"Magandang gabi, ako si Rajah. Malamang ay nagtataka kayo kung bakit ko kayo kinakausap. Lalo na't kakaunti lang naman sa atin ang nakakaalam na lahat tayo ay nasa isang kwento lang. Maiksing kwento man ito o nobela, palaging may nanonood. Palaging may nagbabasa. Ang hinaharap natin, nakasulat at nakatakda na."
"Ahh..boss sinong kinakausap niyo?"
Tiningnan ni Rajah ang kasama mula ulo hanggang paa. Napakarami na nilang pinagsamahan. Nakita na niya itong humikbi, nakita na rin siya nitong humagulgol. Malaking tao si Bogs, pero nakakapagtakang hindi nakakatakot ang hitsura at presensya nito. Matangkad ito, at malaki ang tiyan. Mataba ang mukha. Palaging mukhang nakangiti ang mga mata – malamang kaya hindi siya nakakatakot. Mahaba ang buhok nito at nakatali noong unang beses silang magkita, pero ngayon ay maiksi na ito. Gupit sundalo. Gupit na nararapat sa kanyang opisina. Bagong ahit ito. Makinis ang mukha, bibig, at baba. Mabilis lang tumubo ang buhok nito kaya madalas na magaspang ang hitsura nito – pero hindi ngayon. Hindi rin gusot ang polo barong nito.
"Aba, nagpapogi ka ngayon Bogs?" Mukha man siyang palangiti, tanga lamang ang hindi matatakot sa kanya. Malaki man ang tiyan niya, hindi naman siya hingalin. Pawisin man ang mga kamay niya, malakas naman itong sumuntok. Kung sabagay, kakaunti lang ang nakakaalam nun.
"Siyempre boss, may bisita tayo eh!" Ngumiti ang malaking lalaki. "Eh kayo, hindi ba kayo maghahanda?"
Tumaas ang kilay ni Rajah. "Bakit Bogs, hindi ba ako mukhang handa?"
Siya naman ngayon ang kinilatis ng kanyang tauhan. "Pinauwi niyo ng maaga ang mga tao, na hindi naman bago. Palagi mo naman silang pinapauwi sa tamang oras, maski pa may mga kailangan tayong tapusin. Tayong dalawa lang naman ang maagang pumasok at gabing-gabi na umuwi. Tayo, at minsan, si Mang Ador. Nakabarong kayo, pero palagi naman kayong nakabarong. Parang walang pinagbago. Kaya...hindi. Hindi kayo mukhang handa."
"Kasi Bogs, may sasabihin ako sa'yong sikreto." Binuksan niya ang maliit na aparador sa gilid ng kanyang opisina, at yumuko. Sa loob nito'y punong puno ng mga magkakapatong-patong na karton ng mga papeles at kagamitan sa opisina. Pero sa pinakaibabaw ng mga karton ay may mga malalapad at lumang plaka.
"Palagi akong handa." Ngumiti siya kay Bogs at hinugot mula sa maliit na koleksyon ang plaka ng Pink Floyd. Sinarhan niya ang aparador, sabay ang "klak" na tunog nito sa pag-angat niya sa karayom ng player na nasa ibabaw nito. Isinalang niya ang plaka. Umikot-ikot ito, at nagsimulang manghalina ang kantang "Shine On You Crazy Diamond."
*PLAY MUSIC*
Una, nakakabinging katahimikan. Tapos unti-unting magpaparamdam ang tunog ng synth. Hinahanda ang mga tao sa kwentong ilalahad ng kanta.
Papalubog na ang araw mula sa malayo. Imposibleng makita niya ito dito. Kelan nga ba ako huling nanood ng paglubog ng araw? Pinagmasdan ni Sinag ang paligid. Nasa gitna ng malawak na hardin ang opisinang pakay niya. Ang Kagawaran Ng Kalusugang Pag-aanak At Populasyon. Ang hardin ay napapaligiran naman ng matataas na pader. Hindi niya ito kailangang akyatin papasok, pero malamang ay kailanganin niya itong akyatin palabas mamaya. Inaral na niya ang buong perimeter. Pinakamadali sa kanyang magbakod sa kanang bahagi ng gusali. Ang babagsakan niya'y pasikot-sikot na eskinita gawa ng mga squatter na nakatira sa gilid ng kagawaran. May mga squatter din sa harap ng opisinang ito. Lumiit man ang dami ng populasyon, hindi pa rin nababawasan ang dami ng mga taong naghihirap. Nagsisiksikan pa rin sila.
Naaalala ni Sinag ang araw na natanggap niya ang imbitasyon. "Hihintayin kita sa aking opisina. Alas-siyete ng gabi. Wag mo akong paghintayin. – Rajah" Yun ang sabi nito, Sa bungad ng papel ay nakalagay ang bilog na selyo ng kagawaran. At ang pangalan ng taong nag-imbita sa kanya. Hindi niya alam kung sino ang nagdala ng sulat na ito, o paano nito nalaman kung saan siya nakatira, pero sigurado siyang hindi ito hinatid ng kartero.
BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...