Kabanata 4: Tata Seno

46 4 0
                                        


"Tata Seno!"


Lumingon ang matandang lalaki sa isang mas nakakabatang lalaking nakangiti sa kanya. "Apolaki, ikaw ba yan?" ani Tata Seno, sabay abot sa antipara niyang nakapatong sa ibabaw ng isang lamesita katabi ng puting arinolang pinaglalagyan niya ng pera.


Pinagmasdan ni Apolaki ang matanda. Nakakatuwa namang mukhang mabuti pa siya. Ang kanyang morenong mukha ay magaspang na sa dami ng linyang ipinamana sa kanya ng katandaan at mga karanasan. 


Mahaba ang puting buhok nitong hanggang siko ang haba. Bahagyang nangangayayat na ito mula noong huli silang magkita, ngunit tuwid pa rin ang likod nito, malapad ang mga braso, kitang-kitang malakas pa rin ang pangangatawan sa bawat mabagal ngunit maingat na paggalaw – liban na lamang sa mga nanlalabong paningin. 


Kung sabagay, siyam na pu't isang gulang na ito. Nagniningning ang matanda dala ng maraming gintong kadenang nakapulupot sa leeg niya. Ang kanyang magkabilang braso, napupuluputan naman ng tig-pitong pulseras yari sa iba't ibang kulay na mga bato. Bawat daliri ay namumunga rin ng dalawampu't limang singsing, mula sa huli niyang bilang, na ang ilang daliri'y doble pa ang dala kumpara sa iba. 


Napangiti ito nang maalala ang hitsura ng matanda nang mailathala ang larawan nito sa diyaryo. Itim rin na polo ang suot niya doon. "Matandang alahero, binali lahat ang daliri ng isang magnanakaw sa Cubao" ang sabi nito. Nakangiti doon si Tata Seno, halatang ipinagmamalaki ang kanyang gintong ngipin at ang kanyang ginawa sa buong mundo. 


Ginupit niya ang larawang iyon, nakasingit sa isa sa kanyang mga libro – ang kaparehong larawan, kasama ang ulo ng balita ay nakasabit naman ngayon sa isa sa mga pader ng maliit nitong tindahan.


Inayos ni Tata Seno ang kanyang antipara at tinitigang mabuti ang lalaki sa harap niya. "Paumanhin," simula nito, "napagkamalan lang ata kita. May kaboses ka kasi."


"Hindi Tata Seno, ako talaga ito!"


Pinagmasdan niya ang buong tindahan. Walang nagbago dito, ngunit lahat rin ay nagbago. Pareho pa ring pula ang kulay ng mga pader, at masikip pa rin sa dami ng mga kabinet ng iba't ibang tangkad na naglalaman ng kung ano-anong mga gamit na itinitinda ng matanda. Napansin nga lang niyang bago na ang lahat ng mga ito. 


Mga bagong antigo. Ang kahoy na ulo ng isang nilalang mula sa mga alamat na nabasa niyang mainam raw ilagay sa harap ng isang bahay dahil bantay umano ito laban sa mga masasamang espiritu ay wala na. Dati itong nakasabit sa pader, katabi ng hubad na larawan ng isang sikat na artista noong kapanahunan niya – na ngayo'y napalitan na ng isang larawan ng mga lalaking tumatawid sa isang kalye. 


Nakakainis. Maganda sanang ilagay yung larawang iyon sa loob ng kwarto ko. Ang sindihan naman ng insenso na yari sa kawayan na dating nakalagay sa may salamin sa harap ng tindahan nito'y wala na rin. Sayang. Gusto ko pa naman sanang bilhin yun lahat ngayon.


Ibinaling niyang muli ang kanyang atensyon sa matandang hindi pa rin kumikibo, ngunit unti-unti nang ginuguhitan ng ngiti sa mukha.

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon