Kabanata 8: Brusko Donut

31 0 0
                                    


"Alam mo apo, mukhang gutom ka pa eh. Halika sa kusina."

Tumayo na si Raul dala-dala ang dalawang walang lamang plato, habang si Sinag, napaigtad lang. Pinipilit na tumayo upang sundan ang matanda. Mga ilang segundo lamang ay narinig niyang nagbukas ito ng gripo. Tanda na nasa kusina na ito.

"Kaya mo yan! Sa mga kwento mo'y marami ka nang pinagdaanang mas masakit pa kesa sa konting bugbog ng katawan!" Sigaw nito.

Konting bugbog ng katawan?! Pikit na nga ang mga mata ko. Para akong matabang ponkan na nilagyan ng dalawang hiwa, kunwari'y mata. Kinapa niya ang bibig niya gamit ang dila niya. At mukhang kulang na ako ng mga ngipin. Maalat-alat ang lasa ng dugo sa mga bakanteng lote sa loob ng kanyang bibig.

Sus, wala yan. Narinig nanaman niya ang boses ni Raul.

Ngayon ay nagtagumpay na siyang makatayo, at habang nakasandal sa pader ng bahay, dahan-dahan siyang nagpunta sa kusina. Halos hinihila lang niya ang kanyang kanang binti, pero mukhang hindi naman nabali.

"Oh kita mo na. Malakas ka pa eh! Sandali nga't kukunin ko muna sa sala ang nag-iisa nating upuan." Tinapik siya nito sa balikat pagdaan. Gumapang ang sakit na tila nakuryente siya papunta sa kanyang likod, pababa sa kanyang mga nangangatog na tuhod. Napakagat labi siya. Putok pala labi ko? May parte ba sa katawan ko ngayon na hindi masakit?

Tila nag-iimbentaryo siya ng mga gumagana pang parte ng katawan niya. Mukhang wala namang nabali. Maski nga ilong ko, mukhang hindi naman nabasag. Pero ang leeg ko, sobrang sakit. Malamang dahil na rin sa pagkakasupalpal sa akin kanina.

Himala na lang talagang nakakain siya ng ganito ang lagay ng bibig niya pero kahit na napakalaki na ng kinain niyang donut ay pakiramdam niya'y ni hindi nga ito nakarating sa kanyang sikmura. Hanggang dibdib lang. Na masakit din.

At lalo pang sumakit nang bigla na lamang siyang hinawakan ni Raul sa balikat at pinaupo sa upuang hindi nga niya nakitang nandun na pala.

"Kita mo naman ang ginagawa ko dito sa may lababo galing dyan di'ba?" tanong nito. Tumango na lamang siya, hindi pa makapagsalita. Wala sa sariling binilang niya gamit ang dila niya kung ilang ngipin ang natanggal. Dalawa.

Tiningnan ni Sinag ang kusina ng matanda. Wala na ang lamesa. Naka tabi na ang mga kahoy. Ang mga nabasag niyang pinggan ay nasa basurahan na rin. Ang natitira na lamang ay yung ref, yung lababo, siya, at ang matanda.

"Ay, oo nga pala." Inabot ni Raul ang isang maliit na mangkok sa tabi ng lababo. "Baka lang kako gusto mong gawing souvenir. Natanggal yan nung tinuhod kita".

Sa loob ng mangkok ay ang dalawang ngipin niya. Ngumiti siya. Naramdaman niyang tila nanlalagkit ang kanyang mga pisngi. Punong-puno ito ng maruming dugo. Tila gusto niyang umiyak ulit, pero tama na. Tama nang pag-iyak para sa isang araw. Para sa buong buhay ko. Ilang beses pa ba ako iiyak?

Nagpunas si Raul ng kamay sa kanyang t-shirt. Ngayon lamang niya napansin ang suot ng matanda. Isang kulay abo na t-shirt na may mga butas-butas pa, at pantalon. Mali. Dating pantalon, na ginupit sa gitna upang gawing shorts.

"Dahil mukhang nagustuhan mo ang ihinain ko sa'yo kanina, at mukhang gutom ka pa, gagawan kita ulit. Dahil gutom pa rin ako, at kelangan ko ng palusot para kumain ng isa pa. Mataas na ang blood sugar natin eh." Natatawa-tawa pa ang matanda.

Hindi ni Sinag maintindihan kung ano na ba ang nangyayari sa araw na'to. Kung sabagay, hindi ko nga rin maintindihan kung ano na ba ang nangyayari sa buhay ko eh. Natawa rin siya.

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon