GROGGY pa si Kevin. Masakit ang ulo niya. Pakiramdam ng binata ay may hollow blocks na nakapatong sa ulo niya dahil mabigat iyun. Ayaw niyang bumangon pero kanina pa tumutunog ang door bell niya. It was just too annoying to ignore!
Pagtingin niya sa relo ay nakita niyang alas-tres ng madaling araw! Ibig sabihin ay isang oras pa lang siyang nakakatulog dahil alam niyang mag-aalas-dos na siya dumating galing sa party ng Moving Pictures- ang production company na kumuha sa kanya recently. Ni hindi na nga siya nakapag-shower or nagpalit man lang. Naghubad lang siya ng sapatos at polo, saka humiga sa kama.
Sino naman ang maghahanap sa akin ng alas tres ng madaling araw? Ang alam niya, wala sa mga kapatid niya o sa parents niya ang mangangahas na bisitahin siya ng dis-oras ng gabi o madaling araw-unless emergency. Sila lang naman ang may authority na makaakyat ng direkta sa condo unit niya. The rest of his visitors, kailangang dumaan sa receptionist.
Dahil baka nga miyembro ng pamilya niya ang nagdo-doorbell, napilitan siyang bumangon para buksan ang pinto.
"Sandali!" Kailangan pa niyang kumapit sa pader at sa mga nadadaanang upuan at mesa, para hindi matumba dahil hilung-hilo talaga siya!
Pagbukas niya ng pinto ay nakita niyang ang night guard ang naroroon.
"Sir, pasensya na po kayo kung naistorbo kayo. May naghahanap ho kasi sa inyo sa baba." Apologetic ang guard- obvious kasing naistorbo siya.
"Pamilya ko?" He tried his best not to be pissed.
"Hindi ho. Ngayon ko lang ho nakita. Importanteng-importante daw kasi. Babae."
"Sino?"Agad na pumasok sa utak ng binata na baka isa sa mga girlets niya! Kapag nagkataon, ipapa-ban niya talaga!
"Kababata niyo daw. Nagmamakaawa na makausap kayo. Matter of life and death daw."
"Sinong kababata ko?"
"Maita daw ho ang pangalan."
"Si Maita?" Kalaban niyang mortal ang babae. Lagi nyang kakumpetensiya sa school simula noong elementary. Ubod ng sungit at lagi siyang iniirapan. They were never friends! "Nasa ibaba si Maita?"
"Opo. Mugto ang mata, mukhang galing sa pag-iyak at nanginginig." Tumunog ang radyo ng guard. Nagtatanong ang receptionist sa baba kung ano ang gagawin kay Maita. Binalingan siya ng guard. "E sir, ano pong gagawin namin? Paaakyatin ho ba or paaalisin namin?"
Na-curious din si Kevin kung bakit siya pinuntahan ng babae. Kung totoong matter of life and death ang sitwasyon nito- of all people, bakit sa kanya ito tumakbo? Di kaya nagdadrama lang si Maita? After all- mga teenagers palang sila e drama queen na ang tingin niya sa babae! Porke mahirap e parang laging inaapi ang pakiramdam. At dahil siya ang may-kaya ay parang siya ang laging kontrabida. Ano ang pinagkaiba nila sa teleseryeng Mara Clara?
"Sige, paakyatin nyo."
He decided to give her a chance. Siguro naman in ten minutes ay masasabi na ng babae ang nangyari. Kung totoong nanganganib ito, e di tatawagsiya sa police station para pabigyan ng assistance si Maita. Alangan namang siya? Hindi naman siya pulis pangkalawakan!
"Sige po sir. Pasensya na po uli ha?" Agad na nagradyo ang guard sa ibaba para bigyan ng go-signal ang mga kasamahan. "Paakyatin nyo na raw yung Maita. Okay na daw sabi ni Sir Kevin."
Nagpaalam na ang guard. Magdo-doorbell na lang daw si Maita pagdating sa floor ni Kevin. Isinara na muna ng binata ang pinto saka nagtungo sa banyo. Naghilamos siya. Mukha siyang rakistang jologs. Kahit naman di niya kaibigan si Maita, bisita pa rin yun at babae. Kailangan magmukha naman siyang presentable kahit papano. Baka mamaya ay machismis pa siya sa bayan niya na mukhang dukha sa Maynila- himatayin pa ang mama niya!
BINABASA MO ANG
I'm Falling For You
Literatura FemininaA romantic comedy about two people who were born to compete with each other but destined to fall for each other.