Kabanata 14: Liwanag Ng Mga Anino

35 0 0
                                    

"May...pupuntahan nga pala ako bukas."

Muntik nang mabulunan si Habagat nang bigla na lamang ni Sinag binasag ang katahimikan. Tiningnan niya ang lalaki na nakaupo sa kabisera ng kanilang maliit na parihabang lamesa. Patuloy lamang ito sa pagkain. Ni walang palatandaan na nagsalita ito mga ilang segundo lang na nakalilipas. Nagsalita ba talaga ito?

"Aalis ako bukas." Si Sinag ulit.

Nilakasan nito ang kanyang boses. Tiningnan ni Habagat ang babaeng nakaupo sa kabilang kabisera ng lamesa. Tulad ng binatang kaharap nito, nakayuko lang din ito, nakatingin lamang sa pagkaing nasa plato.

Napabuntong hininga si Habagat. Isang linggo na silang ganito. Hindi talaga sila gaanong nagkukwentuhan ni Dalisay, lalo na't habang kumakain, pero simula ng pagdating ni Sinag, tila nagbago. Hindi na lang basta tahimik ang bahay. Lumamig din ito. Lalo na kapag napipilitan silang magharap-harap tuwing hapunan.

"Sa...saan ka pala pupunta Sinag?" Ngumiti si Habagat. Hindi na niya kailangan ngumiti kay Sinag sapagkat hindi naman niya ito makikita o papansinin, pero pinagdarasal niyang baka makatulong ang ngiti niya sa tono ng boses niya. Baka sakali lang mabawasan ang malamig na pakikitungo ng lalaki sa kanila.

"May hahanapin akong tao." Sagot nito. Tila gumulong sa loob niya ang kanyang sikmura. Tiningnan siya ng binata. Mas malamig sa boses nito ang tingin nito. Lalong lumamig ang paligid. Hindi nakakatulong ang malakas na ulan sa labas.

"Ah." Sagot ni Habagat. Pabulong. Ni hindi nga ata ito narinig ni Sinag, sapagkat kasabay nito ang pagkislap ng kalangitan sa labas, at ang pagsigaw ng galit na kulog isang segundo lang pagkatapos.

"Kay Mang Gustav." Bigla na lamang nagsalita si Dalisay. Kahit si Sinag nagulat din. Mga ilang araw na ring hindi sila kinikibo ng dalaga.

"Magpatulong ka kay Mang Gustav." Ulit ni Dalisay, patuloy pa rin sa pagkain.

Dahan-dahang tumango si Sinag. Ngumiti at bumulong ng "salamat". Mahina pero halata namang narinig ng dalaga dahil bahagya itong ngumiti. Sobrang liit lang ang pagtaas ng gilid ng mga labi nito kung kaya kung hindi mo ito titingnan ng maigi ay hindi mo ito mapapansin.

Napabuntong-hininga ulit si Habagat, kasabay ng pagdagundong ng pagkulog sa labas. Hindi pa rin siya sanay dito. Sa init, sa ulan, sa pagkulog, at pagkidlat. Hindi nararamdaman ang mga ito sa loob ng kanyang dating puting kwarto sa ospital.

"Nga pala..." umpisa ni Habagat. Hindi niya aaksayahin ang pagkakataong mag-usap silang tatlo, o kahit bumalik ang paligid sa nakakakilabot na tahimik at lamig. "Bakit napapadalas ata ang pag-aadobo natin?"

Hindi umimik si Dalisay bagkus ay tiningnan lamang siya nito. Hindi mabasa ang kanyang mga mata, pero hindi naman mukhang galit kaya nagpatuloy lang siya. Matapos uminom ng isang basong tubig.

"Hindi naman sa...nagrereklamo ako. Kasi masarap eh. Masarap talaga. Nagtataka lang ako kung bakit –" Pagpapatuloy ni Habagat nang bigla na lang siyang putulin ni Sinag.

"Matamis. Hindi ito adobo. Pininyahan ito."

Si Sinag naman ngayon ang pinagbalingan ni Dalisay ng kanyang tingin. Patuloy lang sa pagkain si Sinag.

"Paano mo ba gusto ang luto ng adobo?" Tanong ng dalaga.

"Hindi matamis." Sinalo ni Sinag ang tingin nito at ibinalik. Nagpabaling-baling si Habagat ng tingin mula kay Sinag at Dalisay.

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon