Kabanata 5: Araw at Gabi

22 1 0
                                    


Tinanggal na ni Sinag ang kanyang maskarang itim. Napakainit talaga nito suotin, lalo na kapag nasa ilalim ng kanyang helmet, ngunit kailangan niya talaga itong tiisin, lalo na kung gusto niyang makasiguradong wala sa kanyang makakakilala at hindi mababahiran ng dugo ang kanyang mukha.

"Importanteng kapag may gagawin ka na may kinalaman sa espada nating si Tala, tatandaan mo anak na minsan may mga pagkakataon talagang hindi mo maiiwasan masaktan at makapanakit ng iba, at kapag nangyari iyon, hindi mo rin maiiwasan na mabahiran ka ng dugo." Halos naririnig pa niya ang kanyang ama habang nakaluhod ito sa kanyang likuran, ang mukha nito nakadikit sa kanyang kaliwang pisngi, at ang mga matitikas nitong bisig nakabalot sa kanyang mga balikat at braso habang tinuturuan siya nito kung paano ang tamang paraan ng paghawak ng espada.

"Ang iyong mukha, yan ang pangunahing tagapagdala ng iyong pagkakakilanlan, kaya sagrado yan. Huwag mong hahayaan na madungisan yan ng kahit anong marumi, lalo na ng maruming dugo." Inayos ni Silab ang kahoy na espadang hawak niya, sinisiguradong walang sosobrang hawakan sa dulo.

"Maruming dugo tatay?"

"Oo anak. Naaalala mo pa ba yung sinabi ko sa'yo noong isang araw? Huwag mong gagamitin ng walang pagmamahal ang espada natin. Kapag ginamit mo ito ng may pagmamahal, maski pa maging dahilan ito ng pagdugo ng ibang tao ay magiging malinis ang dugo nila. Kaya lang, kapag ginamit mo naman ito ng walang pagmamahal, maski pa sarili mong dugo ang bumahid diyan sa mukha mo, halimbawa nahiwa ka ng kalaban sa pisngi, eh magiging maruming dugo din yan." 

Tumayo na ngayon si Silab at humarap sa kanya. Hawak-hawak pa rin niya noon ang espada habang nakatingin sa kanyang ama, na mula sa paningin ng isang bata'y napakatangkad. Nakapamewang ito. Haay, idol talaga kita tatay.

"Naiintindihan mo ba anak?" tanong nito.

"Hindi po." Kaya nga ngayon palagi ko itong sinusuot kapag may misyon ako para sigurado.

Kulay itim at ginantsilyo, naipagawa niya ito sa isang babaeng nakilala niya sa isang tiangge. Nagbebenta noon ang babae ng mga sariling gawa nito, at napakiusap pa nga niya dito kung maari nitong ikabit sa bonnet niya ang frame ng salamin niya. "Para hindi na mahuhulog kapag suot ko yan habang nagmomotor, kasi nasa ilalim niyang parang ski mask yung mga tenga ko diba?" – rason niya nang tila magtaka ang babae sa pinapagawa niya rito. Mabuti na lamang at hindi na ito umimik, at sinunod na lamang siya.

Ang mga salamin naman niyang mukhang visor ay sa ibang pagkakataon naman niya nabili. Napapalit-palitan ang mga lente nito, kaya tinanggal niya ang mga dating nakakabit, ihinubog sa mga lente nito ang bakal na pantabing ng kanyang lumang fencing mask, pinitpit gamit ng martilyo ang ibang parte upang maging kasukat nito ang mga dating lente, at magkasya habang natatanggal-tanggal pa rin kahit kailan niya gusto. 

Sayang. Kung sana lang may mapagpapakitaan ako nitong ginawa ko.

"Malapit na." Tila may narinig siyang matandang lalake na bumulong sa isip niya. Napahigpit ang hawak niya sa kakatanggal lamang niyang maskara at lumingon-lingon. Matagal rin niyang pinag-aralan ang oras ng pagpasok ni Raul Gonzales, ang may-ari ng bahay. At nang masigurado nga niyang mula alas-dos ng hapon hanggang alas-onse ng gabi ang pasok nito sa opisina, matapos ng limang linggo ng masusing pagmamatiyag, ay saka lamang siya nagtangkang pasukin ang bahay nito. 

Pang-apat na balik na niya ngayon, at kahit kailan ay hindi pa siya naaabutan. Ngunit palaging mayroong unang beses para sa lahat. Tiningnan niya ang suot niyang relo. Alas-singko pa lamang ng hapon. Kinakabahan lang ata siguro ako. Relaks lang. Hoo..hingang malalim, Sinag. Huwag nerbyoso. Gumaang muli ang kapit niya sa hawak niyang maskara at mabilis itong ipinasok sa kanyang bulsa.

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon