"Hindi mo ba ako kilala? Pagsisisihan mo ang ginagawa mo. You will pay for everything!"
Mukhang kagalang-galang ang lalake sa kanyang puti at bagong plantsang polo, itim na slacks, at makintab na itim na sapatos. Lahat rin ng mga palamuting nakakabit sa kanya'y nangingintab – ang kanyang gintong singsing, mamahaling relo, hanggang sa bakal ng pahang nakayakap sa mataba niyang bewang.
Sayang nga lang at namantsahan na at narungisan ang mga ito ng pinaghalo-halong tatlong pirasong ngipin, dugo, laway, at luha na pilit niyang sinasalo ng mga kamay niya habang nakaluhod sa gilid ng kanyang itim na kotse.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan ni David de Guzman (Dave sa kanyang mga pekeng kaibigan), kung bakit tumirik na lamang bigla sa gitna ng highway ang kanyang kotse samantalang full tank naman ito at kakasundo pa lamang niya nito sa kasa noong isang araw. Kung alam lang niyang mangyayari ito, eh di sana'y hindi na siya dumaan sa abandonadong lugar na ito.
Napakalayo pa ng pinakamalapit na bahay kaya wala ring kwenta kung sumigaw man siya. Napakaimposible namang makatakas siya sa pamamagitan ng pagtakbo. Sa bigat ng katawan niya ngayo'y sigurado siyang wala pang isang kilometro ay mamamatay na siya sa hingal – yun ay kung hindi siya maabutan matapos ng ilang hakbang dahil sa bagal ng pagkilos niya.
Isang himala rin kung may bigla na lamang dumating upang iligtas siya dahil sa dalang ng mga sasakyang napapadpad sa kalyeng ito na napapaligiran ng malawak na bukirin ng damo na kasing tangkad na halos ng isang tao. Kaya nga rin siya laging dumadaan dito ay dahil rin doon. Walang trapik kaya mabilis ang biyahe papasok ng trabaho at pauwi ng bahay.
"Aba, at pa-Ingles-ingles ka pa!" sabay sipa sa kanya ng mas nakababatang lalakeng puro itim ang kasuotan, balot na balot, at maski mata'y mahirap makita. "Huwag kang mag-alala, kilalang-kilala kita, at marunong din akong mag-Ingles. Let's see, David de Guzman, 41 years old, no wife and children, all friends are worthless fakes, hence even with all their power, they would never waste any effort, no matter how small, to find you."
Patuloy sa pag-ubo ng dugo si David. Nanlalabo man ang kanyang paningin sa pagtitig sa maliit na lawang pula na unti-unting lumalawak sa sementong palitada ng highway ay malinaw pa rin ang pagkakarinig at pagkakaintindi niya sa sinasabi ng lalaking kaharap niya. Buong akala pa naman niya'y iginilid nito ang kanyang motor upang tulungan siya sa pagtirik ng kotse niya pero sa halip ay bigla na lamang siya nitong sinuntok sa mukha ng sunod-sunod hanggang sa mapaluhod na lamang siya at matanggalan na ng mga ngipin.
"Ano ba ang kailangan mo sa'kin? Pera?"
Napakakagat–labi na lamang ang mas nakababatang lalake. Yun na lamang ang nagawa niya upang pigilan ang sariling patayin agad si David. Nakakatawa talaga ang mga mayayaman mag-isip. Saktan mo lamang ng kaunti at ang una nilang iisipin ay pagnanakawan mo sila.
"Hindi pera ang kailangan ko. Sa katunayan ay may gusto lang sana akong ibalik sa'yo."
Tumingala si David at napakurap ng ilang beses habang tinititigan ang kuwintas na hawak-hawak ng lalaking nakaitim. Simple lamang ito. May isang asul na batong nakatuhog sa itim na sinulid. Ibabalik ba kamo?
"Hindi sa'kin yan. Tingnan mo nga yang hawak mo. Mukha ba akong magsusuot ng bato at tansi? Nagpapatawa ka ba?"

BINABASA MO ANG
Sinag
Fiksi IlmiahSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...