"Gising! Gumising ka!"
Napaigtad si Mario sa kama sa sakit habang madaliang pinaghahahatak ang iba't ibang tubong nakakabit sa kanya. Nanlalabo pa ang paningin, sinubukan niyang kilalanin ang lugar. Naroon pa rin sa puting kisame nakasalpak ang apat na aluminum na kaha na nagsilbi na ring bahay ng apat na mga pahabang bumbilya.
Sa sobrang tagal niya sa kwartong ito, hindi na niya mabilang kung ilang ulit nang napundi at napalitan ang mga ito. Minsan nga'y nakikitungtong pa sa kanyang kama ang mga lalakeng nagpapalit ng mga bumbilyang napundi na. At ilang beses na rin niyang hiniling na sana'y napundi na rin siya kasama ng mga ito upang makawala na siya sa kwartong iyon.
Tahimik niyang tinitigan ang nars na nagmamadaling maghahatak pa rin ng iba't ibang tubo. Nasa kaliwang kamay na siya, malaya na ang kanyang kanang kamay. Mas malinaw na ang paningin niya ngayon. Unang beses pa lamang niyang makita ang kanyang kanang braso ng wala ang mga tubo. Iba't ibang kulay ang mga pasa. Marami at mahapdi. Ngunit nakakapagtakang masarap rin sa pakiramdam. Tumutunog-tunog pa ang mga buto nito habang inuunat niya.
Nagulat siya nang pagtingin niya sa kaliwang kamay niya'y malaya na rin ito. At tulad ng kanan, marami rin itong pasa, bugbog, at marka ng mga karayom na pinagtuturok sa kanya. Ahh..ang mga karayom. Naging kaibigan na niya ang mga ito. Hindi niya alam kung sino dito ang taksil o kaibigan, ngunit isa sa mga ito ay magdadala ng tulog. Yun ang sigurado niya. Tulog na walang panaginip, at kung walang panaginip, wala ring bangungot. Ang ganitong klaseng tulog lamang ang nag-iisa niyang natitirang paraiso sa impyernong ito.
"Hoy, naririnig mo ba ako? Mario?"
Tiningnan niyang muli ang babae. Ngayon lamang niya napansing nakaputi rin ito. Tulad ng kwarto niyang puro puti. Tulad ng mga kumot, kobre kama, at mga unan. Tulad ng mga damit na pinapasuot sa kanya araw-araw. Tulad ng mga gwantes at mga bulak at mga gasa at ng iba't ibang mga parapernalya na ginagamit sa kanya. Tulad ng mga uniporme ng mga doktor at nars na nageeksperimento sa kanyang katawan araw-araw.
Ang babaeng ito ay nars din. Papatayin na kaya nila ako? Tapos na kaya sila sa akin? Isa lang ba itong patibong?Palusot upang barilin ako?
Binabasa ng babae ang kanyang mga tala.
"Mario ang pangalan mo, tama? Makinig ka sa'king mabuti Mario."
Hinawakan ng babae ng mahigpit ang kanyang mga pisngi. Mainit ang mga palad nito, hindi kasing lamig ng mga kamay ng ibang nars. Maamo ang mga mata. Nakita niyang tila nangangasul ang mga mata nito. Kung sabagay, hindi na nakakapagtaka. Malamang ay artipisyal din ito. Asul ang kanyang mga mata at may maliit na nunal sa gilid ng kanang kilay.
Yun lamang ang natatandaan niya sa mukha ng nars pagkat natatakpan ang mukha nito ng gamit nitong surgical mask.
"Mario, makinig ka. Wala na tayong panahon. Ilang minuto lamang ang meron tayo at pipilitin ko ring iligtas ang ibang pasyente. Alam kong mahirap itong ipapagawa ko sa'yo pero kailangan mo itong gawin mag-isa. Sa labas nitong kwarto mo ay may mahabang pasilyo. Sa dulo ng pasilyo ay makikita mo ang isang asul na pinto. Buksan mo yun, at may mahahanap kang hagdan. Sa pinakaibaba ay may mga bakal na bakod pero sa kanto sa bandang kanan ay may hukay. Pagkasyahin mo na ang sarili mo dun. Tapos tumakbo ka, tumakbo ka ng mabilis papalayo. Sa taas ng burol, sa likod nitong hospital, may puno. Doon tayo magkita. Naiintindihan mo ba Mario?"
Kumurap lamang siya siguro nun. Alam kaya ng nars na ito na halos dalawang dekada na siyang hindi nakakapaglakad? O kahit makatayo man lang?
At naglaho na ang nars.
Sinubukan niyang umigtad. Gaano man siya kahina, hindi niya hahayaang masayang ang pagkakataong ito. Pagkakataong lumaya. Makatakas. Masinagang muli ng araw. Maamoy ang sariwang hangin – o kung ano mang hangin ang natitira pa sa mundo. Sa labas. Tama. Halos dalawang dekada na rin siyang hindi nakakalabas. Nalaglag siya sa kama. Una ang likod. Masakit at masarap. Tumawa siya. Matagal na niyang hindi nagugustuhan ang masaktan. Pinilit niyang dumapa, nagawa niya. Mukha siguro siyang tanga. Gumagapang sa sahig, hatak-hatak ang mga tulog niyang paa papalabas ng pinto, ngunit malaki ang ngiti. Matagal na rin nga pala siyang hindi ngumingiti.
BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...
