"Alam mo, gusto kita." Napakurap si Mario sa sinabi ni Dalisay. Tiningnan niya ang dalaga mula sa salamin. Unang beses pa lang niyang gagamit ng gel o kahit anong produkto sa kanyang buhok. Nakiusap siya kahapon na gupitan siya ni Dalisay nang malaman niyang may pagsusulit siya sa kilusan ngayon.
At ngayon, hindi siya mapakali sa pag-aayos ng buhok niya. Tila naparami ata ang lagay niya. Hindi na gaanong sumusunod sa kanya ang kanyang buhok. Mga ilang minuto na rin siya sa harap ng salamin, nakikipagtunggali sa buhok niyang, ngayon lamang niya nadiskubreng, matigas pala ang ulo, nang matigilan siya sa sinabi ni Dalisay. Nilingon niya ito. Naguguluhan. Hindi niya alam kung anong isasagot.
Nagbuntong-hininga ang dalaga at lumapit sa kanya. "Hindi ganong klaseng pagkagusto ang ibig kong sabihin. Ang labo mo talaga."
Ginulo-gulo ng dalaga ang ayos ng buhok niya. Magagalit na sana siya nang makitang gumanda ang hitsura ng buhok niya pagharap ng salamin. "Bakit ka ba kasi nagpapapogi? Yung nars nanaman ba? Sinasabi ko naman sa'yo hindi siya darating sa pagsusulit. Tayong dalawa lang at yung eksaminer ang pupunta dun. At sa obal lang yun gagawin. Pagsisisihan mo ang bihis mo." Nakatingin na rin sa kanya ang dalaga, mula sa salamin, ang isang kamay nito nasa braso niya.
"Eh malay mo, bigla na lang siyang dumating diba? Dapat pogi ako." Sumimangot siya ng tingnan ang nag-iisang pares ng sapatos na binili sa kanya ni Dalisay. Hindi bagay sa kanyang polo ang rubber shoes. Mas pangit naman kung magtsi-tsinelas lang siya.
Tila nabasa ng dalaga ang isip niya nang magsalita ito. "May rason Mario kung bakit rubber shoes ang binili kong sapatos para sa'yo. Pwede bang suotin mo na lang?"
Eh ano pa nga bang magagawa ko? Lumuhod si Mario para itali ang sintas ng sapatos niya. Natigilan siya. Unang beses pa lang niyang magsisintas ng sapatos kaya binuhol na lang niya ng mahigpit at itinago ang mahahabang tali sa loob para walang makapansin.
Malapit lang ang obal sa barberya. Kayang lakarin. Kabisado na niya ang lugar na ito. Hindi sila masyadong nagkakausap ni Dalisay. Palagi itong abala sa barberya, o di kaya'y umaalis para sa mga gawain niya sa kilusan. Ano nga ba ang mga gawain ni Dalisay sa kilusan? At kapag nasa bahay naman, hindi naman ito mapakali kaya nagiging abala naman ito sa gawaing bahay. Hindi naman si Mario madaling mabagot. Kaya niyang manatili sa isang lugar, tahimik lang, at walang ginagawa – tulad ng sa ospital. Pero hindi tulad ng sa ospital, malaya siya dito. Lumabas at maglakad.
Kaya yun ang ginagawa niya. Kada araw lumalabas siya, kinakabisa ang bawat kalye palayo ng palayo mula sa kanilang bahay. Ilang beses na rin siyang nakapunta sa obal. Palaging may isang lalaki dito. Madalas kumakain. Minsan tumatakbo. Tila nagsasanay sa pabilisan ng pagtakbo.
Naaalala niya nung unang beses niyang tumakbo, hindi niya maalala kung nakatakbo na ba siya ng ganon noong bata pa siya, bago pa man siya dalhin sa ospital. Napakasarap sa pakiramdam. Yun din yung gabi na nakilala niya ang nars. Nang itakas siya nito mula sa impyernong puting kwartong kinasadlakan niya ng dalawang dekada, o malamang higit pa. Ilang taon na nga ba ako?
Madalas silang nagkakatinginan ng lalaki pero hindi pa sila nito nagkakausap.
Papatirik pa lang ang araw nang makarating sila sa obal. Wala pa atang alas-diyes noon, pero mainit na ang malawak na lupa. Payak lamang ito, malawak na lote lang na may isang kahoy na plataporma. Tinutubuan ito ng matataas na damo sa ibang parte, halatang walang nag-aalaga sa lugar. Ang takbuhan, lupa lang na hindi tinutubuan ng damo pagkat lagi lang silang maaapakan. Sa gitna ng bilog na takbuhan ay damuhan din, tinutubuan ng mga maliliit na puting bulaklak na nagpapakati ng ilong. Minsa'y nilapitan niya ang mga ito, namamangha sa kasama nitong nagbubukas sara na mga makahiya, pero umuwi siyang barado ng sipon ang kanyang ilong at bahing ng bahing.
BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...