Magsa-shower daw ito. Lalong naeskandalo ang konserbatibong puso ni Maita. Gusto niyang sumbatan si Kevin pero hindi niya magawa. Ano ba naman ang karapatan niya?
Tila clueless naman si Kevin na affected si Maita sa presence ni Antonina sa condo nito. Pakanta-kanta pa ito habang tumutulong sa pagligpit sa kinainan nila. Nagpunas pa ito ng mesa. Ang lalake pa nga sana ang maghuhugas ng mga plato pero hindi pumayag ang dalaga.
"Ako na bahala dito. Asikasuhin mo na ang bisita mo, nakakahiya. Baka hinihintay ka." Lalo pa at katatapos lang mag-shower, gusto niyang idugtong. Bakit pakiramdam niya ay gusto niyang ibitin ng patiwarik si Antonina?
"Wala yun. Dito naman yun matutulog e," walang anumang sagot ni Kevin habang naglalagay ng tubig sa pitsel para sa ref.
Napa-Oh My God naman sa utak niya si Maita. At doon pa pala matutulog si Antonina! Magbabahay-bahayan ba ang Venezuelan at ang haliparot na lalake? Hindi na siya kumibo dahil lalo lang siyang nawiwindang sa mga naririnig. Nang magpaalam si Kevin na papasok na sa kuwarto ay ni hindi na niya ito tiningnan. Nagpa-goodnight na lang siya habang nakatingin sa dishwashing liquid.
Nang masigurong malinis at maayos na ang komedor ay pumasok na rin sa guest room ang dalaga. Ilang minuto pa siyang tumayo muna sa may bintana para magpalipas ng sandali. Nagkasya siyang pagmasdan ang mga ilaw ng ilang katabing buildings at mga sasakyan sa ibaba. Mayamaya ay binuksan niya ang box na ibinigay sa kanya ni Kevin. Cellphone ang laman niyon.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang makita kung ano ang brand ng cellphone. Isang Blackberry phone ang ibinigay sa kanya ni Kevin! Napanganga talaga siya at halos hindi makapaniwala! Alam niya kung gaano kamahal ang ganung cellphone dahil nakikita niya ang presyo sa mga malls. Maging sa Greenhills ay nakita niya rin ang presyo- kahit nga second hand ay napakamahal. Lalo na ang brand new!
Totoo ba ito? Feeling ni Maita ay nananaginip lang siya!
Halos manginig ang mga kamay niya habang hinahawakan ang cellphone. Binasa niya ang manual at inilagay ang kalakip na sim card. May call card ding kalakip yun, worth one thousand ang load! Gusto niyang maiyak sa tuwa dahil first time niyang magkaroon ng ganun kalaking load. Hanggang 100 pesos lang kasi ang pinakamalaking nailalagay niya lagi sa cellphone dahil nga nagtitipid siya.
Hindi napigilan ni Maita na malula sa ginagawa sa kanya ni Kevin- sobra-sobra na ang pagtulong nito sa kanya. Kaya kahit nainis siya na may kasama itong Venezuelan sa kuwarto nito, pinatawad na niya dahil sino ba ang magagalit sa taong matulungin na, thoughtful at galante pa?
BINABASA MO ANG
I'm Falling For You
ChickLitA romantic comedy about two people who were born to compete with each other but destined to fall for each other.