Kabanata 3: Sayaw Sa Apoy

62 6 2
                                    

Nakikipagsayaw sa hangin ang nagbabaga pang pulang alipato bago tuluyang mawalan ng liwanag at maglaho sa dilim ng gabi.


"May panibago nanaman pong biktima ang inyong apo, Lolo Apolaki." Ipinaypay ni Gabay sa hangin ang kanyang palad upang ilayo sa kanyang mukha ang pinaghalong mga alipato at usok, nang matamaan niya ang sariling salamin na nagpatalsik dito sa lupa. 


Natawa ang maliit na morena sa nangyari. "Pasensya na po Lolo", habol nito, habang nakangiti pa rin. Pinanood lamang siya ng matanda habang umuupo siya at kinakapa-kapa sa sahig ang nawawalang antipara.


Sinuklian ng matanda ang ngiti nito, at tinulungan ang magandang dilag sa pagpulot sa kanyang salamin. Tahimik lamang na pinagmasdan ni Apolaki ang dalaga habang nagsusuot ito ng salamin at inaayos ang pagkakapantay ng bangs nito. Talagang sinasadya marahil ng dalaga na itago ang kanyang natural na ganda sa likod ng kanyang buhok at nanlalabong mga mata, sa isip nito.


"Salamat 'lo."


"Salamat rin, iha. Si Liksi nga pala?"


"Pabalik na po."


"Kung iyon lang ang ibabalita mo sa akin, makakaalis ka na."


Tumayong muli ang dalaga at nagsimula nang maglakad palayo habang hindi man lang umangat ang pwet ng matanda mula sa pagkakaupo nito sa lupa. Huminga lamang siya ng malalim at nagpatuloy sa naputol na pagdarasal. Humihingi siya ng lakas sa mga nakapaligid na kakahuyan ng Bundok Sierra Madre sa mga kakailanganin niyang gawin. 


Huminga siyang muli ng malalim habang pinapakiramdaman ang sagot ng kabundukan. Sa isip niya, nakita niyang gumapang ang kulay berdeng kapangyarihan mula sa mga ugat ng puno patungo sa likod niyang nakaugat din sa lupa. 


Sa isip niya, malinaw niyang nakita ang pagliliwanag ng kanyang buong katawan sa isang nakakasilaw na berdeng bola ng apoy. Sa mga ugat niya, naramdaman niyang dumaloy ang init ng berdeng apoy na kumalat sa kanyang buong katawan. Sa noo niya, dumaloy ang isang patak pababa sa kanyang baba mula sa nagbutil-butil na pawis. At sa mga kamay niyang nakapatong sa mga tuhod niya, nagbaga ang init ng kapangyarihang ito, pumipintig-pintig, nagsusumigaw na makawala.


"Salamat po." – Gumuhit ang mga salita sa kanyang labi, ipinaparating kay Pinagmulan na natanggap niya ang kanyang ipinagdarasal.


Tinitigan ni Apolaki ang mga nagsasayaw na ningas ng apoy ng ginawa niyang siga. Parang si Sinag ang mga ito, nag-iinit, nagbabaga, walang direksyon, walang pakialam sinuman ang mapaso. Napakalamig sa bundok na ito at kung hindi ka gagawa ng siga ay may posibilidad kang mamatay sa lamig. 


May parte pa kaya sa pagkatao ng aking apo na nagniningas upang magbigay ng liwanag at buhay? Sana nga. Sana nga hindi pa huli ang lahat. Oras na nga siguro para magpakilala ako kay Sinag.


"Gabay!"


Bahagyang natisod pa ang dalaga sa pagmamadali. Muli nanaman niyang inabot ang kanyang salamin upang ipantay ito. "Lolo, bakit po?"

SinagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon