Magaspang ang hagod ng hindi mapagpatawad na sahig sa likod ni Tala. Malamig at matigas. Mula sa itaas ng ay patay-sindi ang nag-iisang bumbilyang malapit nang mapundi. Masakit ito sa ulo kapag tiningnan ng matagal, ngunit wala siyang magawa kundi titigan na lamang ito. Kung sabagay, nakakakalma din naman ang epekto nito. Gaano man kadilim, may liwanag pa rin – kumikislap, nagpapaalala sa kanya ng pangalan niya. Napapaligiran ang malabong liwanag ng nilulumot na sementong kisame. Nagkulay berde na ito dulot ng kulay kalawang na tubig na paminsan-minsa'y nakakahanap ng paraang tumulo sa madungis niyang pisngi habang pagapang-gapang ito sa iba't ibang sulok ng kisame.
Kung sana'y may sapat siyang lakas upang gumalaw at umiwas, ngunit ni galawin nga lang ang kanyang mga paa ay hindi na niya magawa ng hindi namimilipit sa sakit. Kaya nga'y maski pa punong-puno na ang kanyang likod ng mga nakangangang sugat na hinog at babad na sa pinaghalong dugo at nana ay hindi niya magawang ihiwalay ito sa makamandag na halik ng malupit na sahig.
Saan nga ba siya lilipat kung magpalit man siya ng puwesto? Napakaliit ng seldang pinaglagakan sa kanya. Maski ngayong habang nakahiga ay maaabot na ng magkabilang hintuturo niya ang magkaharap na pader kung susubukan niya. Sa kanyang paanan ay ang inidoro – ang pinakamalinis na bagay sa loob ng kahong ito. Ilang beses na rin siyang natakam na tikman ang malinaw na tubig na laman nito dala ng sobrang pagkauhaw pero kahit ang tubig-kubetang ito'y hindi ligtas. Noong nakaraang linggo lamang ay natanaw niya ang babae mula sa kabilang selda. Nakita niya kung gaano kabagal at kasakit itong ninakawan ng buhay ilang segundo lang matapos itong humingi ng ilang lagok mula sa sarili nitong palikuran.
Sariwa pa ito sa alaala dahil sa sakit na idinulot ng pagtanaw na iyon nang ginalaw niya ang kanyang leeg para sumilip mula sa pagitan ng mga makikintab na rehas na bakal ilang pulgada lamang ang layo mula sa kanyang ulo. Tila isang panaginip siguro kung mabubuhay ang mga bakal na tubong ito, magsasayaw at magpapaligsahang daganan o di kaya'y tuhugin ang hapong-hapo na niyang katawan na handang-handa nang mamatay. Mabilis at walang sakit, yun ang plano.
Ah, kamatayan. Isang napakalayo nang alaala mula noong una silang magkakilala. Bata pa siya noon, pitong taong gulang, dalawampung taon nang nakakalipas.
—
"Estrella!" Nakapamewang si Aling Sonya habang nakatanaw mula sa bintana ng kanilang bahay. Hawak pa niya ang kanyang sandok mula sa iniwan niyang kumukulong Sinigang sa kusina. "Mag-iingat kayo sa paglalaro sa kalye at wag kang mag-papaabot ng dilim sa daan!"
"Opo Nanay!" sigaw ng bata pabalik sabay takbo palabas ng kanilang gate. Malawak ang kanilang bakuran, at kahit saan ka tumingin ay may mga bakal-bakal, kagamitan, at iba't ibang parte ng kotseng nakakalat. Sa bandang kanan ay may nakaparadang dyip, at sa ilalim naman nito'y tahimik na nagkukumpuni si Mang Tino, ang kanyang tatay. Saglit lamang itong sumilip upang pagbilinan ang kanyang anak. "Huwag mo rin kakalimutang isara ang ating gate at baka lumabas si Sugar."
"Opo Tatay!"
Espesyal ang araw na ito dahil sa wakas ay pitong taong gulang na siya. Sabi nga ni Mang Tino, dalagita ka na Tala kapag pitong taong gulang ka na.Pinakiramdaman niya ang sarili niya. Nakakapagtaka dahil wala naman siyang naramdamang pagbabago. Ang totoo nga'y pakiramdam niya'y anim na taon pa rin siya. Inaasahan pa man din sana niyang may kaunting dibdib na siya paggising, parang yung dibdib ni Ate Josie, ang taga-bantay ng bakery sa kabilang kanto, yung tipo ng dibdib na nilalagyan na ng bra. Pero hindi na muna iyon ang importante sa ngayon. Ang mahalaga'y maipakita na muna niya sa kanyang mga kalaro ang bago niyang tsinelas na ibinili sa kanya ni Aling Sonya kahapon. Puti ang tapakan nito habang pula naman ang pang-sipit. May mukha pa nga ito ni Ranger Red sa gitna. Siguradong kaiinggitan siya ng mga kalaro niya ngayon. Sa pagmamadali'y hindi niya napansin na nasundan na pala siya ng tuta nilang si Sugar palabas ng bahay bago pa niya maisara ang gate. Isang purong puting bola ng bulak na tinubuan ng paa ang tutang ito – bulak na nakatabon sa kanyang mga mata na marahil naging dahilan kaya hindi nito nakita ang kotseng parating.
Sakto lamang ang lingon ni Tala sa alagang aso para makita kung paano ito tinamaan ng puting taxi na suki ng tatay niya. Agad na nadungisan ng pula ang parehong puting katawan na bakal at laman. Kasing lambot nga ata ng bulak si Sugar, sa isip-isip ni Tala, dahil tila walang kahirap-hirap na napiga ang ulo nito ng kaliwang unahang gulong ng sasakyan. Hindi niya agad naintindihan na tuluyan nang natunaw si Sugar sa kumukulong dugo nito. Marahil dahil gumalaw pa naman ng ilang segundo ang mga paa ng naturingang asong bulak.
Nang tumigil na ang katawan nito sa pangingisay ay doon lamang ito nalapitan ni Tala. Bumaba si Mang Gustav sa kanyang taxi at dahan-dahang tinanggal ang nakasuot niyang itim na bonnet. "Pasensya ka na Tala, hindi ko talaga nakita si Sugar, hayaan mo bibigyan na lang kita ulit ng panibagong tuta. Gusto mo kahit dalawa pa eh, tutal birthday mo naman ngayon."
Hindi umimik ang bata at sa halip ay tinitigan na lamang niya ang pira-pirasong buto at mga pulang laman-laman na tila pinaghalong gulaman at porselanang bubog kung saan dapat naroon ang ulo ni Sugar. Pinagmasdan niya kung paano napaligiran ng naglalawang dugo ang bago niyang tsinelas, dugo na kakulay ni Ranger Red.
—
Naghilam ang kanang mata ni Tala. Natuluan ata ng kulay kalawang na tubig. Maingat niyang pinunasan ang kanyang mata gamit ang kanyang kanang kamay. Tinitigan niya ito – may bahid ng malalim na kulay. Hindi ba kulay ng mapusyaw na kalawang ang tubig na galing sa kisame? Patuloy na humapdi ang kanyang mata, ngayon, hindi lamang kanan kundi pati na rin ang kaliwa. Pinunasan niya ulit ang mga ito para lamang makasigurado. Tiningnan, inamoy, tinikman. Tama, hindi ito kulay kalawang, kundi lasang kalawang. Nanginig bigla ang kanyang paningin bago ito tuluyang nagdilim. Salamat, abot kamay ko na rin sa wakas ang kamatayan. Matapos ng ilang buwan, gumuhit muli ang ngiti sa mga labi ni Tala habang mula sa mga anino, may mga luha namang tumulo.

BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...