Kabanata 13: Karimlan

29 0 0
                                    

Nagsimula ang mahinang tinig ng saxophone. Jazz. Malambing. Malandi. Parehong nakakapagpabilis at nakakapagpabagal ng tibok ng puso. Madilim ang buong paligid. Dito niya namalayang nakapikit pala siya. Iminulat niya ang kanyang mga mata. Nagpatay sindi ang naninilaw na ilaw ng kwarto niya. Hindi pa rin niya napapalitan ang bumbilya nito. Sinubukan niyang bumangon. Dito lang niya napansin na nakatali pala siya...sa sarili niyang kama!

Masakit sa mga kamay ang kapit ng mga sinturon. Gayundin sa kanyang mga paa. Kahit anong piglas niya hindi siya makagalaw. Inangat niya ang kanyang ulo. Nagbukas ang pinto at pumasok ang apat na lalaki.

Hinihingal, diretsong umupo si Dalisay. Hindi ko na ba talaga matatakasan ang aking nakaraan? Ang aking mga bangungot...hindi ko na nga ba matatakbuhan? Malamig ang mga namuong butil-butil ng pawis sa kanyang noo. Nagmadali siyang nagsuot ng tsinelas at dumiretso sa pinto. Ginalaw-galaw niya ang busol. Naka-lock pa rin ito. Sumunod siyang nagpunta sa mga bintana. Inuga-uga niya ang mga bakal na hawakan. Nangangalawang na ang mga ito at hindi na nagagalaw. Hinaplos niya ang mga bakal na rehas ng bintana. Matatag. Walang palatandaan na may nagtangkang pasukin ang kanyang kwarto kagabi. Araw-araw niya itong ginagawa. Uma-umaga.

Umupo siya sa harap ng kanyang tokador. Binuksan niya ang dalawang drawer nito. Hinaplos isa-isa ang kanyang mga lipstick, mga lapis na pangguhit sa kanyang mga mata, mga pulbos na iba't-ibang kulay, mga brush, at sa dulo ng isa sa mga drawer na ito, ang isang lumang cassette tape.

Napangiti siya. Luma na ang itim na player. Pang-radyo at pang-cassette lamang ito. Puno na ng elektrikal tape ang kable nito, pero gumagana pa rin. Itinodo niya ang volume. Inilagay ang tape. At pinindot ang play. Nanginig ang kanyang tukador, gayundin ang kanyang salamin at lahat ng mga bintana. Tila sinasabayan ang pagtibok ng kanyang player sa saliw ng kantang "Before I Forget" ng Slipknot.

Nakipagtitigan si Dalisay sa sarili niyang nasa salamin.

Go!

Bigla na lamang dumagundong ang buong paligid. Napaigtad si Sinag sa sobrang gulat at nahulog sa kama. Pinakiramdaman niya ang kwarto. Nanginginig ito. Sinilip niya si Habagat, nakanganga ito, natutulog pa rin. Isang linggo na rin mula nang manirahan siya sa bahay na ito. Iba talaga sa pakiramdam ang may katabi sa pagtulog. Mabuti na lamang at hindi magalaw ang lalaki. Sa katunayan, hindi talaga ito gumagalaw kapag nagsimula na itong matulog. Nasa magkabilang gilid lamang ang mga kamay nito, parang bangkay. Ang tanging palatandaan lamang na buhay pa ito ay ang dahan-dahang pagtaas-baba ng dibdib nito. Ang hindi lang talaga niya matiis ay ang malakas na patugtog ng babae sa kabilang kwarto. Araw-araw. Tuwing alas-siyete ng umaga.

Stapled shut, inside an outside world and I'm sealed in tight, bizarre but right at home...

Tumayo siya, hinihimas-himas ang kanyang balakang. Lahat ata ng galos niya sa katawan ay magaling na, liban dito. At paano nga naman ito gagaling kung araw-araw akong nahuhulog sa kama!

Nagkuyom ang mga bagang ni Sinag.

Pinakiramdaman ni Dalisay ang pagdagundong ng buong kwarto, ang pagkabog ng kanyang dibdib. Napapikit siya. Sa isip niya malinaw niyang nakita ang pagpatay-sindi ng naninilaw na ilaw ng kanyang dating kwarto. Hinihingal, binuksan niya ang kanyang mga mata. Tumingala siya, nakasara ang bumbilya ng kanyang kasalukuyang kwarto.

Claustrophobic, closing in and I'm catastrophic. Not again...

Umikot ang paligid, tila nahuhulog sa kanya ang kisame. Yumuko siya, sinasalo ng kanyang mga palad ang kanyang mukha at umiling-iling. Inaalog ang kanyang ulo, tila tinataktak ang mga madidilim na alaala na nagkukubli dito.

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon