Nanlalabo pa ang paningin, napansin ni Sinag na wala na siya sa kusina. Bagkus, nasa loob na ng kwartong may altar ang upuang pinagkakatalian pa rin niya, habang si Raul naman ay nakayukod sa harap ng lamesang nag-uumapaw ng iba't ibang imahe ang laman. Hinawakan niya ito isa-isa, na tila hinahaplos nang may pagmamahal.
"Iba-ibang pangalan at hitsura ngunit iisa lamang", ang sabi nito.
"Mga ilang oras ka ring nakatulog apo." Lumingon si Raul sa kanya, nakaupo pa rin sa kanyang banig. Ngayon lang niya napansin kung gaano kalaki ang matanda. Nakaupo na siya sa isang upuan ngunit tila halos kasing tangkad pa rin niya ito. Kaya pala ganon na lamang niya ako ibato.
"Masarap ba ang tulog mo?" Nakangiti na ito sa kanya. "Kung may pagmamahal ka nga pala para sa sarili mo, pakiusap, wag ka nang manlaban, lalo na kung gusto mong ikwento ko sa'yo kung paano sa'kin napunta ang araw."
Oo nga pala. Hindi man niya maintindihan ng buo kung ano ang ibig sabihin nito sa salitang "araw", ngunit sigurado naman siyang ang kwintas ang tinutukoy ng matanda. Ikaw. Ikaw nga ba ang taong pumatay sa aking ama? Ikaw rin ba ang pumatay sa aking ina?
Hindi, ngunit sa mga pagkukulang ko at pagkakamali ay parang ako na rin mismo ang kumitil sa mga buhay nila. Tila naririnig na niya si Raul sumagot sa kanyang isip. Nakakapanghina't nakakapanibago na wala man lang siyang magawa. Alam niyang kapag nagpatuloy pa siya sa panlalaban... baka sa kabilang buhay na siya sunod na magising.
Bilang pagtanggap, hindi na siya umimik. Yumuko na lamang siya at pumikit.
Napabuntong-hininga.
Napaluha.
Napailing.
Napatango.
Muling nabalot nanaman ang hangin ng mabangong amoy na nagpapaalala sa kanya ng kanyang ama. Sa mga berdeng insenso pala ito nanggagaling. Kulay pula yung napili niyang sindihan nung nakaraan. Kung alam lang sana niya'y baka ninakaw na niya ang mga insensong ito para palutangin ang kanyang bahay sa nakakalasing nitong usok. Usok na nagpapanumbalik sa init ng yakap ng kanyang ama, maraming taon nang nakalilipas. Napakaimposible palang makalimutan ang yapos ng isang magulang, maski pa dekada na ang lumipas.
"Bago ko sa'yo sabihin apo, kung paano kita nakilala...kung paano napunta sa akin ang kwintas. Ang buong katotohanan ko. Nais ko lamang sanang marinig ang katotohanan mo". Tumayo ang matanda at nagpunta sa likod niya. Hinatak nang wala man lang kahirap-hirap ang kanyang upuan, patungo sa sala kung saan naghihintay ang dalawang pinakamalaking donut. Hindi. Burger? Hindi rin. Ang pinakamalaking donut na burger na nakita niya sa buong buhay niya. Kumalam ang sikmura niya. Gaano nga ba ako katagal walang malay?
"Apo, makinig ka." Napakalaki rin pala ng kamay nitong matandang 'to, sa isip ni Sinag, matapos ilapag ni Raul ang kanyang mga kamay sa mga balikat niya. "Tatanggalin ko ang iyong busal at papakawalan kita sa pagkakatali. Gusto kong maging palagay ang loob natin sa isa't isa habang nagkekwentuhan tayo. Alam kong mahirap, pero ito ang sinsigurado ko sa'yo. Magagalit talaga ako kapag nasayang ang mga niluto ko para sa'tin. At sa dami na ng mga nangyari ngayong araw na'to, maniwala ka sakin. Hindi mo pa'ko nakikitang magalit."
Tumango siyang muli, at madali ngang tinanggal ni Raul ang kanyang busal at pagkakagapos.
"Eee! Kadiri. Nanunulo pa ng laway mo!". Binato ni Raul sa isang sulok ang telang pinambusal niya sa bibig ni Sinag, at matapos ay inangat niya ang binata, hawak-hawak ito ng mahigpit sa isang braso, at sa isang kumpas, nakaupo na si Sinag sa kawayang sopa, sa harap ng dalawang plato ng higanteng donut na burger.
"Sige na, kumain ka."
Hindi na siya nag-isip pa. Kinuha niya ang isang plato, kinandong ito, at sinimulan nang sintensyahan ang mahiwagang pagkain. P*tang ina. Sobrang sarap. Teka, hindi kaya may lason 'to? O juts?
Grabe ka. Wala ah. Kinakabahan na si Sinag sa takbo ng isip niya. Kanina pa niya nariring na sumasagot si Raul.
Umupo sa tabi niya ang matanda at kinandong din ang isang plato. Hindi na ni Sinag namalayan kung ano ang nangyari sa mga donut na burger dahil sa isang iglap, pareho itong misteryosong naglaho. Kasunod ng dalawang malakas na dighay. At hindi sa kanya galing ang isa.
Nahihiyang liningon niya ang matanda. Nakangiti nanaman ito. Nakakatakot siya talagang ngumiti. Sana tigilan na niya muna yan.
"Ehem." Biglang naging seryosong muli ang mukha ni Raul. "Mabalik na tayo."
"Sino ba ang hinahanap mo at bakit ka pumapatay ng mga kawani ng gobyerno ng may edad na kwarenta'y uno?"
Minata ni Sinag ang matanda. Hindi ko alam kung ano ang mas nakakatakot, yung nakangiti siya o seryoso.
Hay, napakalabo mo naman!
Hindi na ni Sinag pinansin ang sumagot na boses. Ano pa nga bang maaari niyang gawin? Umamin? At kung hindi, ano naman ang mapapala niya? Kamatayan malamang. Tama. Ang lalaking ito. Siya si Kamatayan. Kung sabagay, maski ipagkait niya sa lalaking ito ang katotohanan, at talaga ngang patayin siya nito, kulang pa. Kulang pa ang mamatay ng isang beses para pagbayaran ang buhay ng lahat ng mga inosenteng pinatay niya.
Inosente? Napangiti si Sinag. Inosente nga ba ang mga ito? Malamang ay inosente nga sila sa krimeng ibinintang niya sa kanila, ngunit sigurado naman siyang mga kriminal pa rin ang mga ito na karapat-dapat parusahan sa libo-libong iba pang kasalanan.
"HOY BATA!" Sinigawan siya ni Raul at kinaltukan. "Bangag ka ba? Nabetsin ka nung luto ko 'no? Kanina ka pa nakatitig at nakangiti sa'kin. Nakakatakot ka na. P*tang ina. Hindi ko alam kung ano ang mas nakakatakot eh. Yung nakangiti ka o yung seryoso ka.
Napaigtad si Sinag sa sakit pero natawa pa rin ito. Napabuntong hininga siyang muli. Ito na. Ang aking buong katotohanan.
"Pinahirapan at pinatay ang aking ina pagkapanganak niya sa'kin. Ang sabi sa'kin ng aking ama'y taga-gobyerno daw ang gumawa nito. Ang aking ina, ni hindi man lang daw nabigyan ng disenteng libingan. Itinambak lamang daw siya sa isang malalim na hukay kasama ng iba pang mga bangkay na hindi na nakauwi sa kani-kanilang mga pamilya. Lahat sila...mga ina."
"Ang taong gumawa raw nito", pagpapatuloy ni Sinag "ay ang tunay raw na nagmamay-ari ng asul na kwintas. Kakambal daw ang taong ito ng aking ama. Napakabata ko pa noong ikinwento sa akin ng tatay ko ang buong katotohanan."
Dire-diretso na ang pag-agos ng luha, laway, at sipon ng basag na mukha ni Sinag. Basag sa pag-iyak, at basag dahil sa pagkakabasag ni Raul.
"Napakabata ko pa...ni hindi ko na nga matandaan ang mukha ng tatay ko. Ni larawan, o anuman...wala akong nailigtas, kundi ang espada niya, at ang kwintas. Ang kwintas na lagi niyang suot. Ang kwintas na ang tunay na may-ari ay ang dahilan rin ng kanyang pagkamatay. Sa paglipas ng panahon, unti-unti nang lumalabo ang hitsura ng aking ama sa aking gunita. Ang tangi ko na lang na mga alaala ay ang taon ng kanyang kapanganakan, at ang mangilan-ngilang aral na itinuro niya sa'kin bago siya namatay. Ang kwintas. Ang taon. Ito lamang ang mga bagay na meron ako upang matunton ang lalaking iyon. Ang lalaking sumira sa aming pamilya...at umulila sa'kin".
"Tama at mali". Bigla na lamang nagsalita si Raul matapos ang ilang minutong katahimikan.
Naghalo ang luha, hinagpis, at pagkagulat sa kanyang mga mata. Hindi na nga niya alam kung ano pa ang kanyang mararamdaman. Mali? Ano ang sinasabi ng lalaking ito? Siya ba talaga ang lalaking hinahanap ko? Malamang, dahil meron pa nga itong kawangis na kwintas. At kung siya nga, pagod na'ko. Hindi ko kayang patayin ang taong ito. Pagod na pagod na'ko. Baka nga oras nang makita ko nang muli ang aking mga magulang. Yun ay...kung papatuluyin ako sa tarangkahan ng langit.
"O ano, marahil ay ako naman ang taya?" ngumiti si Raul sa kanya, ngunit hindi na tulad ng dati. Kung hindi nga lang siguro puno ng luha ang kanyang mga mata ay makikita niyang naluluha na rin ito.
![](https://img.wattpad.com/cover/64430531-288-k307453.jpg)
BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...